Para sa Pambato ng Daang Matuwid na si Mar Roxas, isang hamon na hindi dapat ipagsawalang-bahala ang pagpili ng pagiging susunod na pangulo ng Pilipinas.

Sa kanyang paunang salita (opening statement) sa kauna-unahang debate na pinangunahan ng Commission on Elections (COMELEC) na ginanap noong ika-21 ng Pebrero sa Cagayan de Oro City, pinahayag ni Roxas na buo ang kanyang loob na harapin ang responsibilidad na kaakibat ng pagiging Pangulo ng bansa.

“Ipagkakaloob po natin ito sa isang taong matagal na po ninyong kilala, matagal ng nanilbihan, at ni minsan hindi kayo pinahamak o pinagsamantalahan, at may magandang rekomendasyon pa sa dati niyang pinagtrabahuhan?” tanong ni Roxas.

Ayon kay Roxas, pangarap ng Daang Matuwid na ibsan ang kahirapan sa bansa upang hindi na ito maipamana sa susunod na henerasyon ng Pilipino.

Kaugnay nito, inihayag ni Roxas na halos dalawang milyong tao na ang naitawid sa poverty line at naibawas sa kabuuang bilang ng mga mahihirap sa bansa.

“Magreklamo man or magkuwestiyon man sa datos, pero ‘yan ang datos ng ating NEDA [National Economic and Development Authority] at ng ating mga statistical office. Two million families ngayon ay hindi na kabahagi ng tinatawag na mahihirap,” ani Roxas.

Sa huli, ipinahayag ni Roxas na nais niyang maging Pangulo dahil nais niyang maging malaya sa gutom at sa takot ang mga Pilipino upang maibalik ang kalayaan nilang mangarap.

“Mahihiya akong gawin, mahihiya akong harapin ang aking magulang, aking anak, kayo mismo, kung hindi ko gagawin ang lahat para mangyari ito,” pahayag ni Roxas.

##