Speech of
Mar Roxas
In Legazpi city, Albay 

[February 13, 2016]

Maupo po tayong lahat, maupo po tayong lahat.

Maraming-maraming salamat sa aking partner, sa aking ka-tandem, isang taong hinahangaan ko, nirerespeto ko. Kitang-kita, damang-dama ang kanyang katatagan, ang kanyang kahusayan, ang kanyang puso, at malasakit para sa ating lahat. Walang iba po kung hindi ang inyong kababayan, Pangalawang Pangulo, Vice President Leni Robredo! Palakpakan po natin. [Palakpakan]

Alam n’yo po, mga kababayan, marami kaming tumatakbo sa pagkapangulo, pero kinokonsidera ko na ako ang pinakasuwerte na tumatakbong pagkapangulo dahil ang aking ka-tandem, ang aking Pangalawang Pangulo, ima-match ko sa kanya, sa kahit anong larangan, makikita, mananalo, Leni Robredo. [Palakpakan]

Sa kahusayan, sa utak, sa puso, sa malasakit, sa karanasan. Ano ang ginawa niya sa buhay niya noong siya’y naging abogada? Imbis na pumasok sa malaking tanggapan ng abogado at maningil ng matataas mula sa malalaki at mayayaman, sinugalan niya ang kanyang mga kababayan, ang mga mahihirap, ang mga walang kalaban-laban, ang mga nasa laylayan. Kaya kitang-kita ang dapat na maging Pangalawang Pangulo—Leni Robredo, palakpakan po natin. [Palakpakan]

Ang aking pagbati sa ating mga opisyal sa lokal dito po sa dakilang lalawigan ng Albay: unang-una, isang naging kinatawan, naging secretary, naging gobernador, nanunungkulan, mahusay ang lahat ng istatistika na nabanggit niya kanina, nais tularan ng lahat ng iba pang mga lalawigan sa ating bansa. Ang inyong gobernador, Joey Salceda. Palakpakan po natin. [Palakpakan]

Ang kanyang ka-tandem, ang kanyang Vice Governor, Harold Imperial. Palakpakan din po natin. At ang kanilang kasamahan sa Sangguniang Panlalawigan. Palakpakan po natin silang lahat. [Palakpakan]

Binabati rin po natin ang ating Vice Mayor ng Legazpi City, Bitoy Rosal. Palakpakan po natin. [Mga tao: Roces!] Ah, Roces! I’m sorry, si Mayor Noel Rosal ang naiisip ko ay bisita ni Senador Frank Drilon. Nandoon siya ngayon sa Iloilo kaya wala dito si Noel. Palakpakan po natin si Bitoy Roces! [Palakpakan] At ang kanilang mga miyembro sa Sangguniang Panglungsod. Palakpakan natin silang lahat! [Palakpakan]

Ang ating mga punongbayan, pangalawang punongbayan, ating mga konsehal, ating mga barangay captains, barangay officials, mga minamahal na kababayan:

Magandang-magandang gabi po sa inyong lahat. Ito ang tinuro sa akin ni Leni: Maghay na banggi sa indo gabon. [Palakpakan]

Tinanong ko si Gov. Joey, sabi ko, “Gov. Joey, Bisaya ako, Ilonggo ako, taga-Capiz.” Alam n’yo ‘yung Capiz, di ba? ‘Yung kahit walang airport, dumadating! [Tawanan] Lalo na ‘pag ganito, gabi! Kalahating katawan, lumilipad! [Tawanan]

Sabi ko kay Gov. Joey, “Gov. Joey, turuan mo ako ng Bicol, dahil nais kong bumati at magsalita sa iyong mga kababayan.” Sabi niya, “Anong gusto mong sabihin?” Sabi ko, “Gusto kong sabihin, ‘Maraming salamat sa napakainit niyong pagtanggap sa akin.’” Sabi niya, “Sabihin mo ito: Dakulang pasasalamat sa indong mainig na pag ako sakuya.” [Palakpakan] Tama ba?

Sabi ko sa kay Joey, “Joey, masaya ako na magkasama tayo ngayong gabi.” Sabi niya, “Sabihin mo ito: Maogma ako na magkaibanan kita ngunyan.” [Palakpakan] Tama ba?

