Speech of
Mar Roxas
In Iriga City, Camarines Sur 

[February 12, 2016]

Maraming-maraming salamat sa ating lider, ating gabay, ang tao na naghatid sa atin sa kaginhawaan na ngayo’y natatamasa na natin sa buong bansa—ang ating idolo, Pangulong Noynoy Aquino. Palakpakan po natin. [Palakpakan]

Of course, sa aking ka-tandem, ka-partner, talagang kasama sa trabaho. Honey, honey, hindi ikaw ‘yun. Hindi ikaw ‘yun. [Tawanan] Akala ni Korina siya ‘yun eh. Hindi, hindi siya. [Tawanan] Ang aking ka-partner, Leni Robredo. [Palakpakan]

Kung si Leni ang ka-partner ko sa trabaho, ang ka-partner ko naman sa puso, si Ma’am Korina. Nandito rin, kasama ninyo. [Palakpakan]

Sa ating mga kasama sa gabinete, palakpakan po natin silang lahat. [Palakpakan]

Napakaimportante ng Iriga. Biro mo, ang Secretary sa Kalusugan, nandito kasama natin. Bigyan natin siya ng masigabong palakpakan. ‘Yan, ayan siya, Jannette Garin. [Palakpakan]

Ang Secretary sa Public Works—kung nakita ninyo ‘yung mga kalsada, ‘yung mga sementado, nandito rin po. Babes Singson, palakpakan rin natin. [Palakpakan]

Sa DSWD, ‘yung namamahala ng 4Ps, nandito rin. Dinky Soliman. [Palakpakan]

Ang kinatawan sa transportasyon na inaaral ‘yung pagbangon muli ng tren tungo sa Bicol, walang iba po kundi Secretary Jun Abaya. [Palakpakan]

Ang Secretary po ng siyensiya at teknolohiya, napakahalaga po sa darating na panahon para sa ating mga kabataan, si Doctor Mario ng DOST. Palakpakan po natin. [Palakpakan]

Ang kinatawan po ng Interior at Local Government, Mel Sarmiento. Palakpakan po natin. [Palakpakan]

Ang kinatawan po ng enerhiya, kasama na ang kuryente, Zeny Monsada. Palakpakan po natin. [Palakpakan]

Ang kinatawan po para sa kapayapaan, Ging Deles. Palakpakan po natin. [Palakpakan]

And of course, ang kinatawan na hindi lang ang trabaho niya ‘yung kanyang kasalukuyang trabaho pero interpreter pa ng Pangulo, nagturo sa pag-Bicol ng Pangulo, Butch Abad. Palakpakan po natin. [Palakpakan]

Liwanagin ko lang po, hindi sila ang tumatakbo sa pagkasenado. [Tawanan] Okay? Baka sila ang iboto ninyo.

Ito ‘yung ating iboboto sa pagkasenado:

Ralph Recto, kasama natin sa kasaganahan! [Palakpakan]

Ang tutulong para pababain ang singil sa kuryente, Icot Petilla! Palakpakan natin. [Palakpakan]

Matagal nang lumalaban para sa kababaihan, para sa kabataan, para sa lahat ng mga sektor na nasa laylayan, Risa Hontiveros, palakpakan natin. [Palakpakan]
Itong taong ito naman, walang imposible sa kanya. Lahat, “Paez-ible.” Possible! Cris Paez ng coop sector! [Palakpakan]

Ihuhuli ko ‘yung kababayan ninyo, okay.

Of course, ang Big Man sa Senado, ka-partner ng Pangulo sa pagsulong ng napakaraming mga mahahalagang panukalang batas na naisabatas at ngayo’y napapakinabangan nating lahat. The Big Man of the Senate, Senate President Franklin Drilon. [Palakpakan]

Ang susunod po, inatasan ng Pangulo, dating senador, inatasan ng Pangulo na maging Food Security Head. Ibig sabihin, sinisigurado na parating meron tayong pagkain, Kiko Pangilinan! [Palakpakan]

Ang magiging katulong natin para sa paglilikha ng trabaho sa tourism sector, napakabilis na paraan para lumikha ng trabaho, Mark Lapid! [Palakpakan]

And of course, may kasabihan, hindi ho ba: Kung walang kapayapaan, walang development. Pero kailangan din ng development para sa kapayapaan. Talaga namang isinusulong ang kapayapaan sa ating buong bansa, Ina Ambolodto. Palakpakan po natin. [Palakpakan]

