Speech of
Mar Roxas
At the political gathering
Provincial Cultural Convention Center, Dipolog City, Zamboanga del Norte

[February 26, 2016]

Gusto ko magpasalamat sa inyong mga kababayan. Turuan mo ako magsalita ng bisaya. So ito yung tinuro niya sa akin, may kodigo ako:

Maayong buntag kaninyo tanan!

Magandang umaga sa inyong lahat! Tama?

Mahusay ang titser ko. Kung mali, kamalian ko na ‘yun, ha. Sabi ko, gusto ko magsabi, “Maraming-maraming salamat sa napakainit na pagtanggap ninyo sa akin, kay Leni, sa pangkat ng Daang Matuwid.” Sabi niya, sabihin mo ito. “Daghang salamat sa mainiton ninyong pagdawat ka nako dinhi sa Zamboanga del Norte.”

Tama ba? Sabi ko kay, Ma’am Evelyn, “Mayora, turuan mo ako na ‘magkasama tayo muli sa araw na ito.’” Sabi niya, sabihin mo ito, “Nalipay ko na magkauban ‘ta karun.”

Tapos, tinanong ko kay Cong. Dodoy Labadlabad, sabi ko, Cong. Dodoy, “Turuan mo ako. Gusto kong sabihin, sana makabalik ako dito at magsama tayo muli.” Sabi niya, “Unta sa pagbalik nako magkita ‘ta kay daghang gwapa dinhi sa Zamboanga del Norte.” [Hiyawan at tawanan] Tama? Mahusay ba ang titser ko?

Palakpakan po natin Gov. Berto Uy, Mayora Evelyn Uy. Of course si Cong. Dodoy Labadlabad, Cong. Gani Abadong, palakpakan po natin at ang susunod na magiging kinatawan, Cong. Lester Uy, palakpakan po natin. Sa ating mga mayors, vice mayors, mga konsehal, mga barangay captains, barangay officials… Sa kabahagi ng iba’t ibang kasamahan, sa 4Ps, sigaw, itaas ang kamay, yan napakarami. Samahan ng magsasaka, itaas ang kamay! Mga mangingisda, mga TODA, mga BHW, sa ating lahat po:

Magandang-magandang umaga po! Maayong buntag ka ninyo tanan.

Unang-una po nais ko magpasalamat sa napakainit ng pagtanggap ninyo sa akin at sa aming lahat. Mula sa airport patungo dito talaga namang ang inyong mga kababayan naka ngiti, kumakaway, nakikita sa kanilang mata yung tuwa at talaga namang feel na feel ko. Maraming-maraming salamat. Hinding-hindi ko makakalimutan. Thank you very much.

Sa totoo lang ay noong papunta ako dito kaninang madaling araw, ninenerbyos ako eh. Ninenerbyos ako kasi alam n’yo noong nakaraan, pangalawa ako dito. Pangalawa. Tapos sabi nila, hindi ako laki sa hirap. Hindi madrama ang buhay ko. Ninenerbyos ako kasi dati hindi pa eleksyon pumupunta ako dito, mainit naman ang pagtanggap ninyo. Pero ngayon noong eleksyon pa, hindi ako nakasiguro noong umalis ako ng Manila, paano ako tatanggapin ng mga taga-Dipolog, sa Zamboanga del Norte. Pero magmula noong nag-landing kami at dumating kami dito at nakita kayong lahat, punong-puno itong gym na ito. Talagang nagpalakas ng aking loob, nagsisilbing inspirasyon ito. Babaunin ko ito, itong inyong mainit na pagtanggap sa lahat ng bahagi ng Pilipinas, bilang tinutungtungan kong pundasyon ng ating pagkakaisa at ng ating paglalaban. Maraming-maraming salamat sa inyong lahat.

Ngayon, nakatayo ako dito, nag-iisip ako: Magpapatuloy pa kaya ako ng pananalita eh dilaw na dilaw na ang buong gymnasium? Parang kumbinsido na kayo eh!

Kumbinsido na ba kayo? [Hiyawan]
Kumbinsido na ba? [Hiwayan]

Hingin ko na lang ang tulong n’yo. Puwede? [Puwede!] Pwede? [Puwede]

Okay. Una, hihingin ko ang tulong ninyo para sa isang tao na kitang-kita ninyo, puwede naman na manahimik na lang siya. Tatlo ang kanyang anak na dalaga. Bagong biyuda. Biglaan, hindi napaghandaan. Alam n’yo, ‘yung kapatid ko, tatay ko, namatay sila, kanser. Mahaba ang proseso. Makakapagpaalam ka. Pero ‘yung nangyari sa kay Ma’am Leni, biglaan eh. Mahirap talaga ‘yun, ‘yung hindi ka nakapagpaalam. In fact, ambisyon na lang niya noong nag-usap sila ni Pangulong PNoy, tanong sa kanya ni Pangulong Pnoy, “Leni, ano kaya ang plano mo ngayon?” Sabi niya, “Baka mag-judge na lang ako.” Kasi ‘pag judge, may suweldo, sigur[ado] ang buhay, di ba? Nalalagay siya sa tahimik.

