Sa harap ni Pangulong Benigno S. Aquino III, buong tapang na inihayag ng Pambato ng Daang Matuwid na si Mar Roxas sa publiko na lalabanan niya ang mga “bully” o mapagsamantala na nagpapahirap sa buhay ng mga Pilipino.

“Hindi tayo magpapatalo sa mga abusado, sa mga manloloko, at sa mga magnanakaw,” ani Roxas sa isang pagtitipon kasama ang mga lokal na pinuno at mamamayan ng San Jose, Nueva Ecija nitong Miyerkules (Pebrero  24).

Kaparehong mensahe rin ang isinigaw ng Pangulo, ng bise presidente ni Roxas na si Leni Robredo, at ng buong Koalisyon ng Daang Matuwid dahil para sa pagsapit ng ika-30 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.

Sa nasabing pagtitipon, inalala ng Pangulo ang mga nakita niyang paghihirap na dinanas ng kanyang ama na si Sen. Ninoy Aquino kasama ang kaibigan nitong si Sen. Jose Diokno. Sila ang mga namuno sa oposisyong tumuligsa sa Batas Militar noong panahon ni Marcos.

Ani ng Pangulo, marami pang masalimuot na mga karanasan ang mga Pilipino noong panahon na diktaturya at lumalaban ang buong pwersa ng Daang Matuwid upang hindi na ito maulit.

“Hindi na nga po natin maibabalik ito. Ang magagawa lang po natin: Gawin ang tama sa kasalukuyan, at tiyaking hindi na mauulit pa ang kamalian ng nakaraan,” wika ng Pangulo.

Dahil dito, pulos pagpapaalala sa publiko tungkol sa pagpili ng wasto sa susunod na halalan ang naging prayoridad ni Roxas upang hindi na bumalik sa maruming pagpapalakad ng gobyerno.

“Napakahalaga po ng ating pagpili. Nasa kamay natin kung magpapatuloy ‘yung mabilis na arangkada ng ating kaunlaran o babalik tayo sa dati, na kahit anong yapak natin sa silindador, hindi gumiginhawa, hindi gumaganda ang ating buhay,” ani Roxas.

“Mula noon hanggang ngayon, ang sigaw natin ay Laban,” dagdag pa niya.

“Maaasahan po ninyo, hindi kami susuko. Maaasahan po ninyo, ibibigay namin ang lahat sa laban na ito dahil itong laban na ito ay para sa inyong lahat.”

##