Speech of
Mar Roxas
At the gathering of friends and supporters
Club Filipino, San Juan City

[April 14, 2016]

“Mananalo tayo”

Talaga namang nakaka-touch! Maraming-maraming salamat sa inyong pagdalo sa ating pulong ngayong araw na ito.

Nagpapasalamat po ako sa inyong lahat. Sa inyong pagpunta dito–hindi naman kinakailangan na pumunta rito para sa marami sa inyo.  Marami sa inyo, busying-busy [busy], sa inyong pangangampanya sa lokal. Marami sa inyo ang hindi naman kailangang magpakita dahil simula pa lang ay tumaya na kayo sa Daang Matuwid at kay Mar Roxas. [Palakpakan]

Pangulong PNoy; Vice President Leni Robredo; [palakpakan] Senate President Frank Drilon; Speaker Sonny Belmonte; sa ating mga kasama, kahaligi; mga taong tutulong sa pagpapatuloy sa magandang nasimulan na natin, ang ating mga senatoriables, palakpakan po natin; [palakpakan] ang ating mga governors and congressmen; [palakpakan] ating mga mayors, ating mga opisyales, lahat po na tumatayo sa matibay na plataporma, ng performance ng Daang Matuwid:

Magandang-magandang araw po sa inyong lahat. [Palakpakan]

Magmula nga noong EDSA People Power, 1986, at pati na rin noong 2010 nang pinili natin ang Daang Matuwid, hanggang sa kasalukuyan: Tiwala at suporta ng mga Pilipino ang pinapahalagahan at sinasandalan natin. Magtiwala tayo sa ating mga kababayan dahil pipiliin nila ang tama. [Palakpakan] Tayo ang mananalo. [Hiyawan at palakpakan]

Parang kumbinsido na kayo ah. [Tawanan] Kasi kung kumbinsido na kayo, makakapananghalian na tayo. [Tawanan at hiyawan]

I see so many familiar faces. [Tawanan] So many friends, so many fellow travellers on the straight and narrow path–so many true public servants. [Palakpakan]

Proud ako na kasama ko kayo! [Palakpakan] Proud ako na ipinaglalaban natin ang ating bansa at ang ating mga kababayan. [Palakpakan]

Mga posters, streamers, Mar-Leni–pero hindi ‘yan ang dahilan kung bakit mananalo tayo. Mananalo tayo dahil hindi lang sarili ang ipinaglalaban natin. Hindi ito tungkol kay Mar, kay Leni Robredo, o kahit pa kay Pangulong Pnoy. Ang laban na ito ay para sa disente at maunlad na bukas ng 100 milyong Pilipino. [Palakpakan] Dakila ang ating causa. Ang mga kalaban natin, kakampi ang mga taong matagal nang nang-abuso at nagnakaw sa ating mga kababayan. [Palakpakan] Ang pinanggagalingan nila: Personal na ambisyon, yabang,  at takot na makulong. [Palakpakan] Ikumpara natin, ang nasa likod natin: Mga disenteng tao, na araw-araw nagbabanat ng buto at nagsasakripisyo para sa kanilang mga pamilya. [Palakpakan] Ang ipinaglalaban natin: Kinabukasan ng ating mga anak.

Mananalo tayo dahil habang nangangako pa lang sila, nagtatrabaho na tayo. [Palakpakan] Alam ‘yan ng apat at kalahating milyong benepisyaryo ng 4Ps. [Palakpakan] Alam ‘yan ng anim at kalahating milyong pasyente na ginastusan ng PhilHealth. [Palakpakan] Alam ‘yan ng mga dumadaan sa mga kalsada at tulay na dati pangako lang, pero ngayon, naipatayo na. [Palakpakan] Alam ‘yan ng mga estudyanteng pumapasok sa ipinatayong 187,000 classrooms, na tinuturuan ng 274,000 teachers. [Palakpakan] Alam ‘yan ng mga bansang ang turing dati sa atin, Sick Man of Asia, pero ngayon, ang tawag sa atin, Asia’s Bright Star. [Palakpakan]

