Speech of
Mar Roxas
at the Dinner with Barangay Officials
of Quezon City Districts 4, 5, and 6
Quezon City
 

[February 17, 2016]

Maraming-maraming salamat sa isang tao na talaga namang tumutotoo sa kanyang pagiging lingkod-bayan sa inyo dito sa Quezon City.

May kuwento ako tungkol sa kanya. Noong binubuo ‘yung senatorial slate, isa siya sa mga pangalan na kasama sa 12 kabahagi ng Daang Matuwid Senatorial Slate. Nagpagawa kami ng survey. Pumapatak siya sa number 6. Biro mo, hindi pa nag-aanunsiyo, nasa number 6 na. Kilala ang kanyang liderato. At nang pormal na naming inalok sa kanya, “Puwede ka bang sumama sa senatorial slate?” Sabi niya, “Pag-iisipan ko. Magkokonsulta lang ako.”

So of course, akala ko naman, ikokonsulta niya sa kay Speaker, ang kanyang mentor. Ikokonsulta niya sa inyo, ang kanyang mga katrabaho ngayon sa Quezon City. Nabigla ako—humingi ng apology. Sabi niya, “Sec. Mar, puwede ba kitang dalawin sa bahay?” “Oo naman.” So akala ko, “Nako, pupunta sa bahay! Oo ito! maganda ‘yan! Okay. Positive development.” Report kaagad ako sa kay Pangulong PNoy, “Mukhang o-okay si Bistek.”

Laking gulat ko, dumating siya sa bahay, sabi niya, “Sec. Mar, maraming salamat sa alok. Malaking karangalan ito. Pero kinonsulta ko, at ang sabi sa akin ni Kris Aquino na hindi ko maaaring pabayaan ang aking mga kababayan.” [Hiyawan]

Ay! Sikreto ba ‘yun, sikreto? [Tawanan] Akala ko alam ninyo? [Tawanan] Di nila alam? Ah, okay. Okay fine, hindi niyo nadinig ‘yon! [Tawanan]

Sabi niya sa akin, “Hindi ko maaaring pabayaan ang mga kababayan ko sa Quezon City. Maganda na ang takbo ng Quezon City. Tatapusin ko ang aking panata, ang aking pagserbisyo sa kanila.” Palakpakan po natin, Mayor Herbert “Bistek” Bautista. [Palakpakan]

[Kay Mayor Bautista] Hindi mo sinabi sa akin na sikreto ‘yun. Secret. [Tawanan]

Eh alam ko naman, Senate President Drilon, eh si Kris, palagay ko lang, I don’t want to put words in her mouth, hindi mo puwedeng pabayaan ang Quezon City. And si Kris, lumaki sa Times Street, Quezon City. Ang ibig sabihin no’n, ha. Bistek ha, marami kang sikreto. [Tawanan]

Binabati po natin ang ating ama-amahan dito sa Quezon City, sa Kamara de Representante, sa buong pamahalaan. Tinitingala, nirerespeto, at talaga namang nakita natin, ngayon lang, makisig pa rin, mahusay pa rin, talagang hinahangaan. Speaker Sonny Belmonte! Palakpakan natin. [Palakpakan]

Speaker, it’s a great honor. Malaking karangalan para sa akin na pinakilala po ninyo at inendorso po ninyo ako, si Leni, ang buong team sa harap ng inyong mga kababayan. Palakpakan po natin, Speaker Sonny Belmonte. [Palakpakan]

Sa ating kongresista mula sa Quezon City, Congressman Winnie Castelo. Palakpakan po natin. [Palakpakan] Congressman Kit Belmonte. [Palakpakan] Nandito kanina si Alfred Vargas, palakpakan din po natin. [Palakpakan] Congressman Bolet Banal, nandito rin po, ng Quezon City. [Palakpakan]

Sa ating mga konsehal, palakpakan po natin—Ang ating mga konsehal at magiging konsehal. [Palakpakan]

Sa pamunuan po ng Quezon City. Sa ating mga senior citizens, barangay captains, barnagay kagawads, barangay officials, sa lahat po sa inyo na bumubuo ng liderato ng Quezon City:

Magandang-magandang gabi po. Maraming-maraming salamat sa inyong napakainit na pagtanggap sa akin, sa kay Ma’am Leni, at sa buong Daang Matuwid Senatorial Slate. [palakpakan]

… Nasa ora de peligro na tayo kaya iiklian nalang natin ito.

