Binasag ng pinakahuling pagbisita sa Caraga ng mga Pambato ng Daang Matuwid na sina Mar Roxas at Leni Robredo ang balitang ‘Duterte Country” ang buong Mindanao matapos dagsain ng libo-libong katao ang limang magkakahiwalay na pagtitipong isinagawa sa rehiyon nitong Lunes (Abril 4).

Kasama nina Roxas at ni Robredo ang mga lokal na opisyal sa mga lungsod, munisipyo, at barangay sa rehiyon, at mga organisasyon ng mga kabataan.

Halos 10,000 hanggang 25,000 ang mga nagpunta at nagpakita ng suporta sa tambalang Roxas-Robredo sa bawat isang inorganisang rally sa Tandag at Bislig sa Surigao del Sur, San Francisco at Bayugan sa Agusan del Sur, at Cabadbaran sa Agusan del Norte.

Bayugan 2

“Nakaka-touch ang init ng pagtanggap nila sa atin dito sa Bayugan, sa San Francisco at sa lahat ng bayan na napuntahan natin dito,” ani Roxas.

“Kita ko, dama ko, bukas na ang kaisipan nila kaya pumunta sila dito, nakinig sa plataporma, programa. Nagpakilala kami ni Leni, binanggit natin ang mga programa na ipagpapatuloy ng nararanasan nila, at palagay ko naman ay malaking bahagi ay nakumbinsi na,” dagdag niya.

“Kitang-kita ang kanilang paninindigan sa Daang Matuwid.”

Inaasahang mas pinalakas pa ng pagbisita nina Roxas at Robredo ang nabuong alyansa ng mga pinuno at ng mga mamamayan na ikampanya ang pagpapatuloy ng Daang Matuwid.

“Committed ako kay Sec. Mar Roxas at kay Cong. Leni Robredo,” pahayag ni Agusan del Sur Gov. Eddiebong Plaza (NUP – Friends of Mar) na isa sa tumayo upang suportahan ang kandidato ng administrasyon.

Samantala, hindi ininda ni Roxas ang mga pambabatikos sa kanya kaugnay ng pagkalat ng mga litratong sinasabing minanipula o ‘na-photoshop’ upang magmistulang marami ang  pumupunta sa mga pagtitipon na kanilang dinadaluhan.

Bayugan 3

“Hindi ko naman pinapansin itong mga allegations na ito dahil ito ang sasabihin ng ating mga katunggali,” aniya sa isang panayam.

“Kung anong totoo, ‘yun ‘yung pinapakita natin,” dagdag ni Roxas.

Ayon sa kanya, may mga videong ipinapalabas sa telebisyon kung saan nakikita ang bugso ng taong sinasalubong siya sa kanyang mga lakad.

“Nakikita n’yo [sa TV] ‘yung mainit na pagtanggap, ‘yung pagkakamay, ‘yung pagyakap, paghalik, pagiging close ng nga kababayan natin sa atin saka kay Leni. Ito ang nagsisilbing inspirasyon na maganda ang magiging kinalabasan nitong laban na ito,” wika niya.

“There are 36 days to go. Kitang-kita natin ang reaksyon, pagtanggap sa atin ng ating mga kababayan base sa ating track record, walang mantsa at may tinatayuan tayong plataporma na ang gobyerno hindi lang pangako, nagawa na, nararanasan na ng mga kababayan natin.”

##