Mananalo tayo dahil kung ang iba, gustong maging Boss, tayo, ang boss natin ay ang sambayanang Pilipino. [Palakpakan]

You know, as I look out among you, each one of you, I have a story. A story ng inyong pagsasakripisyo. Ang istorya na pinaparating ninyo sa akin tuwing ako’y magbisita sa inyong mga lugar–kung papaano ninyo tinutulungan ang inyong mga lugar para maiangat sa kahirapan ang inyong mga kababayan. Maraming maraming salamat sa inyong paglilingkod. [Palakpakan]

Mananalo tayo, dahil hindi tayo corrupt! [Palakpakan] Mananalo tayo dahil hindi tayo astang-diktador! [Hiyawan at palakpakan] Mananalo tayo dahil tayo ay Pilipino. [Hiyawan at palakpakan]

Mga kababayan, mga Boss: marangal tayo, disente tayo, at totoong mananalo tayo! [Hiyawan at palakpakan]

Nang simulan nating tahakin ang Daang Matuwid noong 2010, alam po natin: Once-in-a-lifetime opportunity ito. Sa wakas, masisimulan na ang pagbabago.

At naaalala n’yo ba? Mababa ang expectations natin noon. Sick Man of Asia tayo e. Para tayong lumpo, may sakit, hindi nakakasabay sa agos ng panahon. Dapang-dapa tayo, at ang inambisyon lang natin, makabangon.

The past six years have been full of its challenges, pero malinaw naman po, ito ang pinakamalayo nating narating bilang bansa. [Palakpakan] The corrupt have been held to account. The economy has grown, at milyon-milyon sa ating mga kababayan ay may kakayahang maabot ang kanilang mga pangarap. Kumbaga: Hindi lang tayo nakabangon. Nakakapaglakad, at nagja-jogging na ang Pilipinas. [Palakpakan] Pansin ko, marami sa inyo, ‘yung mga walang kalaban, kailangan din mag-jogging ha. [Tawanan] Ngayon naman, ang pangarap natin ay tuluyan nang makatakbo tungo sa mas matatayog pang pangarap. [Palakpakan]

Alam din natin, hanggang ngayon, sa kabila ng ating mga naging tagumpay, may ilan pa ring gusto tayong pigilan sa ating mga reporma. Dahil alam ng mga corrupt at kriminal, na kapag malaya na ang ating mga kababayan sa kahirapan, hindi na rin sila magpapaloko at magpapaabuso. [palakpakan]

Nagsimula na po ang isang maunlad at disenteng bukas.

Ito ang maasahan ninyo sa kinabukasang ito:

Sa ating maunlad at disenteng bukas, lalawak pa ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program. [Palakpakan] Bilang paunang hakbang, dadagdagan pa natin ng dalawang milyong pamilya ang mga benepisyaryo nito. [Palakpakan] Tulad ng mga naunang apat at kalahating milyong, ang bawat isang pamilya, makakatanggap ng tulong rekta mula sa gobyerno, walang kaltas, walang kupit, walang nakaw, para masiguro nila ang kinabukasan ng kanilang mga anak. [Palakpakan]

Bukod pa diyan, tutulungan din natin ang best and brightest sa ating mga high school graduates. Bibigyan natin ng P100,000 tuition scholarship ang mga valedictorian ng lahat ng 5,902 high schools sa buong bansa. [Palakpakan] Anumang kolehiyo na mapasukan nila at makatanggap sa kanila, hindi magiging sagabal ang kanilang kahirapan sa kanilang mahusay na edukasyon. [Palakpakan] At para sa top ten percent ng graduating class–there are roughly 1.1 million na magga-graduate sa ating senior high school. So ang ang ten percent is about a hundred thousand students. Para sa top ten percent ng graduating class, nitong mga high school, magkakaroon sila ng P10,000 allowance. Tulong ito sa kanilang pagpapatuloy sa kolehiyo. Hindi po ito matatamis na pananalita lamang. Kinalkula po natin ito. Kilala n’yo naman po ako, matalas ang ating lapis, di ho ba? [Tawanan] Ang halaga po nito: P6.8 bilyong piso ang kailangan natin dito para sa apat na taon ng pag-aaral nila, at alam ko kung saan kukunin ‘yan sa ating budget. [Palakpakan].