Kadalasan ‘pag halalan, ang sigaw ay “Palitan! Tanggalin! Patalsikin!” Subalit, kakaiba ang Quezon City. Sa Quezon City, magmula 1991 nang umupo bilang punong-lungsod si then Mayor now Speaker SB, ang sigaw sa Quezon City ay “ituloy.” Ituloy ang kaunlaran, ituloy ang development, ituloy ang pag-arangkada ng Quezon City. Palakpakan po natin si Speaker SB, Bistek, Vice Mayor Joy, palakpakan po natin, [palakpakan] ang ating mga konsehal ang ating mga kinatawan, ang buong pamunuan ng Quezon City.

Alam n’yo po may kasabihan na ang tunay na tatak ng liderato ay hindi nakikita sa kapanahunan ng lider. Makikita ito matapos ang kanyang termino dahil doon lang makikita kung umubra, kung nagkaroon ng saysay, kung naging makabuluhan ang kanyang liderato na pagkatapos ng kanyang panahon ay nagpatuloy, patuloy ang diwa, patuloy ang prinsipyo, patuloy ang pinatutunguhan ng isang sambayanan.

Kitang-kita po dito sa Quezon City na ang liderato na nagsimula pa kay then Mayor now Speaker Sonny Belmonte ay nagbunga kahit hindi na siya mayor, patuloy ang diwa, patuloy ang prinsipyo, patuloy ang kaunlaran ng Quezon City. Mabuhay ang Quezon City! [Palakpakan]

Malaki po ang aking utang na loob, ni Ma’am Leni, sa Quezon City, kung sakaling manalo kami. Importante po ang inyong suporta at boto, pero mas higit pa doon ang dahilan kung bakit masasabi ko na sa aming mga tagumpay, si Ma’am Leni at ako, sa Daang Matuwid, dahil kami ay nakasandal sa liderato ng Quezon City. [Palakpakan]

Tignan po ninyo, ang ating general campaign manager, walang iba kundi si Speaker Sonny Belmonte. Palakpakan po natin. [Palakpakan] ‘Yung in charge po sa NCR at lahat ng 144 city mayors sa ating buong bansa—Dipolog, Iloilo, Bacolod—lahat ng lungsod, walang iba po kundi Mayor Bistek Bautista. [Palakpakan]

Ang kumakatawan, ang chairman of Movement for Leni Robredo as Vice President, walang iba po kundi Vice Mayor Joy Belmonte. [Palakpakan] In fact wala dito si Vice Mayor Joy dahil nandoon siya nagre-represent kay Cong. Leni sa Bacolod ngayon. Ganoon ka-involved si Joy sa kampanya ni Leni at ng sa Daang Matuwid.

Sa headquarters po natin, araw-araw, araw-araw nandoon po si Kit Belmonte bilang in charge kasama doon sa ground team. Palakpakan din po natin si Kit Belmonte. [Palakpakan]

Si Congressman Bolet Banal, lahat ng bahagi ng bansa kung saan magpunta si Ma’am Leni nandoon siya bilang close-in political consultant; nandyan si Congressman Bolet Banal.

Si Winnie Castelo po kumakatawan bilang spokesman, tagadebate, tagasagot ng Daang Matuwid. Palakpakan po natin Congressman Winnie Castelo. [Palakpakan]

Alfred Vargas, kinailangan nang umalis, bakit? Nandoon siya ngayon sa Ermita, representing Mar Roxas sa isang debate para sa Daang Matuwid. [Palakpakan]

Ibig sabihin, ano man ang mangyari, lalo na ang ‘pag manalo, hinding-hindi namin makakalimutan ni Ma’am Leni na sumandal kami sa liderato ng Quezon City at ang Quezon City ay rumesponde—hindi kami tinalikdan. Maraming-maraming salamat sa inyong lahat. [Palakpakan]

At kinuha ko na po itong pagkakataon na makaharap kayong lahat ngayong gabi. Bigyan n’yo po ako ng isang minute. Alam ko po na kumukulo na ang ating mga tiyan at dumating na po tayo sa oras ng hapunan.

