Masigabong palakpakan at hiyawan ang sumalubong kay Mar Roxas at sa kanyang ka-tandem na si Leni Robredo sa isang Pagtitipon para sa Daang Matuwid noong Miyerkules (February 17). Dito, inihayag ng LP standard bearer ang kanyang mga plano para sa kanyang magiging administrasyon.

Kasama niya sa entablado sina House Speaker Sonny Belmonte, sina Congressmen Winnie Castelo at Alfred Vargas, Quezon City Mayor Herbert Bautista, Vice-mayor Joy Belmonte, at ilang mga konsehal at lokal na opisyal ng siyudad.

Sa programa, may isang taga-ikalawang distrito ng Quezon City na nagbahagi ng kanyang pasasalamat para sa titulo sa lupa na kanyang nakamit dahil sa Daang Matuwid na sinimulan ni Pangulong Aquino.

Ani ni Hasmin Bautista, “Sa pamamagitan po ng Daang Matuwid nawala po ang agam-agam namin na noon kami ay iskwater sa aming tinitirikan. Ngayon, kami ay homeowner na.”

Sinuportahan ito ni Roxas sa kanyang mensahe, kung saan tinutukan niya ang kanyang mga pangarap para sa mga mamamayan ng Quezon City lalo na ang kanyang hangad na maging malaya sila mula sa pangamba at pang-aabuso.

“Ito ang katangian ng isang pamumuhay na maayos. Ito ang mga katangian ng isang pamumuhay na nagbibigay sa atin ng pundasyon para maiangat natin mula sa kahirapan ang ating sarili at ang ating pamilya,” ani niya.

Inimbitahan din ni Roxas na ang mga taga-Quezon City na samahan siya sa pagpapatuloy ng Daang Matuwid para sa patuloy na progreso ng kanilang siyudad.

“Hinihingi ko po ang inyong tulong na magpatuloy po tayo,” ika niya. “Kadalasan, panahon ng halalan, ang sigaw, ‘Palitan! Patalsikin! Baguhin!’ Pero nakita natin dito mismo sa Quezon City, nakita natin, kayo ang pinakamahusay, pinakamagandang halimbawa. Sa Quezon City, dahil sa mahusay na pamamahala, patuloy ang pag-unlad.”

Sinarado ni Cong. Belmonte, na noo’y naging Mayor ng Quezon City, ang programa sa pamamagitan ng paghikayat sa kanyang mga kababayan na tangkilikin si Roxas buhay ng kanyang malawak na karanasan at malinis na track record, na sapat na dahilan upang ito’y maging sunod na Presidente ng Pilipinas.

“Sasabihin ko sa inyo, ang dami-daming pinagdaanang puwesto ni Mar, ngunit walang makakapagsabi na may kinuha ni isang kusing si Mar galing sa kaban ng bayan,” ani niya, na sinalubong ng hiyawan at sigawan mula sa mga taga-suporta nina Roxas at ni Robredo—Isang testamento sa lakas ng puwersang Daang Matuwid sa Quezon City.

“Kahit na anong mangyari, maaasahan natin na si Mar Roxas, hindi kukupit.”

##