Talumpati ni
Mar Roxas
Sa 2016 Presidential Dialogues of the Makati Business Club
Fairmont Hotel, Lungsod ng Makati
 

[Ito ay salin sa FIlipino ng talumpati noong ika-30 ng Marso 2016]

Kay Chairman Ramon del Rosario ng MBC at mga kasapi ng pamunuan ng Makati Business Club—Vice Chairman Jamie Zobel, Doris Ho, Gigi Montinola, Guillie Luchanco

Ganoon din sa pamunuan ng MAP, President Perry Pe—mabuti ka pa. Perry, presidente ka na. [Tawanan at Palakpakan]. Maganda ba pakinggan? “President Perry Pe.”

Vice President Marife Zamora; dating presidente Popoy del Rosario; Noel Bonoan, isa sa mga direcktor; at siyempre, ang mga kapitapitagang mga miyembro ng pamunuan ng MBC at MAP, Cora dela Paz

Nakikita ko ang mga kaibigan at kahit mga kamag-anak sa likod. [Hiyawan at palakpakan] Maraming salamat sa oras.

Mga kasama sa pamahalaan… Gusto ko lang batiin ang isang taong napakatagal kong nakatrabaho sa ehekutibo, pati noong nasa DTI pa ako—si Secretary Greg Domingo. [Palakpakan]

Japanese Ambassafor Ishikawa-san, isang karangalan na makasama naming kayo dito. [Palakpakan]

Sa mga executive director ng MBC at ng MAP; Peter Perfecto ng MBC, at Arnold Salvador ng MAP; sa lahat ng bahagi ng pamunuan ng Makati Business Club at MAP; mga kaibigan, mga kababayan:

Magandang tanghali po sa inyong lahat, at maraming salamat sa inyong pagdalo ngayong hapon.

Ako’y tuwang-tuwa at ginaganahan. Akala ko ako ang huling magsasalita dito. Tulad nga ng sabi ni Ramon, ito ay alphabetical. Ang naisip ko, ang bulwagan ay puno, ang mga mesa ay puno, narinig na nila lahat ang mga ibang kandidato, so hindi pa sila kumbinsido. Kaya naman ako’y nagagalak na kayo ay nandito, naghihintay na makumbinsi.

Matindi kong pinagmunihan ang mga sasabihin ko sa inyo ngayong hapon. Ito ay parang isang pag-uwi, para sa akin. Nakatrabaho ko na ang marami sa inyo noong mga araw ko sa DTI, DOTC, bilang senador at kongresman bago pa noon, at bilang [secretary] ng DILG kamakailan lang. Merong kasabihan, isa sa mga pinakamahirap balikan ay ang mga taong kilalang-kilala ka. Kaya naman ako’y nag-aagam-agam sa aking pagpasok ngayong hapon dito.

Pero ang naisip ko talaga ay nandito ako, at kahit matagal n’yo na akong kilala, nandito talaga ako bilang isang aplikante para sa isang trabaho. Ito ang konteksto ng paglapit ko sa inyo sa araw na ito.

Ang desisyon n’yo ay hindi naiiba sa desisyon ng isang namumuhunan sa Pilipinas. Sa ibang salita, ito ay isang forum ng mga investor. Alam n’yo ang lahat tungkol sa bansa. Kayo ang nagpapatakbo ng bansa. Kayo ay kumikita dito. Ang inyong mga trabaho, mga propesiyon, at ang inyong mga negosyo ay nasa bansang ito.

Kayong lahat ay may taya dito. Kayong lahat ay may puhunan dito. Ang inyong mga yaman, mga kapital, mga kumpanya, ang inyong mga stakeholders ay nakadepende sa inyong mga desisyon, sa inyong pagpili. Para gamitin ang isang venture capital phrase, ang ating bansa ngayon ay nagsimula nang nakasuot ng diapers, at ngayon ay naka-shorts na tayo. At ang tanong para sa atin bilang isang bansa ay, “Papaano tayo makakarating mula sa pagsuot ng shorts sa pagsusuot pantalon, at sino ang tao na makakapagdala sa atin doon?”

Magkaiba ng problema ng pagpalit mula diaper tungo shorts sa problema ng pagpapalit mula sa shorts tungo pantalon. Gusto natin pumasok sa laro ng mga nakapantalon na. Big boys game, ika nga.

Maraming-marami na tayong nakuhang mga puri mula sa buong mundo. Minsan na tayong natawag na “Sick Man of Asia,” na para tayong mga ketongin na hindi kayang sumabay sa ating mga mas maunlad na kapitbahay. Tayo ay natawag na “barkadahang hindi kayang bumaril nang diretso.” Tinawag tayong “Mga taong hindi sinayang ang pagkakataong magsayang ng pagkakataon.” “Pulis Patola.” Mas elegante pa, tinawag tayo ng The Economist na mayaman [pero sa] sa pangyayari—mga coup, pagsabog ng bulkan, mga lindol, mga tsunami, mga bagyo, [mga kaguluhan sa politika], at iba pa.

Pero nandito tayo matapos ang anim na taon. Kung ano ang minsang natawag na “Sick Man of Asia” ngayon ay “Asia’s Bright Star”. Hindi lang ito headline. Ito ay sinusuportahan ng iba’t ibang mga ahensyang internasyonal. At sa atin mismo, pagtingin natin sa ating bank accounts, ika nga, kaya nating sabihin na meron tayong pag-asenso.