Simpleng-simple lang po ang aming kinakampanya. Kung kayo sa Quezon City, nakita ninyo na kung maayos ang pamamalakad, tama lamang, tama lamang na pagdating sa tiyempo, sa oras, ng halalan ang isisigaw ay ituloy, tulad ng pagtuloy ng liderato sa kabuuang Quezon City. ‘Yan din po, ihahambing natin ‘yan sa Quezon City, ang mangyayari sa buong bansa dahil sa Daang Matuwid. Dahil sa tapat, tuwid, maayos na pamumuno, ‘yung dating tinaguriang Sick Man of Asia—may sakit tayo, para tayong lumpo, yun ang pagtingin satin ng buong mundo, hindi tayo nakakasabay, yung dating Sick Man of Asia—ngayon, ang bansag sa atin ay Asia’s Bright Star. ‘Yan ang Daang Matuwid. ‘Yan ang ating ipinaglalaban.

At hindi lang ito sa salita—Asia’s Bright Star. Ang dahilan kung bakit tinatawag tayong Asia’s Bright Star, alam naman po ninyo, kayo mismo ang mga konkretong patunay sa kadahilanang ito, dahil nakikita may 4Ps: 4.5 milyong pamilya ngayon ay natutulungan na makapagtapos ang kanilang mga anak. ‘Yan ang Daang Matuwid! [Palakpakan]

Dahil meron tayong PhilHealth! Kung dati, ‘pag nagkasakit tayo, naospital tayo, tumba tayo. Ubos ang laman ng bulsa, kinailangang magbenta, kinailangang umutang. Ngayon, dahil sa PhilHealth, dahil sa Daang Matuwid, ‘pag pumasok tayo sa ospital, merong sasagot sa gastos sa pagpapagamot sa atin. Last year 6.5 milyong pasyente, sa halagang P75 bilyones ang ginastusan ng PhilHealth para sa kanilang pagpapagamot. ‘Yan ang Daang Matuwid. ‘Yan ang ating isinusulong. [Palakpakan]

Asia’s Bright Star tayo dahil meron tayong BUB, Bottom up Budgeting, kung saan lahat ng bayan, lahat ng lungsod ay binigyan ng minimum level of development, pantay-pantay, hindi pinili ang chaleko, ang kulay, hindi pinili kung sinong nanalo, kung sinong kandidato. BUB, pantay-pantay na development—ibig sabihin walang pinili, walang maiiwan, lahat sabay-sabay sa kaunlaran. ‘Yan ang Daang Matuwid. yan ang ating isinusulong. [Palakpakan]

At hindi lang dyan, sakaling magpatuloy ang Daang Matuwid, yung BUB na nararanasan natin ngayon, magiging BUB Pa More, 100 Bilyong Piso at madali lang kalkulahin ito, kung ano ang bilang ng tao, ng residente sa inyong kinalalagyan, kung sa buong Quezon City, 3 milyon ang residente, sa bawat barangay, kung ano ang bilang ng tao, dagdagan ng tatlong zero, yun ang halaga ng dadating sa bawat barangay sa buong bansa.

Para planuhin kung saan dadalhin ang bawat sitio, bawat barangay, all 42,000 barangays sa buong Pilipinas, all 1,490 municipalities, all 144 cities sa halagang P100 bilyong na pagkukunan nila. Hindi na mauubos, hindi na maaaksaya ang panahon sa kakasulat ng resolusyon, sa pagpapabalik-balik sa mga tanggapan, ang national government ido-download ang pera sa lokal para mabilis ang paggawa, mabilis ang pag-asikaso ng pangangailangan ng ating mga kababayan. [Palakpakan]

Kaya minamahal na mga kababayan, hinihingi po namin ang inyong tulong. Malayo na ang narating natin pero alam ko, alam ko na alam din ninyo na mas malayo pa ang mararating natin kung magpapatuloy tayo sa ating tinatahak na Tuwid na Landas. Maganda ang nangyayari dahil hindi na ninanakaw ang inyong pera. ‘Yan ang tatak ng Daang Matuwid. ‘Yan ang ating isinusulong. Nakikita ko na dilaw na dilaw na ang wumawagayway na kulay sa Quezon City. Natutuwa po ako kasi ibig sabihin nito ay dilaw ang kulay ng ating samahan, kulay ng ating prinsipyo at kulay ng ating tagumpay!

Maraming-maraming salamat po sa inyong lahat! Mabuhay ang Daang Matuwid! Mabuhay ang Quezon City! Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!

##