Pinaulanan ng batikos ng kampo ng Liberal Party (LP) ang pagpapahayag ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte ng mga pagbabanta na nagpapakita ng pag-iral ng ‘Duterte Justice’ sa gitna ng kampanya sa pagkapangulo.

“Kung ano ang pumasok sa kanyang isip, tama o mali, totoo man o hindi ay ‘yun na ‘yon. Para sa akin, hindi ganoon ang uri ng papamahala na gusto natin sa ating bansa,” ani ng Pambato ng Daang Matuwid na si Mar Roxas sa isang panayam sa Naga, Cebu nitong Biyernes (Abril 8).

“Ano siya, judge, jury, executioner? Siya na lang at siya na lang ang tama at ‘yung pananaw niya na lang ang tama? Hindi ganoon ang Pilipinas at di ganoon ang Pilipino,” dagdag pa nito.

Ayon kay Roxas, tiwala siya na pipiliin ng mga mamamayan ang isang disenteng Pilipino bilang pangulo dahil prayoridad ng bayan ang pagpili ng pinunong magiging magandang ehemplo sa kabataan at magbibigay ng magandang impresyon sa bansa.

“Kung may mga problema na napatunayan na di ayon sa kanyang pananaw o opinyon ang katotohanan ay mumurahin na lang niya? Eh hindi po ‘yan ang tamang pamumuno sa ating bansa at hindi ‘yan ang ugaling nais nating matutunan ng ating mga kabataan,” ani Roxas

Maaalalang ipinagpahayag si Duterte ang marahas na pamamaraan niya ng pagsupil ng krimen bilang alkalde ng lungsod ng Davao matapos sabihin ng LP na imposibleng tapusin ang krimenalidad sa loob ng 3-6 na buwan.

“Kung patayin ko lahat ‘yan isang araw, anong pakialam mo? Ginawa ko na ‘yun noon, eh ba di gagawin ko uli ah,” pahayag noon ni Duterte.

Naglabas rin ng statement ang tagapagsalita ng LP na si Rep. Barry Gutierrez kung saan tahasang sinabi na hindi kailangan ng Pilipinas ang marahas na pangulo, bagkus ‘yung “ disente na naiintindihan ang lagay ng mga mahihirap at nabibigyan sila ng solusyon na iaangat ang buhay nila, hindi ‘yung tatapusin ang buhay nila.”

“Ganyan talaga si Mayor, lahat baril na lang. Pero tandaan natin, matapang lang siya mamaril ng maliit, pero umaatras siya pag malaki—China, GMA, Binay, NPA (New People’s Army),” ani Gutierrez.

Samantala, hindi nababahala si Cebu Gov. Jun Davide sa paglipat ng suporta ng One Cebu kay Duterte mula kay Vice President Jejomar Binay.

“We’re not worried,” pahayag ni Gov. Davide

“We have the machinery and the locals for Mar and Leni are working hard in the province. They’re all working hard para manalo talaga si Sec. Mar at Leni,” dagdag pa nito.

##