Speech of
Mar Roxas
In Urdaneta, Pangasinan

[March 14, 2016]

Maraming-maraming-maraming salamat. I love you, Urdaneta! [Palakpakan]

Maraming salamat po, Ginoong Pangulo—ang ating Pangulo na naghatid sa atin sa kaginhawahan na natatamasa na natin ngayon. Kung dati, gumagapang tayo; natutong maglakad, maglakad ng mas mabilis, pa-jogging na. ‘Yung bansa natin, kilala dati bilang Sick Man of Asia, pero dahil sa liderato ng ating Pangulo. Ngayon, kilala na tayo bilang Asia’s Bright Star. Pangulong Noynoy Aquino, palakpakan po natin. [Palakpakan]

Of course, ang ating pagbati at paggalang sa ating host Mayor, batang-bata, aktibong-aktibo, isang taong kinakabig kong tunay na kaibigan, kasama sa ginhawa at sa hirap. Talagang nananalig sa Daang Matuwid. Mayor Bobong Perez, palakpakan po natin. [Palakpakan]

Binabati po natin ang isang taong classmate ko, classmate sa Kongreso. Ibig sabihin, sabay kaming nanungkulan doon. Hindi kami magkasabay sa edad. Pero isa siyang tao na talaga namang gumabay sa akin. Hindi ko siya kilala noong una akong pumasok sa kongreso. Tinawag niya ako, “Bata, halika. Hindi mo ako kilala, pero kilala ko ang angkan mo. Kilala ko ang iyong ama, at nais ko na matuto ka at maging isang mahusay na lingkod-bayan. At magmula noon hanggang ngayon, patuloy ang pagbibigay-gabay, patuloy ang suporta, Manong Amadito Perez. Palakpakan po natin. Manong. [Palakpakan]

Of course, ang kanyang anak, kapatid ni Bobong na ngayon ay papasok na rin sa pagiging lingkod-bayan dito sa Urdaneta, palakpakan po natin, Ted Perez Naguiat. [palakpakan] At ang kanyang ispirasyon, ang taong parating nagbibigay ngiti sa mata at labi ni Ted, ang kaibigang matalik ng Pangulo, chairman ng PAGCOR na sa buong Pilipinas, nagtatayo ng mga classroom, high-class classroom para sa ating mag-aaral, Chairman Bong Naguiat. Palakpakan po natin. [palakpakan]

Binabati po natin ang ating mga kinatawan sa Pangasinan, simulan po natin doon sa Western Side, ang Miss Universe ng Kamara de Representante, Congresswoman Baby Arenas. Palakpakan po natin. [Palakpakan]

At ang kanyang nakakabatang kapatid na si Congresswoman Rachel Arenas, palakpakan din po natin. [Palakpakan]

Isang taong nanungkulan, tumulong, hindi lamang sa kanyang distrito sa ikaapat na distrito sa Dagupan, pero sa buong Pilipinas, kinakabig, nanay-nanayan ng lahat ng mga kongresista. Pati si Pangulong PNoy, pati ‘yung lovelife ni Pangulong PNoy, nagbibigay ng advice at saka input. Manay Gina de Venecia, palakpakan po natin. [Palakpakan]

Of course, nais ko rin pong batiin ang inyong kapitbahay na kinatawan mula sa ikaanim na distrito, Len Agabas. Palakpakan po natin. [Palakpakan]

Sa ating mga mayors, vice mayors, councilors, barangay captains, barangay officials. Sa mga kabahagi ng iba’t ibang sektor sa lipunan dito sa Urdaneta. Nga BHWS, palakpakan po natin. [palakpakan] Mga 4Ps, palakpakan po natin. [palakpakan] Mga TODA, palakpakan din po natin. [palakpakan]Samahan ng mga magsasaka, samahan po ng mga market vendors. Sa inyong lahat po, magandang magandang hapon at maraming maraming salamat sa napakainit na pagtanggap po ninyo sa Pangkat Daang Matuwid ngayong hapong ito. [Palakpakan]

Tinanong ko po si Bobong, sabi ko, Bobong, ako Bisaya ako. Gusto ko kayong batiin sa inyong lenggwahe na hindi ko naman alam di ba, kasi Ilonggo ako eh, Bisaya. Taga-Capiz kasi ako. Alam n’yo ‘yung Capiz, di ba? Kung saan kahit walang airport, lumilipad ang mga tao? Kalahating katawan lang. [Tawanan]

So, sabi ni Bobong sa akin, ano bang gusto mong sabihin? Sabi ko, gusto kong sabihin, “Magandang hapon at maraming salamat sa mainit na pagtanggap.” Sabi ni Bobong, “Sabihin mo ito: naimbag na malen kadakayo amin apo. Diyos ti agnina ti nabara nga pagsarabo yo kanyak apo.” [Palakpakan]