Kung tayo noon ay “Sick Man of Asia,” tayo ngayon ay wala na sa emergency room, wala na sa ICU. Tayo ay nakalabas na ng ospital, nagre-recover na, natututo kung papaano maglakad, mag-jogging, hanggang sa tayo’y makatakbo. Tignan n’yo, ang vital signs ng pasyente ay maganda. Ang ating unemployment rate ay 5.8 percent, ang pinakamababa sa sampung taon. Ang GDP sa huling limang taon ay nasa 6.2%. World Economic Forum, Global Competitiveness Index, 40 slots ang ating itinaas—mula sa 87, ngayon, nasa 47 na. Transparency International Corruption Perceptions Index—mula 134 ay nasa 95 na. Kayong lahat ay pamilyar na sa mga impormasyong ito.

Oo nga pala, itong mga sinasabi ko ay makikita sa aming website kaya puwede niyong tignan ang mga datos na sinasabi ko.

Pero mas mahalaga, ang bilang ng mga out-of-school youths ay bumaba mula 2.9 milyon, ngayon nasa 1.2 milyon na lang noong 2015. Ang self-rated hunger mula 23.4%, halos 1/4 ng ating populasyon, ngayon 11% na lang, mga 1/10 ng ating populasyon.

Ang tanong ay, papaano natin nagawa ito? Hindi ito milagro. Hindi ito nangyari sa isang kisap-mata lang. Lahat tayo ay nagtalaga ng isang mahusay, malinis, disenteng gobyerno noong 2010. Ang gobyernong ito, na tumototoo sa mga alituntunin ng malinis na pamumuno ng Daang Matuwid, ang naging daan para kayong mga miyembro ng pribadong sektor ay makamit ang mga napagtagumpayang ito.

Tulad ng pasyente: papaano natin ito ginawa? Merong mga humahadlang sa pagdaloy ng dugo sa mga ugat ng ating bansa. Ang ginawa natin ay tinanggal natin ang mga hadlang na ito para kayo sa pribadong sektor ay mamuno sa pag-usad at pag-asenso ng ating bansa.

Ano ang mga harang na ito? Una, korupsyon. Napakalakas ng laban natin sa korupsyon. May dating Ombudsperson na hindi anti-korupsyon na pinagbitiw sa posisyon. Ang dating Chief Justice na nagsinungaling sa kanyang SALN accounts ay pinuwersang mag-resign. May mga senador na hinahantay ngayon ang paglilitis, pati nga mga kongresman, gobernador, at iba pa.

Gusto ko lang sabihin, itama ang maling paniniwala, na itong proseso na ito ay namimili. Kung titignan n’yo ang mga rekord ng Ombudsman at ng Sandiganbayan, walang pagkiling sa mga hindi kasapi sa Partidong Liberal. Sa katunayan, maraming mga miyembro ng Liberal Party ang sumailalim dito sa laban sa korupsyon ng kasulukuyang gobyerno. Walang espasyo para sa korupsyon sa isang bansa na gustong umasenso at maging mas moderno. Ito ay isang maganda at napakaimportanteng aspeto sa ating plataporma.

Paano natin ginawa ito? Isa pa sa mga balakid sa pag-asenso ay ang limitadong kayamanan. Gumawa tayo ng fiscal space, pinalaki natin ang ekonomiya—kayo mismo ang nagpalaki ng ekonomiya. Dahil sa malinis na pamumuno ng liderato, kayo sa pribadong sektor ay malaya para mapalaki ang ating ekonomiya.

Pinabuti natin ang pangongolekta ng buwis. Alam kong iba-iba ang pananaw ng mga nandito tungkol sa kasalukuyang BIR commissioner, pero ito ang mga datos: mula sa 12.2 porsyento ng pangongolekta ng buwis, noong huling taon ito ay 13.7 porsyento na. Mukhang hindi malaki, pero sa 1.2 porsyento ng GDP na humigit kumulang 14 trilyong piso, ang salin nito ay sa 210 bilyon dagdag na yaman na puwede na nating gamitin para sa mga serbisyo para sa imprastruktura at sa iba pang kailangan ng bansa. Kaya naman ang 1.2 porsyentong pagkakaiba sa malinis at mabuting pangongolekta ng buwis ay nagresulta sa 260 bilyon bawat taon, at ngayon ay ginagamit nang mas maigi.

Nagkaroon tayo ng napakahausay na pangangasiwa sa ating mga utang, kaya naman mula sa interest expense ng 25 porsyento ngayon ay 13 porsyento na lang. Muli, ‘yung 12 porsyentong pagkakaiba, ‘pag nilapat sa 3 trilyong pisong budget ay [magreresulta] sa 360 bilyong piso. Kung noon, ang perang ito ay ginagamit para pambayad sa mga bangkong internasyonal at lokal bilang pambayad sa interes, dahil sa mabuting pamumuno, dahil sa mahusay na pamamalakad ng ekonomiya, naipababa natin ang halaga ng interes at ngayon ay nagagamit na natin itong mga dagdag na yaman na ito para sa mas mabuting mga bagay.

May mga maling prioridad—isa pa itong harang. Mali ang ginagawang prioridad ng gobyerno. Kaya ano naman ang ginawa natin? Tayo ay nag-invest sa ating pinakamalaking yaman, ang ating mga kababayan. Ang ating mga kababayan ang nagbibigay-buhay sa ating ekonomiya, at sila mismo ang gumagawa ng dagdag-halaga para umasenso ang ating ekonomiya. Kaya naman tayo ay namuhunan sa ating mga kababayan. Papaano natin ginawa ‘yun? Sa edukasyon, isinara natin ang puwang sa mga classroom, sa mga guro, sa mga textbook, ang mga puwang sa mga mesa at upuan.