And of course, ang inyong kababayan. Talaga namang huling beses na napunta kami rito, malungkot na okasyon dahil namatay ang magulang ni Sec. Leila. Subalit ngayon naman ay masaya tayo. Masaya tayo na meron tayong kasama sa senado na kababayan ninyo na talaga namang tumatayo, matibay na tumatayo para sa hustisya, Leila de Lima, palakpakan po natin. [Palakpakan]

Bago po ako magpatuloy, nais ko pong kawayan at batiin lahat ng mga nasa labas, nandoon, na hanggang ngayon ay nandiyan, nag-aantay sa atin. Maraming-maraming salamat sa inyong pasensiya. Love ko kayong lahat! Maraming salamat! [Palakpakan]

Of course, kay Mayor Gang Alfelor, sa susunod nating magiging mayor, si Mayor Madel Alfelor. Ang kanilang mga kasamahan, Vice Mayor, sa konseho, palakpakan po natin. [Palakpakan]
Congressman Sal Fortuno, isa sa mga haligi ng Pangulo sa Kamara de Representante. [Palakpakan]

Sa ating mga board members, ating barangay officials, ating mga mayors, vice mayors, councilors, sa inyong lahat, mga minamahal kong kababayan:
Magandang-magandang hapon po at maraming-maraming salamat sa inyong napakainit na pagtanggap sa akin at sa aming lahat ngayong araw na ito. Maraming-maraming salamat sa inyong lahat.

Nang papunta ako rito, tinanong ko sa kay Sec. Leila, sabi ko, “Sec. Leila, Ilonggo ako, taga-Capiz.”
Alam n’yo ‘yung Capiz di ba? ‘Yung lumilipad. [Tawanan] Kahit walang airport, nakakarating! [Tawanan]

Sabi ko, “Sec. Lei, turuan mo ako.” Sabi niya, “Anong gusto mong sabihin?” “Magandang hapon,” sabi ko. “Sabihin mo, ‘Dios marhay na adlaw kaninyo namin.” Tama? [Palakpakan]

Sabi ko, “Maraming-maraming salamat sa inyong mainit na pagtanggap.” Sabi niya, “Sabihin mo ito: Mabalos ka pagpayaba ninyo kanaku.’” [Palakpakan]

Sabi ko, “Maraming salamat sa inyong pag-imbita sa akin. Sana makabalik ako dito at magkita tayo muli.” Sabi niya, “Sabihin mo ito: Kadakul kan magagayon na babayi sa di Iriga!” [Hiyawan]  Tama? Okay ba? Mahusay ba ang titser ko? [Palakpakan]

Talaga naman! Basta tayo nakikinig sa kay Sec. Leila, hindi kayo mawawala sa tamang landas. Palakpakan natin, Sec. Leila de Lima! [Palakpakan]

Natutuwa ako na makita kayong lahat ngayong hapon. At sa punto pa lang ito, kasisimula palang ng ating kampanya para sa 2016, nakikita ko na dilaw na dilaw na ang Iriga! Mabuhay ang Iriga! [Palakpakan]

Mga kababayan, dadating tayo sa Mayo, isang sangandaan na kung saan pipili tayo kung anong landas ang tatahakin natin. Kung titignan natin ang ating kasaysayan, sa bawat henerasyon, mga kababayan natin, tumatayo, naninindigan, ipinaglalaban, nagsusumikap para humubog ng isang buhay, isang pamumuhay na marangal. Na ‘pag kumayod tayo, aasenso tayo. Na ‘pag may nangyari sa atin, may pamahalaan tayong matatakbuhan na hindi bibitiw. Na ‘pag may masama, may abusado, o may nang-api sa atin, ang pamahalaan natin ay ang ating kakampi.

Tatlumpung taong nakalipas, 1986, ang sigaw natin noon ay “Palitan na! Sobra na! Tama na!” Hindi ba? Dahil napakasama ng pamahalaan noon.

Sa yugtong ito naman, ang ating sinisigaw ay, “Ituloy!” Ituloy ang Daang Matuwid dahil tayo mismo ang mga patunay sa biyaya na nararanasan na natin sa ilalim ng Daang Matuwid. [Palakpakan]
Kung maalala po natin, bago mag-1986, bago mag-2010, kahit anong yapak natin sa silindador, hindi umaandar ang ating sasakyan. Karga tayo nang karga ng gasolina, punong-puno ang tangke ng gasolina, akala natin aandar na ang ating bansa. Yapak naman tayo sa silindador, walang nangyayari. Bakit? Ninanakaw ang pera natin, eh! ‘Yung gasolina na nilalagay natin sa tangke ay ninanakaw kaya pagyapak natin sa silindador o sa motorsiklo, pagbukas natin ng pagbukas natin ng throttle, ay hindi umaandar ang ating bansa.