Para sa mga katunggali natin, gastos ‘yan. Tayo, tinitingnan natin ito bilang investment sa pinakamahalagang yaman ng Pilipinas: Ang mga Pilipino. [Palakpakan] Sa ganitong paraan, tiyak makakatapos sila ng pag-aaral at makakahanap ng maayos na trabaho at pagkakakitaan. Hindi na magiging hadlang ang kahirapan para maabot nila ang kanilang mga pangarap. At magiging katuwang na natin sila sa pag-abot ng ating mga kolektibong layunin. [Palakpakan]

Sa ating maunlad at disenteng bukas, higit na sisigla ang ating agriculture industry. Sa pamamagitan ng Daang Matuwid Bukid Revolution, magbibigay tayo ng tulong sa kapital. Para hindi maubos ang kita ng ating mga magsasaka at mangingisda sa pagbabayad ng mataas na interes at amortisasyon, sa mga 5-6 na nagpapautang sa kanila. [Palakpakan] Dodoblehin din natin ang bilang ng mga imprastruktura tulad ng mga farm-to-market roads at mga tulay. Ang gusto natin: Mabilis at sariwang madala sa pamilihan ang produkto ng ating mga magsasaka. Mag-i-invest din tayo sa mas maraming post-harvest facilities tulad ng mechanical threshers, dryers, at warehouses para mas malaki ang recovery ng inaani nila. Para sa mga mangingisda: ice plant at chillers. Ang resulta: Mas malaking kita at take-home para sa mga kababayan nating naglalagay ng pagkain sa ating mga mesa. [Palakpakan] Umaraw man o umulan, walang magsasaka o mangingisda na maiiwanan.

Sa ating maunlad at disenteng bukas, magkakaroon ng full recovery ng coco levy funds. [Hiyawan at palakpakan] Gagamitin natin ito sa mga programang nakatutok sa pamilya ng mga nagbabanat ng buto sa ating mga niyugan. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng edukasyon, training, mga parallel at alternatibong pagkakakitaan, matutulungan natin silang mabawi ang ilang dekada nilang pinaghirapan. Pera nila ito, at nararapat lang na mapasakanila ito.  [Palakpakan]

Sa ating maunlad at disenteng bukas, magiging mas agresibo tayo sa pagpapaunlad ng transportasyon at komunikasyon para sa ating mga kababayan. Ang 18,000 kms na kalsada na napagawa nitong nakaraang limang taon, ni Pangulong Pnoy, ni Secretary Babes Singson ng buong pamahalaan, kasama na po kayo, kayo na nagbu-budget nito, kayo na nagpapatupad nito, kayo na tumutulong sa pagbili ng mga right-of-way na ito. By the way, ‘yang 18,000 kms of paved concreted roads na iyan, ang katumbas po niyan ay sampung pabalik-balik, mula Aparri hanggang Zamboanga. [Audio cut]

Sisiguraduhin nating matatapos nang nasa oras ang mga solusyong nakakasa na at ginagawa na para matugunan ang mga pangangailangan ng isang lumalagong ekonomiya. Kabilang na rito ang North-South connectors na tatagos sa buong Metro Manila para hindi nagsisiksikan sa EDSA at C5 ang mga sasakyan. Magtatayo tayo ng commuter rail patungo sa Calamba para di nauubos sa trapik ang oras ng mga Pilipino. [Palakpakan] Doon sa Calamba naman, doon natin ikakabit ang modernong railway patungo ng Bicol. [Palakpakan] Moderno; ibig sabihin, hindi patsi-patsi. Hindi rehabilitation, kundi bago, ‘yung talagang maaasahan ng ating mga kababayan. [Palakpakan]

Sa norte naman, commuter rail din patungong Malolos. Dadagdagan pa natin ng parallel high speed highway magmula Bulacan patungong Cabanatuan, diretso sa Eastern side ng Luzon. [Palakpakan] Para mas mailapit natin ang Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Aurora, Isabela, pati na ang Cagayan sa sentro ng komersiyo sa Kamaynilaan. [Palakpakan] Ang paniwala natin: Mas maraming kalsada, mas maraming Pilipino ang magiging konektado sa mas maraming oportunidad.