Para lang maitala ko ang ilan sa mga bagay na ito: sa katapusan ng taong ito, mayroon na tayo dapat 184,000 na silid-aralan sa buong bansa. Totoo ‘yan. Ang bawat isa sa mga classroom na ito ay geo-tagged, at bawat isa sa mga classroom na ito ay gagamitin. Karamihan sa kanila ay ginagamit na ng ating mga kabataan para matutunan ang kanilang mga aralin sa eskwelahan. Sa simula ng taong ito, nadagdagan ng 214,000 na guro ang ating mga eskwelahan. Sa dulo ng taong ito, magiging 274,000 ang bilang na ito. Isipin n’yo kung ang inyong kumpanya ay nakapagdagdag ng ganitong karaming tao sa loob ng limang taon. Talagang mababago ang inyong organisasyon kung kaya n’yo na magpatrabaho ng ganito karaming tao para mabigyan ng leksyon na kailangan ng ating mga kabataan para sila ay maging prudoktibong kasapi ng ating ekonomiya.

Tayo ay nag-invest rin sa ating pisikal na imprastruktura at sa ating resiliency. Naalala ko noong 2009, 2010, ang buong capital expenditure outlay ng gobyerno ay nasa 170 bilyong piso. Noong 2015, ito ay nasa 580 bilyong piso—tatlong beses ang dinami. Ngayong taon, ito ay ansa 800 bilyong piso—limang beses ang dinami. At lahat na ito nakamit natin nang hindi dinadagdagan ang ating utang bilang bahagi ng ating ekonomiya, nang walang pagdadagdag sa ating interest rate bilang bahagi ng ating kabuuang budget.

Ang pagsasara ng mga puwang, paggawa ng fiscal space, ang pamamalakad ng gobyerno at ng ekonomiya ang nakagawa nitong fiscal space para magamit natin ang ating mga yaman kung sila ay mas makakapagbigay-halaga pa para sa ating bansa. Ito ay sa ating mga tao at sa mga pisikal na imprastruktura.

Ito ay mga halimbawa noong nakaraang limang taon. Kaya ko inilalahad ang mga ito ay dahil ako lamang ang kandidato na tumatayo sa plataporma ng pagpapatuloy. Karaniwan kapag eleksyon ang sinasabi, “Palitan! Tanggalin! Patalsikin!” Hindi ko alam kung ano ang mga salin nito sa Ingles. “Remove!” Para sa ating mga bisitang dayuhan. “Kick them out,” at kung ano pa, di ba? Pero tayo sa Daang Matuwid ay tumatakbo sa plataporma ng pagpapatuloy. At napakahalaga na ikaw at ako ay naiintindihan kung saan tayo nagmula at papaano tayo nakarating sa kasalukuyan nating lagay. Dahil ito ang ating pinaniniwalaan. Ito ang ating sabay-sabay na pinagtatrabahuan nitong huling limang taon at ito ang ating mga pangarap. Ito ang mga prinsipyo na nais nating ipagpatuloy.

Ang susunod na tanong ngayon, “Okay, Mar, sabi mo sa amin, diapers pa-short pants, paano ang pa-pantalon?”

Ganito yan, sisimulan natin yan sa pagpapalago pa ng ating ekonomiya. Itutuloy natin ang nakikitang progreso sa ekonomiya sa pamamgitan ng tatlong haligi: una ay sa sistema ng pagmamanupaktura kung saan nasa 25-30 porsyento ng GDP ay nakabase dito. Naniniwala ako na mapapalago pa natin ito sa pamamagitan ng paghila ng mga dekalidad na trabaho na naghahanap ng mas magandang lugar kaysa kung nasaan sila sa kasalukuyan.

Noong isang araw lang ay bumisita ako sa isang pabrika sa Porak, Pampanga, kung saan mayroon silang 10,000 manggagawa. Ang pangalan ng kompanya ay SuperL at kakadating lang nila dito sa bansa. Isa sila sa halimbawa ng mga kompanya na pamilyar talaga sa akin kasi noon, ako at si Greg, noong nasa BOI kami, naimbitahan ‘yung Luen Thai. ‘Yung Luen Thai may 60,000 na empleyado dito. So, itong kompanya na ito na kalaban ng nasa China, nakita ‘yung ginawa ng Luen Thai. Pinag-aralan nila tapos nagtayo na sila dito mga apat na taon na ang nakaraan. Ngayon, may 10,000 empleyado na sila. Kada buwan, ang naipapamahagi sa mga taga-Porac ay umaabot na sa 150 milyong piso.

Ang ibig kong sabihin ay nagawa na natin ito noon, at magagawa pa natin ito ulit. Nakikita ng mga kompanya ang kagandahan na magtayo ng pabrika dito sa bansa. Masaya sila na nandito sila, at sa totoo lang, sila pa mismo ang naghihikayat sa kanilang mga suppliers na magtayo na din ng pabrika dito sa Pilipinas.

Maaaring hindi mukhang posible ang isang milyong trabaho, ngunit hindi ito mahirap gawin. Kung may 100 kompanya na mag-eempleyo ng 10,000 manggagawa, mayroon na tayong isang milyong trabaho para sa mga Pilipino. Madali lang ito kung tatahakin natin ang daan na tinatahak na natin ngayon, at kung magpapatuloy tayo sa pagtahak ng Daang Matuwid.

