Speech of
Mar Roxas
at the Multi-sectoral Rally
In Plaridel, Bulacan

[February 23, 2016]

Sa isa sa pinakamasipag, mahusay, epektibo na kinatawan sa buong Kamara de Representante. Hinahangaan ko siya, nirerespeto ko siya, pero mas higit pa doon, may “pagpalangga,” sa illonggo, pagmamahal ako sa kanya dahil noong hindi pa opisyal ang aking pagiging kandidato, isa siya na tumayo at nagsabi, “Mar, kailangan ka ng bansa. Kahit mababa ang bilang mo sa survey, kahit kung ano-anong mga putik na binabato sa iyo, sabi niya sa akin ‘wag sumama ang loob mo. Lahat ng mga putik na tinatapon sa iyo, dahil alam nila ikaw ang pinakamahusay kaya maaga pa nais ka na nilang siraan. Walang iba kung hindi malaki ang aking paggalang sa inyong kinatawan Cong. Apple Pancho.

Maraming-maraming salamat sa inyo, Apple!

Binabati ko rin po isa sa pinakamasipag, mahusay, epektibo sabi ko nga sa kanya, bilang DILG nakita ko na trabaho ng lahat ng punongbayan sa Pilipinas pero sa iyo nakita ko ‘yung magandang kombinasyon ng kakayahan at puso, malasakit para sa iyong mga kababayan. Sabi ko sa kanya ngayon pa lang, ano ang pakiramdam na walang kalaban. Sabi naman niya, ang ganda ng sagot niya, may kalaban o wala, hindi importante. Ang importante, nagsilbi ako, tumutotoo ako sa aking mga kababayan, tatlong taon, walang iba po, Mayor Jocell Vistan palakpakan po natin.

Of course binabati ko ang aking ka-tandem, aking partner, isang taong talaga namang kahanga hanga. Nadinig ninyo ang kanyang storya mula sa kanyang labi. Mahirap dagdagan pa ang ganda ng diwa, ang ganda ng kalooban, may kakayahan, ano pa ba ang hahanapin natin, hindi trapo, totoong totoong tao, Vice President Leni Robredo, palakpakan po natin.

Ang isang taong kasangga ni Pangulong PNoy sa ating laban, laban kontra korapsyon. Hindi madali ang tumayo at lumaban kontra sa mga malalaking opisyal. Subalit nang kinailangan ng isang spokesman, tagapagsalita, ang ating kawsa ng Daang Matuwid, hindi nagdalawang-isip, tumayo, hindi tinalikdan ang hamon, ang tawag ng panahon. Talagang nakakahanga, batang-bata, malayo ang mararating nito. Hindi, hindi dahil pulitiko. Malayo ang mararating niya dahil nakatungtong siya sa katwiran at saka sa katinuan. Congressman Sherwin Tugna. Palakpakan po natin. [Palakpakan]

Isang taong matagal nang nag-serbisyo sa inyo doon sa kamara de representante, kung saan ko siyang unang nakilala. Ang palayaw niya sa amin ay Erap Junior dahil dati, may bigote rin siya. Subalit sa bawat pagtayo sa Kamara de Representante, talaga namang ang ganda ng kanyang mga sinasabi, talagang nakayapak sa lupa. Hindi highfaluting, hindi teorya, pero batay sa katotohanang nangyayari sa mga buhay ninyo, ang kanyang mga constituents. Congressman Pedro Pancho, palakpakan po natin, Manong. [Palakpakan]

Of course, may kasabihan tayo, ang prutas, ang bunga, hindi malayo sa puno nahuhulog. Kaya naman po kitang-kita ‘yung magandang serbisyo ni Jocell, nagmula talaga sa napakagandang kasaysayan, paglilingkod-bayan ng ating dating mayor, Mayor Tessie Vistan. Palakpakan po natin. [Palakpakan]

Sa ating mga mayors, vice mayors, councilors, barangay captains, barangay officials, board members. Sa lahat po ng nanunungkulan sa Plaridel, sa iba’t ibang bayan sa distritong ito, sa inyong lahat po, magandang magandang hapon at maraming maraming maraming salamat sa napakainit ninyo na pagtanggap sa akin ngayong hapong ito. Hindi ko po ito makakalimutan. Maraming salamat po sa inyong lahat. Thank you very much. [Palakpakan]

