Statement of Mar Roxas
at the press conference at the LP Headquarters
 

[Cubao, Quezon City on May 7, 2016]

Magandang hapon po sa inyong lahat.

May nais lang po akong mga sabihin. Unang-una po nandito tayo, buhay na buhay, hindi po inatake sa puso, walang karamdaman. Nagpapakita ng mga black propaganda na umiikot ngayon—na inatake daw tayo ngayon sa puso at nasa ospital, naghihingalo. Hindi po totoo ‘yan. Nandito po tayo, buhay na buhay at wala pong ganoong mga pangyayari.

At para maging mas klaro sa lahat, sinasabi ko po sa inyo at sa pamamagitan ninyo sa ating mga kababayan, malinaw na malinaw po—tuloy ang laban. Tuloy na tuloy po ang laban. Kahapon po, nanawagan tayo kay Senadora Poe para sa unity talks, pero hindi nagkatuluyan itong mga konbersasyon na ito. So, hindi na po natin malalaman kung ano kaya ang maaaring naging kahihinatnan nitong mga pag-uusap na ito.

Sabi ni Senadora Poe, “Wala nang dapat pag-usapan pa.” Nagtataka ako dito dahil, hindi ba mahalaga na pag-usapan natin ‘yung banta, ‘yung pinakamalaking banta sa ating demokrasya sa nakaraang mga dekadang ito? Hindi ba mahalagang pag-usapan ‘yung paghina ng peso kontra sa iba’t ibang mga pera ng ibang bansa? Hindi ba dapat pag-usapan ang paglalagay sa cost, o kaya tignan muna natin kung anong mangyayari, ‘yung mga investments na pumapasok dito.

Mahalagang mga usaping ito dahil trabaho, kabuhayan, ang nasa dulo nitong mga ito. Kaya, ikinalulungkot ko na hindi nagkatuluyan itong mga pag-uusap na ito pero nandiyan na ‘yan. Kaya para sa atin, magmula noon hanggang sa ngayon, patuloy ang ating paglaban, patuloy ang ating pagsisikap para sa isang maunlad, disente, at puno ng pag-asang kinabukasan para sa ating lahat.

Malinaw po sa akin na ang laban na ito, itong halalan na ito, ay hindi tungkol sa kahit sinong pulitiko, or hindi mahalaga ang career, political career, ng kahit sinong tao. Dahil ipinaglalaban natin dito ang mga pangarap ng 100 milyong Pilipino na araw-araw nagtatrabaho, araw-araw nagsasakripisyo, araw-araw naghihirap para hindi madaanan ng kanilang mga anak ang mga kahirapan na napagdadaanan nila sa kasalukuyan. ‘Yan po ang pinakapunto nitong halalang ito, at ‘yan din po ang ating ipinaglalaban.

Kaya po, sa ating mga supporters, sa mga nagbigay ng tiwala, sumuporta sa atin simula sa simula, maraming-maraming salamat po sa inyong lahat. Sa mga bago nating supporters. ‘Yung mga noong simula, maaaring may pagduda, maaaring kinilatis pa lahat ng mga kandidato—maraming-maraming salamat po sa inyong pagsanib puwersa, sa inyong pagsama sa atin. Napakarami po sa inyo ‘yung Silent Majority, ‘yung mga ordinaryong mamamayan na ngayon naninindigan na. Hindi na sila silent. Nagpaparating na sila ng kanilang tinig, ng kanilang pananaw na hindi nila gusto ang bastos. Hindi nila gusto ‘yung komunismo. Hindi nila gusto ‘yung dikataturya. Gusto nila ‘yung tapat, malinis, hayag na pamamahala. Sa inyo pong lahat, maraming-maraming salamat.

Kaya sa dalawa pang araw, in two days, halalan na po. Magmula ngayon, hanggang sa katapusan ng kampanyang ito, hanggang sa araw mismo ng halalan. Kausapin po natin. Kumbinsihin po natin. Ikampanya po natin ‘yung malinis, ‘yung hayag, ‘yung tapat na pamamahala. Ito ang pundasyon para sa ating magandang bukas.

We have come so far. Napakalayo na po ng ating narating. Napakarami na po ang natulungan natin. Kung may kulang pa, pupunuin natin. Kung may mali pa, itatama natin. Ang mahalaga po rito ay huwag po natin wasakin. ‘Wag po natin sunugin. ‘Wag po natin sirain ang lahat na napaghirapan natin, napagsakripisyuhan natin, napagtagumpayan natin nitong nakaraang anim na taong ito. Ito ang pundasyon para sa ating magandang bukas. The best is yet to come.

Patunayan po natin: mas marami pa rin tayong mga mabubuting Pilipino. Mas marami pa rin tayong mga tuwid na Pilipino. Ipanalo na natin itong laban na ito. Samahan n’yo po kami ni Leni sa ika-9 ng Mayo, panalo ang Pilipino.

Maraming salamat po.