So, manufacturing, ang susunod ay sa turismo. Base sa istatistika, nasa 5.2, 5.4 milyong turista na ang pumasok sa ating bansa. Naniniwala tayo na puwede nating doblehin pa ito hanggang 12 milyong turista sa susunod na anim na taon. Sa plano ni Sec. Mon Jimenez, nasa humigit-kumulang 65 bilyong piso na capital expenditures ng pribadong sektor para sa hotel, restawrant, at sa iba pa, habang ang gobyerno ay patuloy na gumagawa ng mga imprastraktura tulad ng kalsada, daungan at paliparan para sa mas maayos na sistema ng transportasyon sa bansa.

Ang panghuli, agrikultura. Ang agrikultura ay parang isang malaking elepante sa isang kuwarto. Alam natin na malaki ang benepisyo na nakukuha natin mula sa mga produkto ng sektor ng agrikultura. Ngunit, isa ang sektor na ito sa pinakanaghihirap, at hindi ito mahirap makita. Ang sektor ng agrikultura ang nagrerepresenta sa walo hanggang 12 porsyento ng GDP. Nasa kulang-kulang 35 porsyento ng Pilipino ang nakadepende sa agrikultura. So, isa itong napakaliit na parte ng bibingka, pero napakaraming nakaasa dito.

At ano ang sikreto sa agrikultura? Paano natin papalaguin ang agrikultura? Pag-usapan natin ng kaunti ang sagot sa “paano” sa pamamagitan ng pagpapalawak ng ekonomiya sa tatlong bahagi.

Una, pagkakaroon ng mga bagong pinanggagalingan ng mga economic activities. Mas pasisiglahin natin ang mga low-growth sources tulad ng agrikultura: ‘yung mga low-growth, mas pasisiglahin natin sa pamamagitan ng mga iba’t ibang paraan.

Ang importante ay kung papaano natin ito gagawin. May limang elemento na malinaw sa ating kaisipan. Una, kailangan nating patuloy na mag-invest sa human capital. Gagawin natin ito sa pamamagitan ng pagtugon sa mga kakulangan—kakulangan sa classrooms, sa guro, at sa iba pa. Kailangan nating mas iakyat ang kalidad ng ating edukasyon at ito ay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga pagsasanay para sa mga guro, mga scholarships para sa mga guro upang makapagtapos ng masteral na talaga namang makakatulong ng malaki sa kabuuang sektor ng edukasyon. Isa sa pinakaimportanteng elemento dito ay ang pagpasok ng internet. Sa isang pag-aaral noong 2009 hanggang 2012, sinasabi na sa bawat 10 porsyento ng pagtuturo ng paggamit ng internet sa low at middle class ng bansa ay makakatulong sa pagtaas ng GDP ng 1.3, 1.4 porsyento. Ito sa ay pagbibigay lang ng access sa internet.

Ang pagkakaroon ng access sa internet ngayon ay kaparehas ng kung ano ang kailangan natin mga kalsada noong mga nakaraang panahon. Ang kalsada ang nagkokonekta sa mga malalayong komunidad sa iba pang bahagi ng bansa, at ng buong mundo. Ngayon, ‘yan ang ginagawa ng internet. Kaya tayo ay mamumuhunan. Ang gobyerno ay mamumuhunan, kung kinakailangan, magtatayo tayo ng mga lugar kung saan magkakaroon ng maayos na koneksyon ng internet para ang bawat paaralan sa buong bansa ay magkakaroon ng internet hanggang sa lahat ng komunidad, lahat ng bata ay magiging kabahagi na ng modernong mundo.

So, sa pamumuhunan sa human capital, ang pagpapataas kalidad ng edukasyon ay napakahalaga. Isa sa mga programang kailangan nating gawin ay ang pamamahagi ng scholarships—Ramon, masaya kang marinig ito—mamamahagi tayo ng scholarships, 100 libong piso sa lahat ng valedictorian ng high school sa buong bansa na aabot sa 5,000.

May 5,200 senior high schools sa bansa. Bawat isa, may valedictorian. Sila ‘yung pinakamagagaling, pinakamatatalino base sa prinsipiyo at sistema ng paaralan. Lahat itong mga valedictorian na ito, makakatanggap ng scholarship na maaaring umabot sa 100 libong piso. Sa madaling salita, maaari silang mag-La Salle, Ateneo o UP. Hindi na magiging hadlang ang kahirapan upang makakuha ng mataas na kalidad ng edukasyon. ‘Yan ang ating gagawin.

Simpleng-simple lang ito. Limang libong valedictorians na may 100 libong piso ay aabot lang sa 600 milyong piso kada taon, times apat na taon na makakatanggap sila ng daang libong piso, so, habang nasa paaralan sila, nasa 2.4 bilyong piso ang ang gagastahin, kayang-kaya. Noon, sobrang hirap para sa atin na makakuha ng isang bilyon, ngunit ito, ito ang gagawin natin para sa ating mga kabataan: sisiguraduhin nati na wala sa kanilang malilimitahan. Kung sila ang pinakamagagaling at matatalinong bata sa kasalukyan, hindi sila dapat malimitahan sa kung ano ang puwede nilang matamo.