Sabi ko kay Joey, “Joey, nais kong sabihin na sana makabalik ako dito dahil napakainit, napakatamis ng pagtanggap ng inyong mga kababayan sa akin.” Sabi niya, “Sabihin mo ito: Kadakul kan magagayon na babayi digdi sa Albay.” [Palakpakan, hiyawan] Tama? Mahusay ba titser ko? Kadakul ba magagayon digdi? [Palakpakan]

Natutuwa po ako na muling makabalik dito sa Albay. Napakahaba nitong araw na ito. Nagsimula po kami, binisita namin ang inyong mga kababayan sa Tabaco, tapos pumunta kami sa Ligao. At magmula sa Ligao, nag-motorcade kami—Ligao, Guinobatan, Camalig, Daraga—hanggang nakarating kami rito sa Albay. Napakainit, napakatamis ng pagtanggap sa amin. Maraming-maraming-maraming salamat sa inyong lahat, mga Albayanon. [Palakpakan]

Malaking karangalan para sa akin na matanggap ‘yung mainit na pagsalubong ninyo sa akin. Karangalan dahil tumatayo ako ngayon bilang pambato ng Daang Matuwid, kasama ang inyong kababayan na si Leni Robredo at ang ating mga senador. Palakpakan po natin silang lahat. [Palakpakan]

Kami ang mga tumatayong magpapatuloy ng Daang Matuwid. Kadalasan ‘pag halalan, ang sigaw ay “Palitan!” “Patalsikin!” “Baguhin!” Subalit sa kauna-unahang pagkakataon sa napakahabang panahon, karapat-dapat lamang na ang isisigaw, isisigaw natin sa halalang ito ay ituloy, itaguyod, at palawakin. ‘Yan ang Daang Matuwid. ‘Yan ang ating ipinaglalaban. [Palakpakan]

Kayo mismo ang makakapagsabi sa mga tagumpay ng Daang Matuwid. Magmula sa 4Ps, nandito ba ‘yung mga miyembro ng 4Ps? Taas ang kamay. Ayan, napakarami, magmula sa 4Ps, sa PhilHealth, sa imprastruktura, sa ginagawang airport diyan sa Daraga, sa lahat ng mga ginagawa at nagawa ng Daang Matuwid, kayo ang mga patunay na naghatid na ng kaginhawahan ang Daang Matuwid sa ating mga buhay. Mabuhay ang Daang Matuwid! Mabuhay ang ating ipinaglalaban! [Palakpakan]

Lalong-lalo na sa 4Ps, na siyang nagbibigay ng pag-asa sa bawat pamilyang Pilipino na makikita nilang magga-graduate ang kanilang mga anak. May pag-asa sila, hindi maipamamana ang kahirapan sa kanilang kaanakan. Sasabihin ko sa inyo, titignan ko kayo mata sa mata, at sasabihin: ang 4Ps, dedepensahan natin, itataguyod natin, papalawakin natin para mas marami pang pamilya ang makikinabang sa 4Ps. [Palakpakan]

‘Yan ang ibig sabihin ng pagpapatuloy natin ng Daang Matuwid. Sa pagpapatuloy nito, ilulunsad natin ang Daang Matuwid Bukid Revolution. Ito’y tulong na rekta para sa ating kanayunan.

Ano ang mga bahagi nito? Una, murang pautang para sa ating magsasaka, mangingisda. Dahil ngayon, alam natin, hindi pa nga naitatanim ang pananim ng ating mga magsasaka, inutang na nila ang aanihin. Tama? Kaya murang pautang para hindi maubos sa mahal na interes at amortisasyon ang kanilang aanihin at kikitain.

Pangalawa: imprastruktura. Patuloy na pagpapaayos ng farm-to-market road, ng mga kalye. Kasama na diyan ‘yung South Rail na tinatawag, na siyang pagbabago na ihahatid sa ating Bicol Rail para sariwa at magandang presyo na makarating ang ating produkto doon sa malaking pamilihan ng Kamaynilaan. ‘Yan ang Daang Matuwid. ‘Yan ang ating pinaglalaban. ‘Yan ang ating itinutuloy. [Palakpakan]

Pangatlo, ‘yung ating BUB para sa kanayunan. Magtatabi tayo ng P100 bilyon, paghahati-hatian ito ng lahat ng mga bayan, 1,490 na bayan sa ating bansa, 42,000 na barangay, para masisiguro natin, walang maiiwanan, lahat kasama sa ating kaunlaran. ‘Yan ang Daang Matuwid Bukid Revolution. [Palakpakan]

Ang dahilan kung bakit tinututukan natin itong Bukid Revolution ay para magaya natin ‘yung magandang resulta ng pagluto ng bibingka, halimbawa. Sa bibingka, may apoy mula sa taas, may apoy mula sa baba. Habang pinapalago natin ang ekonomiyang pangnasyonal, rekta naman nating lalagyan ng imprastraktura, ng capital outlay, ng mga investment ang ating pamayanan para lahat—lahat ng barangay, lahat ng bayan ay muli, makabangon at hindi na kinakailangan na antayin pa ang pagbaba ng kasaganahan mula sa taas. ‘Yan ang Daang Matuwid. ‘Yan ang ating Bukid Revolution, at ‘yan ang maghahatid ng kasaganahan sa inyong mga pamayanan. [Palakpakan]

Mga minamahal na kababayan, dumating tayo ngayon sa sangandaan. Ipagpapatuloy ba natin ang naranasan na natin nitong nakaraang limang taon o magbabago tayo ng direksyon? Tunghayan natin, tignan natin kung anong nangyari.