Pero dumating ang punto na tinawag siya ng hamon ng panahon. Anong ginawa ni Leni? Tinalikdan ba niya ang kanyang mga kababayan? Hindi! Si Leni, nanindigan, tumayo, at hindi niya pinabayaan ang kanyang mga kababayan.

Hinihingi ko ang tulong ninyo para kay Leni Robredo sa pagkapangalawang pangulo. Puwede? [Puwede!] Puwede! Puwedeng-puwede!

Hingin ko rin po ang tulong ninyo para sa isang tao—kababayan ninyo, taga-Mindanao. Nadinig n’yo din ang kanyang istorya. Isang “bakwit,” evacuate. Nakatira or tumira sa eskwelahan doon dahil nagkabombahan at nabomba ang kanilang komunidad.

Ang mga taga-Mindanao, kayo mismo, alam ninyo kung ano ang kahirapan na hatid ng gera. Putukan, bombahan, mortaran, barilan. Mahirap ang kasaganahan kung walang kapayapaan. Pero para magkaroon ng kapayapaan, importante din ang kasaganahan at ang progreso. Tulungan natin makarating sa Senado, isang tao na isinabuhay, na isang simbolo ng paghihirap ng mga Mindanaoan sa paghahanap ng kapayapaan. Ina Ambolodto para sa Senado! Puwede? [Puwede!] Puwede. Puwedeng-puwede, Ina!

Maya-maya, pag-uusapan natin ang pinakamahalaga sa inyo: Trabaho. Tulungan nating makarating sa senado, isang tao na talaga namang nagpakitang-gilas na sa paglilikha ng mga trabaho, lalong-lalo na sa turismo. Mahalaga dito sa Dipolog ‘yan. Bakit? Binago na natin ang airport. Nag-expand na. Pinahaba ang runway. Pinalawak ang apron. Bago na ang terminal sa ekspektasyon na mas maraming mga turistang makakarating ditto—mas maraming mga mamumuhunan, magbibigay ng trabaho para sa mga taga-Dipolog at saka sa buong Zamboanga del Norte. Tulungan nating makarating sa Senado, Mark Lapid! [Palakpakan] Mark Lapid, pwede? [Puwede!] Puwede. ‘Pag sa Bisaya pa, nadinig ko sa labas, “Pwidi! Pwiding-pwidi! Pwidi!” [Tawanan]

Ang akon na Bisaya, Inilonggo na Bisaya! Base indi kita mainchindihanay! So maga-Tagalog lang ko. Puwidi? Puwidi.

Sunod, tulungan natin makarating sa Senado, isang tao na talaga namang isinulong ang mga kooperatiba. Importante ito para sa mga magsasaka , mangingisda dahil alam natin, ‘pag nag-iisa tayo, mahina ang boses natin; mahina ang katayuan natin. Pero kung nagbuklod-buklod tayo, nagsama-sama tayo, pinagbigkis tayo sa isang kooperatiba, lumalakas ang ating boses… Pwede nating labanan ang mga mapagsamantalang mga trader. Mas mataas ang presyo ng produkto natin. Mas maganda ang treatment sa atin. Tulungan natin makarating sa Senado, Mr. Coop, Cris Paez sa pagkasenador! [Palakpakan] Cris Paez, puwede sa senado? Pwede? [Puwede!] Puwede. Puwedeng-pwede.

And of course, hinihingi ko rin, puwede kong hingin ang tulong ninyo para sa isang tao na talagang kasangga ng Pangulo. Para tayong nakasandal sa pader. Matibay ang paninindigan. Mga mahahalagang batas na isinulong ng Pangulo, ng Daang Matuwid ay siya ang nag-captain ball doon sa Senado. Dalawang beses na natin siyang ibinoto sa pagkasenador. Babalik siya ngayon, pangatlong beses—pang-apat. Tatlong beses na nating sinulat ang kanyang pangalan. Ni minsan, hindi tayo pinahamak. Maganda ang kanyang record. Kaya naman hinihingi ko ang inyong tulong para sa isang tao, ang tawag sa kanya, “Big Man of the Senate,” talaga namang big ideas, big service—Frank Drilon sa pagkasenado. [Palakpakan] Frank Drilon, puwede? [Puwede!] Puwede. Puwedeng-pwede! Puwedeng-pwede!