Nakikita ko po na kumbinsido na kayo. Pati ang banda, kumbinsido na. [Tawanan] Nagpatugtog na, patapos na tugtugin dahil siguro, sabi nila, ano pa bang pag-uusapan, eh naka-dilaw na lahat ng tao? Ang lakas na! [palakpakan] Ang lakas na ng palakpakan! [palakpakan] Kaya kumbinsido na ba kayo? [yes!] Kumbinsido na ba kayo? [yes!] Kumbinsido na ba kayo? [yes!] Mabuhay ang Plaridel! [Palakpakan]

Nagpapasalamat ako dahil sa totoo lang, hindi madali itong laban na ito. Kung ano-anong mga pasarin, mga patutsada, mga putik, kasinungalingan ang tinatapon laban sa atin. Kung minsan, nagtatanong ako, bakit ganoon? Samantala, hindi naman tayo ang nangunguna sa mga survey? Bakit lahat ng kandidato, parang isa lang parati ang nakikita?

Pinag-iisipan ko ito, at isa lang ang sagot na nakikita ko. Nakikita nila ‘yung init ng pagtanggap ninyo kay Mar Roxas, natatakot sila kay Mar Roxas, kaya kung ano-ano nang mga putik ang itinatapon laban sa kay Mar Roxas dahil alam ninyo, alam nila, at alam nila na alam ninyo na hindi ako nag-iisa. Naka-sandal ako sa inyo. Maraming salamat sa inyo. [palakpakan]

I love you too. [Hiyawan]

Dahil kumbinsido na kayo, siguro mag usap tayo tungkol sa ilang bagay na palagay ko mahalaga sa inyo. Una, nakita ko yung karatola para sa okasyon na ito. EDSA, 30. Pagbabago, ipinaglaban niyo, itutuloy ng Plaridelen. Tama po, taong 2016, 30 years na ang nakalipas. 1986, EDSA revolution. EDSA revolution doon natin nabawi ang ating kalayaan mula sa diktaturya. Nabawi natin ang ating dangal mula sa magnanakaw, mapagsamantala, mapagapi, abuso na pamamahala na siyang umapak sa atin at pinigil ang ating kaunlaran. EDSA Revolution, tatlonpung taon na ang nakalipas, tatlonpung taon na nakita natin bagaman nag ganda ang simula, tita Cory Aquino magmula noon, parang paminsan minsan nawawala tayo sa landas. Ngunit sa 2010 election yun din ang kinaharap natin. Isang mapagsamantalang administrasyon, mapangapi, ninanakaw ang pera natin, walang kaunlaran na dumadating na kahinayunan. Anong ginawa natin? Anong ginawa ng mga ninuno natin? Noong EDSA 30 years ago, anong ginawa natin noong 2010. Naglagay tayo ng isang matino, malinis at matuwid na pinuno. Tama? Tama. 2010, ano nangyari sa atin. Yung tawag sa atin “sick man of asia.” Parang may sakit tayo, lumpo tayo, hindi tayo nakakasabay sa ibang mga bansa. Yung sick man of asia na bansag sa atin noon, ngayon napalitan na, ang tawag sa atin ngayon “Asia’s Bright Start” yan ang Daang Matuwid, yan ang tagumpay ninyo, yan ang tagumpay ng ipinaglalaban natin hanggang sa ngayon sa darating na mga bukas, mabuhay ang Daang Matuwid.

Ang Daang Matuwid, madaming ibig sabihin ito sa ating kababayan, isang ibig sabihin nito, 4Ps. Sino dito ang kabahagi ng 4Ps? Ang dami. 4Ps. Programa para dumating ang araw makakaasa ang bawa’t isa sa ating magulang, ating nanay na makikita nila ang kanilang mga anak umakyat sa entablado tulad nito, tatanggap ng diploma, maggragraduate. Yugto ng kanilang buhay na magsisimula sa mas maginhawa, mas maayos na antas kaysa kinalalagyan nila. Yan ang 4Ps. Yan ang Daang Matuwid.

Si Leni, ako, lahat kami sa hanay ng Daang Matuwid, dedepensahan namin ang 4Ps, hindi namin papayagan mawala ito, itataguyod namin ito, papalawakin namin ito, para makatulong sa mas marami pang pamilya. Yan ang Daang Matuwid para sa mga 4Ps.