Ngunit, hindi lang iyan ang lahat. Ang top 10 percent—hindi ‘yung 10 lang pero unang 10 porsyento ng magsisipagtapos, mayroong mga 1.1 milyong seniors na magsisipagtapos. So ‘yung 10 porsyento, nasa 100 libong kabataan. Itong 100 libong ito ay makakakuha din ng stipend tulad ng sa GASTPE. Sampung libong piso kada isa para makapagpatuloy sila sa kolehiyo. Hindi dapat sila malimitahan ng kahirapan upang matamo yung mga bagay na pwede nilang matamo para sa sarili nila.

Sa kabuuan, ito ang nais nating gawing paraan ng pamumuhunan sa ating mga kababayan. ‘Yung mga kabataan mismo, magkakaroon ng access. ‘Yung mga guro, sila mismo, makakapagturo ng mas dekalidad. ‘Yung mga nasa paaralan, tapos may imprastruktura, internet, para makakonekta tayo sa iba pang bahagi ng mundo.

Susunod na bahagi, enerhiya. ‘Pag pinag-uusapan ang enerhiya, lagi nating naiisip “second most expensive in Asia after Japan.” Totoo naman ‘yun. Ngunit, hindi lang iyon ang istorya ng enerhiya. May malaki tayong potensyal sa sektor ng enerhiya habang sumasabay tayo sa transisyon mula sa madumi patungo sa mas malinis na enerhiya. Sa ngayon, halos kalahati ng enerhiya ay marumi—langis at coal. ‘Yung isa pang kalahati—geothermal, hyrdo, renewable energy.

Sa kasaysayan, mahalagang sukatan ang halaga, ‘yung pinakamura, ‘yung coal, 3.80 per kilowatt hour. ‘Yung iba, mahal na. Ngunit ngayon, dahil sa Paris accords, na-avail na natin ang Paris concessions at ‘yung mga mayayamang bansa na dahilan ng dumi ay tutugon sa kanilang mga gawa. Mula coal, tutulong sila na maging renewable energy ang pinagkukunan ng enerhiya. Mas maraming CNG, hydro, geo at iba pang renewable sources of energy. Makakalikha tayo ng trabaho, oportunidad, at mas maayos na klima para sa hinaharap.

Para sa mga Manilenyos na nandito, nasa 5,300 city buses ang nasa Metro Manila kada araw. Lahat sila, diesel. Isa sa mga unang aksyon ay ang ang unti-unting pagpapa-convert sa kanila sa CNG para sa mas malinis na transportasyon sa buong Metro Manila.

Importante na maisip natin na walang “one size fits all” na solusyon. Metro Manila, dahil urban ito, ay masikip at madumi na ang hangin kumpara sa mga mga karatig na lugar. CNG, bilang bus, ay para sa CAPEX, ay mas mahal kumpara sa regular. Sa tingin ko, kailangan natin ng maayos na transisyon patungo sa mas malinis na transportasyon dahil magiging mahirap para sa mga taga-Romblon na magkaroon ng CNG bus eh wala namang problema ng polusyon sa Romblon? ‘Yan ang gusto kong sabihin. Kung papaano natin ito gagawin, phase by phase sa mga highly urbanized cities bago tayo tutungo sa iba pang mga lalawigan.’ Yan ang gagawin natin sa Metro Manila.

Sa Metro Manila, itong 5,300 buses sa NCR, iba-iba ang prangkisa. Iba-iba ang nagmamay-ari. Ibang sistema ng kompensasyon, at nakakadagdag ito sa malaking bahagi ng trapiko sa NCR. Isa sa mga gagawin natin ay ang pagtungo sa kongreso. Naniniwala ako na hindi lang ito magagawa ng ehekutibo. Pupunta tayo sa kongreso at doon tayo magsisimula.

At naniniwala ako na magagawa ko ito sa maikling panahon, na lahat ng itong mga prangkisang ito ay gagawin nating isa, at iimbitahan natin ang mga bus carrier na mag-bid para sa isang ruta para hindi na makikipagtunggali sa isa’t isa ang mga bus, at sa kanilang pakikipagtunggali ay sumasakop sila ng mga lanes, sunod-sunod, at humaharurot sa highway para makakuha pa ng pasahero.

Pati na rin ang suweldo ng mga tsuper. Ang mga tsuper ay binabayaran kada pasahero, at ‘yan ang dahilan kung bakit nila kailangang makipag-unahan para makakuha ng mga pasahero. Hindi ko naman sinasadyang purihin ang mga ekonomista, pero di ba, lahat ng bagay ay may dapat na insentibo. ‘Yan ang sinasabi ng mga ekonomista, di ba? Pero, ang ugali ng tao ay nakadepende sa insentibong makukuha nila. Kaya kung ay driver ay makakakuha ng tapat na suweldo kahit ilan pang pasahero ang kanyang makuha, e di pipili na siya, di ba? At hindi na siya sasakop ng mga lanes at magiging sanhi ng pagbigat ng trapiko habang siya’y naghahanapbuhay.

Kaya ‘yan ang gagawin natin sa enerhiya, at ‘yan ang gagawin natin para sa traffic dito sa Metro Manila.