Dati, bago nagsimula ang Daang Matuwid, yapak tayo nang yapak sa silindador, hindi umaandar ang ating sasakyan. Karga tayo ng karga nang gasolina, hindi pa rin umaandar ang ating sasakyan. Bakit? Ninanakaw ang ating gasolina. Ninanakaw ang ating pera. Ninanakaw ang piyesa ng ating sasakyan kaya hindi umaandar at hindi umuunlad ang ating bansa.

Naglagay tayo ng isang matinong driver, isang tao na matuwid, tapat, malinis. Ano nangyari? Unti-unti, umandar ang ating sasakyan. Nag-primera, sumegunda, tersera, mabilis na ang takbo ng ating sasakyan at lahat ng sinabi ko, ‘yung 4Ps, ‘yung PhilHealth, ‘yung imprastraktura, ang mga trabaho na ngayo’y dumadating sa lahat ng bahagi ng ating bansa ay ang mga patunay ng biyaya na bunga ng Daang Matuwid. ‘Yan ay si Pangulong PNoy. Palakpakan natin siya. [Palakpakan]

Maganda na ang takbo ng ating bansa. Maganda na. Mabilis na ang takbo ng ating sasakyan. Kung tama ang ating pili, primera, segunda, tersera, dadating tayo sa cuarta— hanggang sa quinta, mabilis ang takbo. Mas mabilis ang pagdating ng kaginhawahan at kasaganahan.

‘Pag mali ang ating pili, primera, segunda, tersera, cuarta—nako, nakita ang “kwarta,” ibubulsa, balik tayo sa neutral, o kaya sa pabalik pa. Tama?

Kaya hinihingi ko po ang inyong tulong. Tulungan n’yo po kami, tulungan n’yo po kami na magpatuloy ang Daang Matuwid. Hindi lang ito tungkol sa kay Mar Roxas. Hindi lang ito tungkol sa kay Leni Robredo.

Tulungan n’yo kami na iluklok natin sa senado para ang kanyang kahusayan sa paglikha ng trabaho sa turismo ay mapakinabangan nating lahat, Mark Lapid para sa Senado. [Palakpakan]

Tulungan natin na makabalik sa senado ang lider ng senado, ang kasangga ng Pangulo sa lahat ng mga napakahalagang mga panukalang pinagtatrabahuan ng senado. Ang Big Man ng Senado, Frank Drilon, palakpakan po natin. [Palakpakan]

Tulungan natin ang isang tao na may kakayahan, may karanasan, may patunay na paglalaban para sa kababaihan, sa kabataan, para sa mga senior citizens, sa lahat ng mga sektor ng mahihirap sa ating bansa, Risa Hontiveros para sa Senado. [Palakpakan]

Tulungan natin na makarating sa Senado, para makabalik sa Senado, isang tao na eksperto, dalubhasa sa ekonomiya. Naging kinatawan, naging senador, naging secretary, ang isang kasama natin tungo sa asenso, Ralph Recto para sa senado. [Palakpakan]

Tulungan din natin na makarating sa Senado, isang tao na talagang pinakita na ang kanyang dunong ay napapakinabangan ng ating mga kababayan sa pamamagitan ng napakahusay na mga training ng TESDA, ang TESDA Man, Joel Villanueva para sa Senado. [Palakpakan]

Mga minamahal na kababayan, dalhin natin ang magandang balita ng Daang Matuwid sa bawat sitio, bawat barangay, bawat bayan, bawat sulok ng ating bansa. Ipamalita natin ‘yung magandang napagtagumpayan na at mas mahalaga, ‘yung mas malayo pa nating mararating, ang mas marami pa nating mapapagtagumpayan sakaling mapagpatuloy natin ang Daang Matuwid. ‘Yan ang hamon na hinaharap natin ngayon.

Hindi magiging madali itong laban na ito. Ang ating mga katunggali, gagamitin nila lahat ng paraan para manumbalik sa nakaraan, dahil doon sila yumayaman at doon sila humuhugot ng kapangyarihan. Pero nakikita ko, nakikita ko na matibay ang ating samahan, matibay ang ating paninindigan, at malakas ang Daang Matuwid dito sa Legazpi at sa buong Albay. [Palakpakan]

Natutuwa ako na nakikita kong dilaw na dilaw na ang Legazpi. [Palakpakan]

Itong kulay dilaw na sinusuot natin, hindi ito pamoda, pauso, o parang tsaleko na sinusuot-hubad dahil kumbinyente. Nakasuot tayong lahat ng dilaw dahil tayo ang mga sundalo sa laban na ito. Ang kulay dilaw ay ang kulay ng ating prinsipyo, ang kulay ng ating paninindigan, at ang dilaw ay ang kulay ng ating tagumpay. [Palakpakan]

Mga minamahal na kababayan sa Legazpi at sa Albay, maraming-maraming salamat sa inyong pagtangkilik! Mabuhay ang Legazpi! Mabuhay ang Albay! Mabuhay ang Daang Matuwid! [Palakpakan]

##