Walang humpay ang napakainit na pagsuporta ng ating mga kababayan sa Marinduque at Mindoro sa pagbisita ng tambalang Daang Matuwid na sina Mar Roxas at Leni Robredo noong Miyerkules (Abril 6).

Isang dagat ng dilaw at mga naka-maskara na mukha ni Mar Roxas ang sumalubong sa tambalang RoRo nang sila’y nagsimula sa isla ng Marinduque, kung saan sila’y nakipagkita sa iba’t ibang sektor sa Boac, ang kapital ng probinsiya.

Dito, pinangako ni Roxas na papaigtingin niya ang sektor ng agrikultura kung siya’y palain na mahalal bilang pangulo.

“Dito sa Marinduque, ang pangunahing hanapbuhay ay ang pagsasaka, o pangingisda, sa mga coastal. Nagbabanat-buto tayo, hindi pa sumisikat ang araw, gising na tayo para magtrabaho sa ating mga sinasakupan,” wika niya.

“Sa pagpapatuloy ng Daang Matuwid, nakikita natin na itong programa na murang pautang, dadagdagan natin ng dagdag pa na imprastraktura para mas madaling makarating sa mga pamilihan ang inyong mga produkto. Dadagdagan pa natin ng mga mechanized tool implements, ‘yung mga kagamitan sa pagsasaka’t pangingisda, para magiging mas malaki ang ating kikitain. Itong post-harvest facilities, itong mga mechanized, para sa mga mangingisda naman, ‘yung mga chiller, ‘yung mga ice truck, para mananatiling sariwa ang produkto ng mga mangingisda.”
Hindi rin nagpahuli ang Land of the Tamaraws sa pagpapakita ng kanilang pagmamahal kay Roxas at Robredo, at halos sampung libong total na katao ang sumalubong sa tambalang Daang Matuwid sa mga bayan ng Bansud, Oriental Mindoro, at San Jose, Occidental Mindoro.

Para kay Congressman Nene Ramirez-Sato ng Occidental Mindoro, si Mar Roxas lamang ang tanging kandidato na dapat tangkilikin sa ika-9 ng Mayo.

“Ang boto para kay Mar Roxas ay boto para sa ating mga anak,” sabi niya. “[Siya’y] sa puso, sa kaluluwa, nagmamahal sa ating bansa at sa ating kinabukasan.”

“Ang pakiusap na buksan ang ating puso, ang ating kaisipan, at kaluluwa at papasukin ang isang tao na tunay na magtatawid sa atin mula sa kahirapan hanggang doon sa masaganang kinabukasan.”

##