Noong 2010, nagluklok tayo ng isang tao, isang lider na maayos, na matino, na matuwid, na tumutotoo sa atin, walang iba kundi ang ating mahal na pangulo, Pangulong Noynoy Aquino. [Palakpakan]

Ano nangyari mula 2010? Nagsimula tayo sa primera. Kung walang kurap, walang mahirap. Aba, umaandar na tayo! Sabay pasok tayo sa segunda. Kayo ang boss. Tumototoo tayo na sa lahat ng desisyon, ang inyong pakinabang ang siyang mangingibabas na interes. E di nasa segunda na tayo; maganda ang takbo ng ating bansa. Tapos, ‘yung umiiral pa na values, na asal, ay ‘yung participatory, para sa pangkalahatan. Kaya dumating na tayo sa tercera. Mabilis na ang takbo ng estado. Malayo na ang narating natin.

Papaano ko nasasabi yan? 4Ps! Taas ng kamay lahat ng kasama sa 4Ps [Palakpakan at hiyawan] ‘Yan! Kayo ang patunay na kung dati walang pag-asa, ngayon, makakaasa kayo na dadating tayo sa isang araw na ang inyong mga anak, aakyat sa entablado tulad nito, at makakapag-graduate. Graduate bilang unang hakbang sa mas maginhawang buhay. [Palakpakan]

Bakit ko nasasabi na malayo na ang narating natin? Dahil meron tayong PhilHealth! Dati-rati ‘pag nagkasakit tayo, wala na, tumba na, dapang-dapa na. Uutang tayo sa five-six. Magbebenta tayo ng ari-arian. Maghahanap tayo ng kung anu-anong paraan para mabayaran lamang ang pagpapagamot sa atin. Ngayon, noong nakaraang taon, 6.5 milyong pasyente—ang iba siguro ay nandito rin—6.5 milyong pasyente ay natulungan ng PhilHealth sa halagang P75 bilyones para sa kanilang pagpapagamot. ‘Yan ang Daang Matuwid! ‘Yan ang ating ipinaglalaban! [Palakpakan]
Dagdag pa natin diyan ang imprastruktura, dagdag pa natin diyan yung BUB, dagdag pa natin diyan ang lahat ng serbisyo at tulong mula sa pamahalaan para marating natin ang kinalalagyan natin ngayon. Palakpakan natin ang Daang Matuwid. [Palakpakan]

Kaya nandito na tayo, kaya mabilis na ang takbo ng ating estado. Nakaprimera, nakasegunda, nakatercera, at kung magpatuloy tayo, dadating tayo sa cuarta hanggang sa quinta. Super bilis na magiging ang tawag nila “First World” na tayo. Kabahagi tayo ng mga modernong bansa sa buong daigdig kung magpatuloy tayo sa Daang Matuwid. [Palakpakan]
Pero kung mali ang pili natin, mali ang drayber na ilalagay natin, magmula primera-segunda-tersera pagdating sa cuarta-… Op, “kwarta,” baka ibubulsa! Baka hindi tayo makakarating sa pinaroroonan. Hindi ba? Kaya napakahalaga po na magpatuloy ang ating samahan sa Daang Matuwid. Saan natin dadalhin ang Daang Matuwid? Nakatutok ang Daang Matuwid sa tagumpay ng mga inyong pamilya.

Dito sa kanayunan meron tayong Daang Matuwid Bukid Revolution para sa ating mga magsasaka, para sa ating mangingisda. Anong nilalaman nito? Una, murang pautang para hindi maubos sa kakabayad ng interes at amortisasyon ang kinikita ng ating mga magsasaka. Ngayon, hindi pa naitatanim ang inyong sinasaka ay inutang na ang aanihin. Kung meron tayong programa sa murang pautang, makakasiguro ang ating mga magsasaka na ang kanilang aanihin ang siyang pupunta sa kanilang bulsa imbis na pagbayad lamang ng interes na kanilang inutang. ‘Yan ang ating ipinaglalaban! ‘Yan ang Daang Matuwid. [Palakpakan]