Kaunlaran ng kanayunan: Nakapagsalita na ako tungkol dito sa agrikultura, isa sa tatlo nating mga kababayan ang umaasa dito. Puwede ko kayong bigyan—maraming datos dito. Pero kukwentuhan ko kayo ng napakasimpleng istorya. Nasa Benguet ako isa o dalawang linggong nakalipas, at may nakilala akong nagtatanim ng sayote. Magsasaka ng sayote. Magkano ang nakukuha niya para sa kanyang sayote? Tatlo hanggang apat na piso kada kilo. ‘Yang sayote na ‘yan ay nagiging anim na piso kada kilo pagdating mo sa La Trinidad, Benguet. ‘Yun ang palengke doon. Nagiging 12 piso kada kilo pagdating mo sa Baguio central market. ‘Yan ‘yung nasa dulo ng Session Road. At nagiging 50 piso kada kilo ‘yun ‘pag nakarating na siya sa Balintawak at sa Maynila. Lahat tayong mga tagasiyudad, nagbabayad ng 50 piso kada kilo para sa sayoteng iyon. ‘Yung magsasaka, nakakakuha ng apat na piso kada kilo para sa sayoteng iyon.

‘Yan ang dahilan kung bakit mahirap ang ating mga magsasaka. Dahil ang 46 piso na kaibahan sa presyo ay hindi nila nararamdaman. So papaano natin dadalhin ang ating mga magsasaka mula sa isang kahig, isang tukang pamumuhay, patungo sa sitwasyon kung saan kaya nilang buhayin ang kanilang mga sarili, kung saan may tunay silang kinikita na pwede nilang ipunin at gamitin para sa kanilang kinabukasan? Simple: Kailangan nating taasan ang kanilang mga kita. Pero hindi ‘yon ang istorya. Ang istorya ay, papaano?

Hindi natin ito puwedeng gawin sa pamamagitan ng mga subsidiya, dahil ang mga subsidiya ay magdudulot ng ibang mga bagong problema. Gagawin natin ito sa pamamagitan ng pagtitipon ng kanilang mga pantustos at pangangailangan. Dahil alam natin na sa panahon ngayon, hindi ka makakasabay kung hindi ka nakaayon sa iskala. Ang mga iskala, ang iskala ng mga ekonomiya, ‘yan ang magbibigay sayo ng kapangyarihang makipagkalakalan. ‘Yan ang magbibigay sa ‘yo ng kapangyarihang humindi sa mga mabababang presyo. ‘Yan ang magbibigay sa ‘yo ng kapangyarihang makakuha ng kapital para makapamuhunan ka sa iyong mga sakahan, makapamunuhan ka sa iyong mga post-service facility, makapamuhunan ka sa mga chiller, sa trucking, at sa iba pa—para makakuha ka ng tunay na hanapbuhay sa pagdadala ng pagkain sa ating mga pinggan dito sa mga siyudad. ‘Yan ang gagawin natin para sa sektor ng agrikultura.

Isipin n’yong may 30 milyong Filipino sa mga kanayunan na sa ngayon ay isang kahig, isang tuka ang pamumuhay. Kung lahat sila, o isang malaking porsyento nila, ay makakuha ng tulong para sila’y maging kapaki-pakinang at kumikitang miyembro ng ating ekonomiya, isipin niyo ang magiging pag-usbong sa mga kanayunan, na siya nama’y lumilikha ng mga pangangailangan, na siya nama’y magbubunga ng pag-usbong ng ekonomiya. At ‘yan ay magdadagdag ng isa’t kalahating porsiyentong puntos sa ating GDP habang dinadala natin ang ating ekonomiya sa hinaharap. ‘Yan ang ating gagawin para sa kanayunan.

Meron akong dalawa hanggang tatlong pahina. Okay lang ba ‘yon? Tapos, meron tayong 20 minuto para sa tanungan.

Iba pang mga balakid: imprastruktura. Alam natin lahat ang mga balakid sa imprastraktura. Kailangan nating magpundar pa rito. Wala itong kapalit. Ang hiling para sa imprastruktura ay direktang nakaugnay sa paglago ng ekonomiya.

Naalala ko noong nasa DTI pa ako, nang pinagtatrabahuan namin ni Greg ang plano para sa paglikha pa ng sasakyan—60,000 na kotse kada taon na nabenta, maganda na ‘yon para sa industriya. Ngayong taon, 300,000 na kotse ang nabenta. Ang mga kalye natin ay hindi naman lumalawak, lalo na sa mga siyudad. Kaya ang kailangan nating gawin para matugunan ito ay magtayo ng pangalawang palapag at pangatlong palapag. ‘Yan ang gagawin natin.

Nabigo ba kayo? Oo, medyo nakakabigo. Pero alam n’yo, gusto ko lang sabihin na marami sa mga solusyon na ito ay nailugar na at sinisimulan na. Ang mga NLEX-SLEX Connectors ay ginagawa na. ‘Yan ay magdadagdag ng 14 na lanes para magkaroon ng isang kalye mula sa hilaga hanggang sa timog ng NCR. Ibang parte nito ay matatapos sa taong ito, at ito’y matatapos ng buo sa susunod na taon. Ginagawa na ‘yan.

Isa pang mahalagang bagay ay ang paggawa ng bagong airport. Alam ko na marami sa inyo ay gusto ang ginhawa ng pagkakaroon ng NAIA sa ating bakuran. Pero tignan n’yo ang Charles de Gaulle, ang Chek Lap Kok, and Narita—kailangang may paglabas mula sa siyudad.

Alalahanin n’yo na ang unang airport—lahat kayo ay masyadong bata para maalala ito, at alam ko lang ito dahil may kinuwento sa akin si Jaime na galing mga librong pangkasaysayan. Ang unang runway ay ang Ayala Avenue, di ba? Kaya nilipat natin ang airport mula sa loob ng siyudad tungo sa siyudad ng Parañaque, na nasa labas. Ngayon, kailangan nating ilipat ito muli. Lumalaki tayo. Isang daang milyong tao ang ating populasyon. Tayo ay isang bansang tinitingala bilang Asia’s Brightest Star. Kaya kailangan nating paghusayan rin.