Kilalanin natin ang isa sa pinakamakulit na tumutulak niyan, Oyie Umali, Cherry Umali. Palakpakan din po natin sila. [Palakpakan]

Mas maraming kalsada–ito ang ating paniwala–mas maraming kalsada, mas maraming Pilipinong magiging kunektado sa mas maraming oportunidad. [Palakpakan]

Titiyakin naman nating maayos at world-class ang ating mga airport at seaport dahil karapatan ng bawat mamayan ang ligtas at malayang paglalakbay. Gagawin nating modelo ang ginawa sa Hong Kong, magmula Kai Tak hanggang Chep La Kok. Inilipat nila ang kanilang airport mula sa downtown, doon sa malayo. Sisimulan natin ang pagdevelop sa Clark bilang pangunahing lagusan papasok at palabas ng ating bansa. [Palakpakan] Hindi po rocket science ito. NAIA 440, hectares. Clark, 2,000 hectares. Nandiyan na. Limang NAIA ang maaaring ipagkasya sa Clark. Kailangan lang nating simulan ang trabaho dito. [Palakpakan] Bilang unang hakbang, magpapagawa tayo ng high speed rail at dedicated highway para maging konektado ang paliparan sa sentro ng kalakalan. [Palakpakan]

Para siguradong maayos ang daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalsada sa siyudad, ire-reconfigure at ibi-bid out natin ang prangkisa ng mga bus sa Kamaynilaan. Bibigyan natin ng regular na sahod ang ating mga driver para hindi sila nagsisiksikan, hindi sila nag-aagawan, at hindi sila nag-uunahan sa pagkuha ng mga pasahero. [Palakpakan]

Sa ating maunlad at disenteng bukas, paparatingin natin ang high speed internet sa lahat ng school site at munisipyo. [Palakpakan] Bibigyan ko po ng diin: High speed broadband internet ang ibig po nating sabihin. Hindi ‘yung patak-patak na signal. Sa ngayon, 46,739 na school sites sa ating bansa. Ang balita, 12,121 mahigit ang mayroon internet connectivity, pero patulo pa ang signal. Sisisguraduhin natin na magiging high speed broadband ang internet connectivity ng mga paaralan pati na ng 1,490 municipalities ng ating bansa [palakpakan] para walang mapag-iiwanan sa information superhighway. Magiging mas aktibo rin ang gobyerno sa regulasyon ng mga telco. Kung nais ng mga telco na magpatuloy ang kanilang prangkisa, kailangang isama nila ito sa kanilang mga deliverables. [Palakpakan]

At dahil nga po nagpaplano tayo para sa isang maunlad at disenteng bukas, hindi lang para sa atin kundi para sa mga susunod na henerasyon, sisimulan na natin ang three-year transition period tungo sa malinis na enerhiya na nakatuntong sa natural gas. [Palakpakan] At sa loob ng panahong ito, hindi na maruming diesel kundi CNG, compressed natural gas, ang magpapaandar sa lahat ng pampublikong bus sa Kamaynilaan. [Palakpakan]

Sa ating maunlad at disenteng bukas, mas mababa ang presyo ng kuryente dahil mas maraming supply, mas maganda ang kompetisyon, at mas maraming investors sa power sector. Uusbong ang mga pabrika, sisigla ang manufacturing, at magbubukal ito ng milyon-milyong trabaho para sa Pilipino. Nagawa na natin ito; gagawin ulit natin ito. [Palakpakan]

Lahat ito, gagawin natin para makalikha tayo ng milyun-milyong trabaho para sa ating mga kababayan. Sa mga pabrika, sa turismo, sa call centers, at sa iba’t ibang sektor ng ating ekonomiya. Ipapatupad natin ang mga batas para matigil na itong kawalang katiyakan sa sistemang endo. Sa ganoong paraan, sigurado ang ating mga manggagawa, ang ating mga nagtatrabaho sa kanilang trabaho. [Palakpakan]