Mga minamahal na kababayan. Kung sa amon pang mga pinalangga na kasimanwa—kasimanwa din ba dito? Kasimanwa! Ilonggo ko kasi. Taga-Capiz ako eh. Alam n’yo ‘yung Capiz, di ba? ‘Yung kahit walang airport, dumadating? [Tawanan] Kami sa Capiz, ‘yung airport namin, hindi ganyan kaganda eh. Pero marami pa ring lumilipad doon. Lalo na kung gabi, kalahating katawan lang! [Tawanan]

Mga kasimanwa, mga kaigsuunan, kapag pinasimple natin ang tanong, nagiging simple at mas klaro din ang sagot, di ho ba. Tanong: Kung ihahambing natin ang pagpili sa pagkapangulo tulad ng pagpili natin kung sino ang magmamaneho sa ating mga anak araw-araw, sino ang pipiliin natin? Tatanungin ko po kayo. Simple lang ang sagot: Oo o hindi.

Pipili ba tayo ng isang tao na may mga kaso sa pagnanakaw? Oo o hindi? [Hindi!] Hindi. Kasi pagkakatiwala natin ‘yung kaligtasan ng ating anak eh. Ipagkakatiwala ba natin ‘yung kinabukasan ng ating anak, pipili ba tayo ng isang tao na mainitin ang ulo, na sa init ng ulo ay baka maaksidente ang ating mga anak? Oo o hindi? [Hindi!] Hindi rin. Pipili ba tayo ng isang tao na ngayon palang natututong magmaneho at baguhan? Oo o hindi? [Hindi!] Hindi. O, parang nagkakaintindihan na tayo, di ho ba? Nagkakaintindihan na ba tayo? [Oo!]

Mar Roxas, matagal na po ninyong kilala. Una ninyong nakilala bilang Mr. Palengke, nagbabantay sa presyo ng bilihin. Nagbabantay kontra sa mga mapagsamantalang trader at negosyante. Nagbabantay para maibaba ang presyo ng gamot. Matagal na ninyong kilala, matagal nang nanilbihan, at ni minsan, hindi kayo pinagsamantalahan. Mar Roxas. Hinihingi ko po ang tulong n’yo. [palakpakan]

Ang pinakamahalaga sa inyo, trabaho, pagkakakitaan, kabuhayan. Dahil ang paglikha ng trabaho, ang paggawa ng kabuhayan, tulad ng pagiging pangulo, ay hindi nadadaaan sa bara-bara o sa patsamba—hindi nadadaan sa padrama o pasiga-siga o pambobola. Seryosong trabaho ito dahil kabuhayan ninyo, kabuhayan ng ating kababayan ang nakasalalay dito.

Ano ang maasahan sa Daang Matuwid? Maasahan sa Daang Matuwid ‘yung tinatawag namin Bukid Revolution kung saan P100B ang ilalaan natin para sumigla ang kabuhay sa kanayunan natin, lalong-lalo na sa magsasaka at mga mangingisda. ‘Yan ang Daang Matuwid! ‘Yan ang ating sinusulong.

Baka magsabi kayo, “Nako, anong klaseng pangako ‘yan?” Itong pangakong ito, sa totoo, ginagawa na natin ito. Ang tawag dito BUB, Bottom-Up Budgeting. Ang gagawin natin ihahati ang P100B sa lahat ng bayan, lahat ng barangay, sa buong Pilipinas. Kung saan maraming tao, mas malaki ‘yung pondo para makasiguro tayo na walang maiiwanan; lahat kasama sa ating kaunlaran. ‘Yan ang Daang Matuwid. ‘Yan ang ating gagawin.

Mga katunggali natin, tatanggalin nila ang 4Ps, babaguhin, papalitan. Tayo sa Daang Matuwid, kinikilala natin ang 4Ps bilang konkretong tulay para sa mas maginhawang buhay sa bawa’t pamilyang Pilipino. Milyon na, milyong-milyong pamilya ang nakakaahon dahil sa 4Ps: may pangtustos para sa pangaraw-araw na pangangailangan, may pang baon para sa mga anak, may pangbili ng lapis, papel at kagamitan para sa ka paaralan. At sigurado na makikita ng magulang ang araw na magga-graduate ang kanilang mga anak.

Bakit natin papalitan ito? Bakit natin babaguhin ito? Sa Daang Matuwid itutuloy natin, itataguyod natin, papalawakin natin ang 4Ps para mas marami pa ang makikinabang dito. ‘Yan ang 4Ps! ‘Yan ang Daang Matuwid! ‘Yan ang isinusulong natin.