Anong kaibahan? NAIA—440 hektarya lamang. May mga intersecting runway—0624, ‘yan ‘yung mahabang runway at ‘yung isang papuntang Baclaran ay ang 1331. Kaya kung gagamitin mo ‘yung isa, hindi mo puwedeng gamitin ‘yung kabila. Kung ginagamit mo ito, hindi mo puwedeng gamitin ‘yung isa pa. Hindi siya kumplikado. May hangganan ang mga produkto ng NAIA.

Kaya ba natin ito gawin agad? Hindi. Pero isa sa mga una nating gagawin ay ang pagsimula sa paggawa ng high-speed na tren. Hindi isang tren na pang-commute, pero isang high-speed na tren tulad ng mga high-speed na tren na magdadala sa inyo mula sa Chek Lap Kok papunta sa Tsing Yi—Alam ko ‘yan ang unang istasyon—tapos diretso sa Kowloon, tapos sa isla ng Hong Kong.

High-speed na tren—kailangan nating gawin ‘yan dahil wala tayong bagong airport, at hindi natin magagamit ang bagong lokasyon nang wala tayong high-speed na linya ng tren. Kasabay niyan ang paggawa ng nakaangat na highway para, muli, mabilis nating madaanan ang mahigit kumulang 90 kilometro mula sa siyudad ng NCR papuntang Clark. Makakarating tayo diyan. Ang target natin ay 35 minuto, tulad ng sa Hong Kong.

Hindi ko alam kung itong palakpakan ay nanggagaling lang sa pamilya ko o hindi… [Tawanan]

Pero habang nandito tayo, bakit Clark? Bakit Clark? Ang Clark ay may 2,000 hektarya. Ang NAIA ay 440 hektarya. Hindi mo kailangan itong gamitan ng rocket science. Sa Clark, puwede tayong magkaroon ng tatlong parallel runways, hindi tulad ng sa NAIA, kung saan nalilimitahan tayo ng conpigurasyon na naitayo na doon. Pangalawa, at ito ang pinakamagandang bahagi nito: Para sa inyong mga hindi pa naiisip ito, 440 hektarya, 4.4 million square meters, pumili kayo ng numero, 100,000 piso kada metro kuwadrado. Ang huling bidding natin para sa FTI terminal ay nasa lagpas isang daang libo. So ang punto ko ay 100,000 piso kada metro kuwadrado, mahigit-kumulang 2,000 dolyar metro kuwadrado, apat na milyong metro kuwadrado, 8 bilyong dolyar—mababayaran nito ang buong paglipat! Mababayaran nito ang paglago at ang pag-usbong!

Pero kung ako’y mahalal bilang presidente, hindi ko gagastusin lahat ito. Hindi ko gagawin ‘yan. Pinag-isipan ko ito nang maigi. Ang 440 hektarya, na siyang nasa central business district, ay dapat hindi ipagbili agad ng isang bagsakan dahil ito’y makakapagpababa ng presyo. Kaya ang balak kong gawin ay, muli, pumunta sa Kongreso at sabihing na bawat presidente ay pwede lamang na magbenta ng porsyento ng 440 na ito para sa mga malalaking proyekto ng ating bansa, para ito’y maging mapagkukunan ng pondo para sa pagpapalago ng ating ekonomiya mula sa kung nasaan ito ngayon papunta sa long pants. ‘Yan ang ating gagawin sa asset na ito na siyang nasa Central Business District. [Palakpakan]

Panghuli, isa pang balakid na makakapagpalago ng pribadong sektor ng ating ekonomiya: ang sistemang panghukuman. Wala masyadong nasasabi tungkol sa sistemang panghukuman. Sasabihan ko kayo ng dalawang bagay. Ito ang una: Ang huling pag-aaral na nabasa ko ay kinalkula na mahigit dalawa o tatlong trilyong pisong halaga ng mga pag-aari ay hindi pwedeng gamitin dahil nakaipit sila sa proseso ng paglilitis. Hindi siya puwedeng ikalakal. Hindi sila pwedeng gamitin. Hindi sila puwede—walang puwedeng gawin sa kanila kasi nakaipit sila sa paglilitis. Baka may isa o dalawang partido na gusto siyang maipit sa paglilitis. Pero isipin n’yo ang potensiyal sa ating ekonomiya na hindi nagagamit. So may mga napakalaking balakid. May malaking potensiyal sa pagpapagamit ng mga pag-aaring ito na nakaipit sa paglilitis. At ‘yan ay may kaukulan sa susunod na punto.

Ang susunod kong punto ay ito: Ang susunod na presidente, at baka ito ay isa sa mga pinakaimportanteng rason kung bakit dapat tayong maging masusi sa ating pagpili—ang susunod na pangulo ay makakaluklok ng sampung hukom sa Korte Suprema. Kapag mali ang ating pagpili, baka ang itim ay magiging puti at ang puti ay magiging itim o ang pula ay magiging asul at ang asul ay magiging pula. Kasi may sarili silang mga interpretasyon. Sampung hukom sa Korte Suprema. At ‘yan ay dahilan para maging mabusisi tayo. Mababago nito ang buong ugali ng mga batas at regulasyon na ginagawa nating gabay sa lipunan, at siyang ginagawa din nating gabay sa paglikha ng ating mga negosyo bilang ekonomiya.