Ang gabinete natin, competent, propesyunal, may integridad. Kalahati, babae, gaya ngayon. Lalo silang pakikinggan; lalo silang makikiambag. At sa pamumuno ni Leni Robredo, totoong the best women will contribute to further the victories of our people. [Palakpakan]

Ito ang mga maaasahan ninyo sa Daang Matuwid. Ito ang maaasahan ninyo sa amin ni Leni. Kung nasaan ang problema, doon kami pupunta. Kung ano ang solusyon, yun ang tututukan namin. Di kami matatakot na pumunta sa frontlines. Di kami matatakot na sumagupa sa makapangyarihang interes. Hindi photo-op, hindi pasikat, Hindi siga-siga. Walang drama. Magtatrabaho kami. [Palakpakan]

Mga kababayan, mga Boss, madaling mambatikos. Pero isa-isahin natin yung mga binabato nila sa atin. Di ba, may nasasabi lang sila, dahil wala sila roon para maghanap ng solusyon sa problema? [Palakpakan] Tayo lang ang nangahas na maghanap ng solusyon.

Madaling mangako. Pero isa-isahin din natin ang mga kandidato. Sino ba talaga sa amin ang may track record na kayang tuparin ang aming mga pinapangako? [Palakpakan]

Habang sila nangangako pa lang, tayo, nagtratrabaho na. [Palakpakan]

Nandito tayo ngayon dahil hindi pa tapos ang kwento at ang tagumpay ng Daang Matuwid. Sinasabi ko po sa inyo: The best is yet to come. [Palakpakan]

At ‘yan ang dahilan kung bakit mananalo tayo. [Palakpakan]

Alam niyo po, as I go around the country, visiting you, seeing you work, helping out, receiving your hospitality, I am always so amazed and touched, humbled, by the greatness of our people. By their generosity of spirit. [Palakpakan] Lagi nalang, kahit kita mo na walang-wala sila sa buhay, aalukin ka pa ng kape at tinapay. Hahawakan nila ang kamay ko, at bibigyan ka ng mga nanay, mga lolo at lola ng bendisyon kumbaga, pagpalain ng nawa.

I am awed and humbled by their love for their family. By their capacity for work and sacrifice. Isa po roon si Analyn Calayaan: Nanay, pitong ang anak, iniwan pa ng asawa, pero hindi sumusuko. Ginagawa ang lahat, tinutupad ang mga kondisyones ng 4Ps, para masiguro niyang hindi pagdadaanan ng kanyang mga anak ang hirap na kanyang pinagdaanan.

Mga disenteng tao po ang ating mga kababayan na nais lamang mamuhay na may dangal at may pag-asa. Na kung kumayod sila, aasenso sila. Hindi ako papayag na naghihirap sila dahil sa mga bagay na hindi naman nila kasalanan. [Palakpakan] Pinangakuan sila ng kung anu-ano, binigyan sila ng kakarampot na tulong, at nang makuha ang kanilang tiwala, pinabayaan na lang sila at pinagnakawan pa. [Palakpakan]

Kaya nga muli ko pong hinihingi ang inyong tulong. Ipagpatuloy natin, at palakasin pa natin ang ating samahan. Ang laban na ito ay laban nating lahat. [Palakpakan]

At sigurado po ako: Walang makakapigil sa pagkamit natin ng isang Maunlad at Disenteng Bukas para sa Pilipinas. [Palakpakan]

Tayo ang gumawa ng pagbabago. Tayo ang nasa tama. Tayo ang nangahas at nangarap, tayo ang tumutoo sa ating mga kababayan, at tumupad sa ating mga pangarap. Tayo ang inaasahan ng mga susunod na henerasyon. Tayo, lahat tayo ang Daang Matuwid, tayo ang mga disenteng Pilipino, at tayo ang mananalo. [Palakpakan]

Maraming salamat po. Magandang tanghali sa inyong lahat.

##