PhilHealth—sinong kabahagi ng PhilHealth o may kakilala sa PhilHealth? Ayan taas ng kamay! Marami-rami! Dati parating sinasabi, “Bawal magkasakit.” Bawal pa rin hanggang ngayon. Pero ngayon, meron na tayong PhilHealth na siyang tumutugon sa gastos sa pagpapagamot sa atin. Noong nakaraang taon, 6.5 milyong pasyente. Actual ito. Hindi ito wish ko lang. Hindi ito bola. Hindi ito pangako. Nangyari na ito, nangyayari na ito. Anim at kalahating milyong pasyente ang natulungan ng PhilHealth para magpagamot—sa halagang P75 billion. Hindi kinailangang manggaling sa bulsa ninyo; hindi kinailangang magbenta ng ari-arian. Hindi kinailangang mangutang sa kahit kanino para mapagamot natin ang mga mahal sa buhay—dahil matuwid, dahil matapat, dahil hindi ninanakaw ang inyong pera meron tayong masasandalang PhilHealth na ngayong siyang gumagastos para magpagamot sa inyong mahal sa buhay. ‘Yan ang Daang Matuwid! ‘Yan ang ating isinusulong!

Mga minamahal na kaigsuunan, hinihingi ko po ang tulong n’yo. Malayo na ang narating natin. Kung sa dati, ang tawag sa atin, “Sick Man of Asia.” Parang may sakit daw tayo—lumpo. Hindi nakakasabay sa agos ng panahon. Ngayon, ang tawag sa atin ay “Asia’s Bright Star.” Kinikilala tayo sa buong mundo. Taas-noo ang Pilipino ngayon bilang isa sa pinakaprogresibo, moderno, at mabilis na pag-unlad na bansa sa buong daigdig. ‘Yan ang Daang Matuwid! ‘Yan ang ating isinusulong! [Palakpakan]

Hindi po magiging madali itong laban na ito. Ang ating mga kalaban, nais nilang bumalik sa baluktot at madilim na nakaraan, dahil doon sila yumayaman ay doon sila kumukuha ng kapangyarihan. Tayo, nais nating magpatuloy.

Kung sa kay Pangulong PNoy pa, nailagay niya tayo sa primera, sa segunda, sa tersera, mabilis na; umaarangkada na ang takbo ng ating sasakyan. Dati-rati, kahit anong apak natin sa silindador, hindi umaandar ang sasakyan dahil ninanakaw ang gasolina. Ninanakaw ang parte ng sasakyan. Kaya tulak tayo nang tulak, apak tayo nang apak, hindi umaandar. Ngayon, nasa tersera na tayo, mabilis na ang takbo. Tanong: Anong gagawin natin? Sinong pipiliin natin na magmamaneho, magpapatuloy sa ating paglakbay?

Kung mali ang pili natin, naku, makikita, segunda, tesera, kuwarta. Nakita ang kuwarta, ibubulsa. Baka balik tayo sa pinanggalingan. Tama? [Tama!]

Mapagkakatiwalaan po ninyo, Leni, ating mga Senador, Mar Roxas. Hindi po kami magnanakaw. [Palakpakan] Ang inyong pera, dadating sa inyo, walang kaltas, walang kupit, walang kickback. Diretso sa inyo ang inyong pera. ‘Yan ang Daang Matuwid. ‘Yan ang aming isinusulong. [Palakpakan]

Kaya sana, magpatuloy ang ating malakas at matibay na samahan. Natutuwa ako na dilaw na dilaw na itong ating gym na ito. Sagisag ito ng ating paninindigan.

Para sa atin, itong dilaw ay hindi pauso, hindi pa-moda, hindi tsaleko na isinusuot-hubad dahil kumbinyente. Para sa atin, itong dilaw ay ang ating uniporme. Tayo ang mga sundalo sa laban na ito.

Kaya hinihingi ko po ang inyong tulong. Dalhin natin sa lahat ng mga komunidad, sa lahat ng mga sitio, ng mga barangay, mga bayan dito sa Dipolog at sa buong Zamboanga del Norte ang magandang balita tungkol sa Daang Matuwid. ‘Yung marami nang napagtagumpayan, at ‘yung mas maganda pang mararating.

Kung magpatuloy tayo sa ating pagsulong ng Daang Matuwid, sa kulay ng dilaw, sa simbolo ng ating laban, dahil ito ang simbolo ng ating prinsipyo. Ito ang simbolo ng ating paninindigan, at ito ang simbolo ng ating tagumpay. [Palakpakan]

Mabuhay ang Zamboanga Norte! Mabuhay ang Daang Matuwid!

Maraming-maraming salamat po. Magandang umaga sa inyong lahat. [Palakpakan]

##