Kaya sa tingin ko’y isa ‘yan sa mga lugar na kailangan nating pagtuunang pansin. Nasimulan na natin ‘yan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga sunod-sunod na paglilitis. Isa ‘yan sa ating mga gustong mangyari. Noong isang araw lang, noong Holy Week—hindi ko tinapos ito kasi nakatulog ako—nanood ako ng sine (isa itong dokyumentaryo) kung saan sa loob ng ilang linggo o buwan, natapos nila ang buong paglilitis.

Ang punto ko ay, huwag kayong kumuha ng abogado kung hindi siya dadalo sa mga paglitis dahil para sa mga mahihirap, ang hustisyang naantala ay hustisyang hindi naipagkaloob sa kanila. Wala silang pera para direderetsong mabayaran ang abogado na dumalo.

Wala silang kakayahang magbayad sa pinahabang legal na proseso. Kaya, tuloy-tuloy at mabilisan na paglilitis ang dapat. Inumpisahan na namin ito. Pinagbasehan naming ang Ecozone System. Tinatawag namin itong Justice Ecozone. Kinumpleto na namin ang mga mahahalagang elemento: Public Attorney’s Office, ang Prosecutor, mga hukom, mga clerk, at marami pang iba, kasama na rin ang E-warrant, E-subpoena, nang sa gayon sa pook na iyon—ganito na ang ginagawa sa Quezon City. ‘Yan ang gagawin ko sa buong bansa. Inumpisahan natin ‘yan noong ako’y kalihim ng DILG kasama ni Kalihim Leila de Lima at Chief Justice Sereno, nang sinabi namin, “Lumikha tayo ng lugar na kung saan lahat gumagana, mabilis ang hustisya, epektibo, at masinop. Sa ganitong paraan, nakakamit ng mga tao ang hustisya. Kumpletuhin natin lahat ng mga elemento upang makamit ang hustisya.” Iyan ang ginawa natin sa Quezon City. Iyan din ang gagawin natin sa buong bansa. [Palakpakan] Sa ganitong paraan, magkakaroon ng makabuluhang hustisya ang buong bansa.

Anong klaseng pamamahala ang aasahan ninyo sa amin? Ilan lamang ito sa mga gagawin namin at kung paano gagawin:

Para sa akin, napakahalagang balikan natin ang ating mahabang relasyon. Kilala n’yo ako. Matagal na tayong magkakilala, may pinagsamahan na tayo, marami na tayong pinagdaanan. Hindi tayo parating nagkakasundo. May mga pagkakataong ang mga desisyon ay hindi umaayon sa isa sa inyo.

Isang halimbawa, noong ako’y senador, inimbestigahan ko ang pre-need scam. Hanggang ngayon, sa aking paniniwala, isa pa rin itong scam. Daang libong mga kababayan natin ang nawalan ng naimbak dahil nagtiwala sila na ‘pag inilagay nila ang kanilang naipon doon, may pagkukunan sila ‘pag bayaran na ng matrikula para sa mga anak. Eh anong nangyari? Nawalang parang bula ang pera.

Cheaper medicines law: Batid kong sa ibang bansa, dahil matindi ang kompetisyon o dahil nakialam ang gobyerno, mababa ang presyo ng gamot. Iyon ang aking isinulong dito sa atin. Siguro, isa o dalawa sa inyong miyembro ang hindi nasiyahan dito.

Passenger bill of rights—kung kayo’y maglalakbay, at kayo’y naaalis sa nakatakdang iskedyul, asahan mong may katumbas itong kabayaran. Bakit sa ibang bansa lang meron nito at wala nito sa atin?

Binigay ko lang ang mga halimbawang ito para ipakitang may mga di-pagkakasundo rin tayo. Ngunit, hayaan n’yo akong sabihin ito, at alam kong hindi ninyo ito mamasamain—hindi ito naging personal sa akin at higit na hindi ito pag-atake katauhan ninyo. Lahat ng ito ay dahil sa ikabubuti ng nakararami. Ito kasi ang paniniwala kong tama. At, iyan ang inyong aasahan kay Mar Roxas.

Naniniwala ako na ang pamahalaan ay isang tagahimok. Ang pamahalaan ay kakampi mo sa pag-unlad; tutulungan ka para maging makabuluhan at matagumpay. Ang pag-unlad mo ay kaunlaran ng ekonomiya ng buong bansa. Trabaho, sahod, pangkabuhayan—iyan ang sentro nitong lahat para makapamuhay ang mga Pilipino nang may dangal at dignidad. May trabaho sila. May kasiguruhan sila. Nakakapagplano sila. Ito ‘yung mga bagay na binabalewala natin ngunit malaking bagay para sa 90 porsiyento ng ating mga kababayan, kung di man, mas marami pa. Ito ang nais nating gawin. Nais nating lumikha ng isang lipunan na kung saan hindi lamang ekonomiya, hindi lang sa pagnenegosyo, ngunit para sa lahat ng ating mga kababayan, buong lipunan, ay umuunlad para sa kanilang mas makabuluhang buhay.

Iniimbitahan ko kayong lahat na samahan ako sa adhikaing ito, sa lakbaying ito. Sa ating pagpapalit mula short pants hanggang sa pantalon, sa ating pag-usad sa pagiging modernong lipunan, [palakpakan] para sa kaunlaran ng buong bansa.

Maraming salamat at magandang tanghali sa inyong lahat.

______________________________________________

Basahin ayon sa pagkakabigkas