PhilHealth! Sino dito ang kabahagi ng PhilHealth? Ayan, marami din. Pag tinanong ng iba, ano ang ibig sabihin sa inyo ng Daang matuwid? Ang sagot, PhilHealth. Bakit? Dati, may kasabihan tayo. Bawal magkasakit. Bawal pa rin ngayon. Pero dati, bawal nagkasakit dahil pagnagkasakit, ubos ang laman ng bulsa, ibibenta pa ang kung ano anong ari-arian para mapagamot lang ang ating mahal sa buhay. Hindi po ba? Tama? Ngayon, dahil sa Daang Matuwid meron tayong PhilHealth kung saan yung nakaraang taon, 6.5 milyong pasyente ang natulungan sa halagang 75 bilyones pesos para mapagamot sila, makalabas sa hospital, lumakas at manumbalik sa kanilang kalusugan. Yan ang PhilHealth, yan ang Daang Matuwid, yan ang ipagtutuloy namin sa aming pag laban.

May Bottom-up Budgeting. May iba’t ibang mga programa na maaring sabihin na katumbas or ang dahilan kung bakit merong Daang Matuwid. Lahat ito ang mga programa natin sa Daang Matuwid, na siyang nais nating ipagpatuloy. Itutuloy natin ito dahil malayo na ang narating natin. Marami na ang napagtagumpayan natin. At ako, hinihingi ko ang tulong ninyo, tulong para maitaguyod natin itong magandang nangyayari na sa ating bansa. Puwede? [Mga tao: Puwede!] Puwede? [Mga tao: Puwede!]

Tatanungin ninyo, “Mar, puwede ka naming tulungan. Saan niyo kami dadalhin? Andiyan na ‘yung Daang Matuwid, alam namin itutuloy niyo ‘yan. Ano pa ang makikita natin?”

Simple lang ang sagot: Trabaho. Pagkakakitaan. [palakpakan] Dahil naniniwala ako na sa trabaho, sa kabuhayan, sa pagkakakitaan, diyan nagsisimula ang magandang bukas ng bawat pamilya. Pag may trabaho, may lulutuin si Nanay. May pangmatrikula si Kuya. May gatas si Baby. May gamot si Lola. May katiyakan ang buhay. May dangal ang tayo ng pamilya.

Kaya’t ‘pag ako ang naging pangulo; trabaho, kabuhayan, pagkakakitaan—‘yan ang tututukan ko. Nagawa ko na ito dati bilang DTI Secretary, at alam ko, magagawa ko ulit ito sa tulong ninyo. [Palakpakan]

Lahat tayo, nagnanais na mamuhay ng may dangal. Mamuhay ng may pag-asa. Ang hinihingi lang natin, isang partner, isang pamahalaan na maayos, na matulungin, na epektibo, na hindi nagnanakaw. At napakahalaga po no’n dahil lahat ng tulong, lahat ng tulong na ngayo’y ipinamamahagi ng pamahalaan ay galing sa pera ninyo na hindi ninanakaw. ‘Yan ang pinakapundasyon ng Daang Matuwid: Malinis, tapat, matuwid na pamamahala na hindi ninanakaw ang pera ninyo. [Palakpakan]

Tulad ng sinabi ko, tulad ng sinabi ko dun sa debate, pag pinasimple ang tanong, nagiging simple din ang sagot, hindi ho ba? Kung ihahambing natin ang pagpili ng pangulo tulad ng pagpili natin sa kung sino ang magmamaneho para sa ating mga anak, sino ang pipiliin natin? Pipili ba tayo ng isang taong may mga kaso sa pagnanakaw? Oo o hindi? [Hindi!] Pipili ba tayo ng isang taong mainitin ang ulo, na dahil sa init ng ulo, maaksidente pa? Oo o hindi? [Hindi!] Pipili ba tayo ng isang tao na ngayon pa lang natututong magmaneho? Oo o hindi? [Mga tao: Hindi!] O, sinong pipiliin natin? [Mga tao: Si Mar!] Sino? [Mga tao: Si Mar!] Sino? [Mga tao: Mar Roxas!] Eh nagkakaintindihan na pala tayo! [Palakpakan]

Mga kababayan, samahan niyo kami ni Leni, ni Apple, Jocell, Sherwin, lahat po ng kasama sa Daang Matuwid. Iisa ang ating layon: Magsilbi, tumulong, kumalinga, at maging tulay para sa inyong magandang bukas.

Maraming-maraming salamat po. Mabuhay! Inaasahan ko po ang inyong tulong. Magandang hapon sa ating lahat. [Palakpakan]

##