Dagdag pa diyan ang mga imprastruktura, ang mga postharvest facilities, para masiguro natin na lalaki ang kita ng ating mga magsasaka. Ayon sa mga eksperto, 20 sentimos sa bawat piso ng inaani ng ating magsasaka ay nawawala dahil sa iba’t ibang paraan. Walang warehouse, walang dryer, walang thresher, at sa ganoong paraan, naani na pero hindi mapapakinabangan dahil hindi nabebenta. ‘Yang postharvest facilities na ‘yan, magiging buong piso ang kikitain ng ating magsasaka. ‘Yan ang ating ipinaglalaban sa Daang Matuwid. ‘Yan ang dahilan at hinihingi ko po ang inyong tulong na magpatuloy tayo sa Daang Matuwid. [Palakpakan]

Mga kababayan, nadinig na po ninyo ang ating mga kasamahan, mga kandidato, sa Daang Matuwid. Ang bawat isa ay may angking talino, kakayahan. Team po ito. Team. Hindi solo-solo; hindi kanya-kanya. Kung nasa ospital tayo, ang mga duktor, may espesyalista—espesyalista sa dugo, espesyalista sa buto, espesyalista sa puso, espesiyalista sa iba’t ibang bahagi ng ating katawan. Ganoon din po ito. Ang tawag sa atin noon “Sick Man of Asia.” Para tayong may sakit. Hindi tayo nakakasabay sa agos ng panahon. Para tayong lumpo. Pero dahil naglagay tayo ng ekspertong doktor, si Pangulong PNoy, dahil bumuo siya ng team para atupagin at gamutin lahat ng mga karamdaman dito sa atin, ay bumilis ang takbo ng ating ekonomiya. Gumanda ang takbo ng mga serbisyo at ng mga imprastruktura na pinapagawa kaya naman narating na natin ang kinalalagyan natin ngayon. ‘Yan ang Daang Matuwid! ‘Yan ang ating ipinaglalaban!

Kaya hinihingi ko po ang inyong tulong—tulong na magpatuloy tayo sa ating kinalalagyang landas. Tulong na ipaglaban natin ang Daang Matuwid dahil hindi pa tapos ang laban. Hindi pa tapos ang laban. Halimbawa sa 4Ps may nagtatangka na aalisin ‘yan o babaguhin pa ‘yan. Tayo sa Daang Matuwid, dedepensahan natin ang 4Ps, itataguyod natin ang 4Ps, papalawakin natin ang 4Ps! [Palakpakan at hiyawan] Para mas marami pang pamilya ang makikinabang at magkakaroon ng pag-asa na makitang mag-graduate ang kanilang mga anak.

Ang ating mga katunggali gagawin nila ang lahat para sirain tayo. Sirain ang tiwala natin sa isa’t isa. Sasabihin nila ang lahat ng mga panloloko, kasinungalingan, at iba pang masasamang propaganda para lamang paghiwalayin tayo. Pero matibay ang ating samahan. Matibay ang ating paninindigan. At alam ko na malakas ang Daang Matuwid dito sa Iriga at sa Bicol. [Palakpakan]

Nakadilaw tayo ngayon. Nakikita ko si Vice Gov. Ato Peña. Palakpakan din ho natin ang ating Vice Gov. [Palakpakan]

Dilaw ang kulay na namamayagpag dito sa kapaligiran natin. Itong dilaw ay hindi natin suot dahil moda o pauso. Hindi ito parang chaleco na sinusuot-hubad dahil kombinyente. Suot natin ang dilaw dahil ito ang uniporme natin. Tayo ang mga sundalo sa laban na ito. Laban para sa ating magandang bukas. At itong laban na ito ay dapat lang ipaglaban dahil ang bukas natin ang nakataya dito.

Inaasahan ko na mananatiling dilaw ang kulay dito dahil dilaw ang kulay ng ating prinsipyo, dilaw ang kulay ng ating paninindigan, at dilaw ang kulay ng ating tagumpay. [Palakpakan]

Mabuhay ang Daang Matuwid! Mabuhay ang Iriga! [Mga Tao: Mabuhay!]

Mabuhay ang Pangulong PNoy [Mga tao: Mabuhay!]

Mabuhay ang ating Vice President Leni Robredo [Mga tao: Mabuhay!]

Mabuhay ang sambayanang Pilipino! Maraming salamat! Dios Mabalos! [Palakpakan]

##