WOMAN: Hindi po ako tumigil dahil natuwa po ako at ang isang Christina Reyes noon na walang pangarap at kawawang-kawawa. Makikita ninyo po ako sa patalastas kasama ang ating kasamang si TESDA Man [Joel Vilanueva]. Ang bigong OFW noon, spa owner na ngayon! May ngiti, masayang pagbabago, mas masaya po at mahaba ang buhay nating lahat para maging matatag at kapakipakinabang. Ang mithiin po natin ay ipagpatuloy ang pagbabagong yan. Naghintay po ako ng panahon para makita po ang ating Sec. Mar Roxas, ang ating soon to be Vice President.

Sabi ko, sir, talagang matagal! Tulungan mo kami na ipagpatuloy ang masayang pagbabago. Ang ating 4Ps ngayon ay naka-adapt at nakaluwag para sa cost of living allowance na halos kulang ang P250 na kita di ho ba kapag tayo po ay hindi nalito, at hindi magiging—didiretso na po ako, botante mamaya. Ang ating matamis na ngiti sa ating mukha at puso ay magpapatuloy. Heto po ako, taga-Pangasinan, kababayan ninyo, [Kapampangan: Nananawagang ipagpatuloy ang nasimulan ni Pangulong Aquino!]

Diretso lang po tayo, walang babalik! Diretso lang ang daan, walang babalik!

Maraming salamat po! [Palakpakan]

MAR: Thank you, Tina Reyes! Ayan!

Alam ninyo, tumatak ang kuwento ni Tina sa akin noong kinukwento niya ito sa akin dahil ang kwento ni Tina ay hindi naiiba sa kuwento ng halos lahat ng pamilya sa ating bansa. Mahirap ang buhay, isang kahig isang tuka, matitindi ang hamon na hinarap. Pero hindi sumulo, hindi natinag, tinatagan niya ang loob niya, naghanap ng paraan, at mula sa wala, tulad ng bansa natin na nagsimula sa gapang, ngayon dalawa na ang kanyang branch. Ibig sabihin, may-ari na siya ng sarili niyang negosyo.

Ang storya ni Tina, tulad ng storya ng napakarami sa inyo, ‘yan ang ating ipinaglalaban, ‘yan ang ating isinusulong, ‘yan ang Daang Matuwid! [Palakpakan]

Kaya natutuwa po ako na makita na dilaw ang kulay na winawagayway dito sa Urdaneta. Mukhang kumbinsido na kayo eh. Kumbinsido na ba kayo? [Hiyawan]

Tayo’y nakasuot ng dilaw hindi dahil pauso, o pamoda, o dahil ito’y isang chaleco na isinusuot-hubad dahil kombinyente. Nakasuot tayo ng dilaw dahil tayo ay mga sundalo sa laban na ito. Ipinaglalaban po natin ang mga Tina sa ating kapaligiran. Ipinaglalaban po natin ang ating sarili, ang ating bukas. Kaya hinihingi po natin ang inyong tulong. Nandito po kami sa Pangkat ng daang Matuwid, hinihingi po ang inyong tulong para mas lalo pa nating mapalakas ang ating pagsulong ng matino, maayos, at ng malinis na pamamahala. Isang pamamahala na hindi nananakaw ang pera ninyo. ‘Yan ang Daang Matuwid. [Palakpakan]

Sa ating mga 4Ps, regular na dumadating ang kanilang pera. Walang bawas, walang kaltas, walang kickback. Naaasahan nila ito. ‘Yan ang Daang Matuwid. Papalawakin pa natin ang 4Ps, para mas maraming pamilya ang makikinabang sa programang ito. ‘Yan ang ating isinusulong.

Para sa ating mga magsasaka, lalo pa nating paiigtingin ang ating programa. Nagsisismula po yan sa murang pautang. Ang ating magsasaka, kawawang-kawawa. Hindi pa nga nila naitatanim ang kanilang sinasaka, naiutang na nila. Naibenta na nila ang kanilang aanihin. Kanina lang dito sa Pangasinan, magmula sa Calasiao hanggang San Carlos, papasok sito sa Malasiqui hanggang dito sa Urdaneta, sementado ang mga kalye. Ano ang nakita ko? Mga kababayan ninyo, ibinibilad ang kanilang inaning palay sa sementadong kalye. Isa ‘yan sa mga dahilan kung bakit bawas ang kinikita ng mga magsasaka natin. Sa ating Daang Matuwid Bukid Revolution, sisiguraduhin natin ang mga postharvest facilities gaya ng mechanical dryer at iba pang mechanized facilities farm implements ang maipupunla natin sa ating mga magsasaka para lumaki ang kanilang kita, magiging mas maginhawa ang kanilang buhay. ‘Yan ang Daang Matuwid, yan ang ating isinusulong.

Kaya hinihingi po namin ang inyong tulong, tulong para ipagpatuloy natin ang magandang nasimulan na. Malayo na po ang narating natin. Marami na po ang napagtagumpayan natin. Ang bawat isa sa ating mga 4Ps families, apat at kalahating milyon na pamilya po ‘yan, lahat sila makakapagsabi na merong kaginhawaan na dumating sa kanila. Kung dati-rati, parang lubog tayo, lagpas tao ang tubig na sitwasyon natin, nalulunod na tayo sa hirap, dahil sa mga programang ito, naibaba na natin ang tubig hanggang sa ilong, hanggang sa bibig, ngayon ay nasa dibdib na, nakakahinga na po. Mahalaga po ‘yan dahil magmula sa dibdib, kailangan pa nating maipagpatuloy para lalo pa nating maibaba ang antas ng mataas ng tubig, para lalong guminhawa ang ating buhay. ‘Yan ang hinihingi namin sa inyo, yan ang ating ipagpapatuloy ng Daang Matuwid. Pwede? Pwede? Ayan.

Mga kababayan, kanina, narinig po ninyo mula kay Aika Robredo ang istorya ni Leni. Tulad ninyo, humarap sa matinding pagsubok, pero hindi natinag, hindi sumuko. Minarapat niyang ipagpatuloy ang kanyang serbisyo hindi lamang sa kanyang mga kababayan sa Bicol, pero hanggang sa buong Pilipinas, dalhin natin sa pagkapangalawang pangulo, Leni Robredo. Pwede? Pwede. Pwedeng-pwede!

Nandito po, kasama natin sa entablado, isang tao na marunong lumikha ng trabaho sa turismo. Naging PTA, Philippine Tourism Administration Manager at turismo, isa sa pinakamabilis na paraan para lumikha ng trabaho. Dahil natin sa senado, Mark Lapid! Pwede? Pwedeng-pwede!

Sa hanay naman ng pagsasaka, pangingisda, ating mga market vendors, lahat po ng mga samahan na may kooperatiba at alam natin na kung nagiisa lang tayo, mahina ang boses natin. Pwede tayong pagsamantalahan, pwede tayong hindi pakinggan. Pero sa pagbubuklod-buklod tulad ng ating mga daliri, kung nag iisa ‘yan, madaling baliin, tagabuyambo ay matibay, nagsamasama, hindi na po siya basta bastang mababaliwala. Yan ang sulong ng mga kooperatiba, dalhin natin sa senado, Cris Paez para sa kooperatiba. Pwede? Pwede!

Nandito din po kasama natin, isang tao na matagal nang ipinaglalaban ang causa ng mga kababaihan, mga kabataan, ang mga mahihirap. Naninindigan, mahusay, matatag at talaga namang nasa puso niya ang kapakanan ng mga mamamayang Pilipino, matagal na po nagseserbisyo sa ating lahat. Dalhin po natin sa senado, Risa Hontiveros! Pwede? Pwede!

And of course, isang tao na sa pamamagitan ng mga training, nabibigyan ng sapat na kakayahan, sapat na kaalaman ang ating mga kababayan para makapagsimula sila sa paghahanapbuhay. Napakaganda po ng istorya ni Tina, magmula sa wala, nagkaroon lang ng scholarship, nasa sakanya po, pumasok o hindi, pumasok siya, nagnotes siya, nakinig siya, natuto siya, at yung kanyang natutunan, ginamit niya. Naging empleyo sa ibang kompanya, sa SPAM. Natutong magplano kung ano ang dapat gawin, hanggang nakaipon siya at nagsimula kahit gano kaliit ng sariling negosyo. Ngayon po, dalawa na ang branch at ayon sa kanya, hindi niya nasabi ito, mahigit 30 na po ang kanyang mga naeempleyo. ‘Yan ang halimbawa ng isang graduate ng TESDA, dalhin natin sa senado, TESDA Man, Joel Villanueva. Pwede? Pwede!

Mga minamahal na kababayan, tulad ng sinabi ng inyong kababayan na si Tina, nandito po kami, iniaalay ang aming lakas, ang aming kakayahan, ang aming bukas para samasama po tayo, hinding-hindi po namin kayo pababayaan, isulong po natin ang Daang Matuwid para sa ating magandang bukas. Mabuhay ang Urdaneta! Mabuhay ang Pangasinan! mabuhay ang Daang Matuwid!

Maraming salamat. Magandang hapon sa ating lahat.

##