Speech of
Mar Roxas
At the League of Municipalities of the Philippines General Assembly and Mayors’ Forum
Marriot, Pasay City

[February 10, 2016]

Thank you very much. Maraming-maraming salamat sa kay President Sandy Javier. Mabuti ka pa Sandy, presidente ka na. [Tawanan at palakpakan]

At sa lahat ng executive board ng LMP; sa lahat ng buong pamunuan ng LMP; sa lahat ng miyembro ng LMP:

Maraming-maraming salamat sa citation at pagkilala na ipinagkaloob po ninyo sa akin. Thank you very much for your thoughtfulness. [Palakpakan]

Speaker Sonny Belmonte, Secretary Mel Sarmiento, Congressman Budoy Madrona. Gusto ko lang ipakilala sa inyo si Congressman Budoy Madrona dahil ‘pag kayo po’y nasa House of Representatives, maganda rin na bisitahin ninyo si Speaker. Pero kung may kailangan talaga kayo mula sa Kamara, si Congressman Budoy Madrona, ang Chairman of the Committee on Accounts, ang siyang pinupuntahan ng lahat. [Palakpakan]

Taga-Romblon si Budoy. Saan ‘yung mga taga-Romblon dito? Ayan! Alam nila ‘yan. ‘Yan ang “secret weapon” ng mga taga-Romblon.

I’m very, very touched, Sandy, at sa inyong lahat dito sa pinagkaloob ninyo.

Sa totoo lang, noong unang sinabihan ako ng Pangulo na ito ang magiging trabaho ko, ay nabigla ako. Unang-una ay malungkot na pangyayari ‘yung pagkawala ni Secretary Jess, at wala sa isip ko, wala sa plano ko, wala sa karanasan ko ang sumabak sa pagka-secretary ng Interior and Local Government. Hindi ako dumaan sa pamahalaang lokal. Kaya noong sinabi niya na, “Mar, mukhang ikaw ang isusugo natin diyan sa tungkulin na ‘yan” ay nabigla ako at sinabi ko sa pangulo na, “Ser, sigurado ho ba kayo?” Sabi ko nga ang lahat ito, na wala akong background. Ang sagot niya naman sa ‘kin ay, “Just do your job. Just do your best. Ang pinakamahalaga ay pinagkakatiwalaan ko ang nakaupo diyan, at kung mayroon mang mga katanungan, mayroon mang mga bagay, ay sabihin mo lang sa akin.” At doon nagsimula ang ating pakikipag-ugnayan.

Three years ago, at nais kong masabi sa inyo na sa lahat ng aking ginampanan, sa aking pagiging lingkod-bayan—naging congressman, naging senador, naging DTI, naging DOTC—ang aking tungkulin sa pagiging SILG na nakatrabaho ko po kayong lahat, ay siyang pinaka-fulfilling, ang pinakanagbigay sa akin ng sense of fulfillment. [Palakpakan] Maraming-maraming salamat sa inyong lahat. [Palakpakan]

Hindi lang ito mga matatamis na pananalita. Naging fulfilling sa akin itong trabahong ito dahil nagkaroon ng rektang koneksyon’ yung ating trabaho, ‘yung ating pagsusumikap, doon sa kapakanan ng ating mga kababayan.

Noong ako’y naging senador, ang lahat ng aking trabaho—ang resulta ay isang batas. Naisabatas natin ‘yung Cheaper Medicines Law, naisabatas natin ang pagtanggal ng buwis sa minimum wage, at marami pang iba. Pero sa dulo ng trabaho bilang senador, bilang kongresista—batas.

Noong ako naman po ay naging DTI, sa dulo ng lahat trabaho ay investment, negosyo, ‘yung pag-usbong, pag-unlad ng ekonomiya.

Sa DOTC naman, ‘yung pag-regulate ng mga eroplano, ng mga barko, ng mga bus.

Dito ko naranasan sa aking pagiging SILG noong nakatrabaho ko po kayong lahat, na ang aking trabaho ay may rekta na koneksyon sa tagumpay ng bawat mamamayang Pilipino. Kaya nagpapasalamat po ako sa inyong pagtanggap, sa inyong pagsuporta, sa aking panunungkulan bilang DILG. [Palakpakan]

Sa okasyong ito, nadinig ko kanina, “graduation.” Graduation ito. Halos isa sa bawat tatlo ng ating mga punongbayan ay magga-graduate na sa three terms. Kung minsan ay napapangiti ako, dahil sa aking pag-ikot, sa aking pagbibisita sa inyong mga pamayanan, ang nadidinig ko madalas ay magga-graduate kayo sa pagiging vice-mayor. Kasi pagmula mayor, magiging vice-mayor, magiging konsehal, magiging spouses’ forum na lang, dahil iba—anak o kaya misis ang siyang tatakbo para magpatuloy ang liderato.

At siguro diyan nagmumula ang aking mensahe. Panahon ng halalan na naman. Kadalasan, sinisigaw ‘pag halalan, “Patalsikin! Baguhin! Palitan!” Pero ngayon, 2016, sa kauna-unahang pagkakataon sa napakahabang panahon, merong basehan, hindi lamang sa pamahalaang nasyonal pero kasama na ang pamahalaang lokal para isigaw natin, isulong natin, hindi palitan, hindi baguhin, kundi “ituloy, palawakin, itaguyod.” [Palakpakan]

Naging magka-partner tayo—pamahalaang nasyonal, pamahalaang local—nitong nakaraang mga taon na ito. Kayo mismo ang mga patunay. Kayo mismo ang makakapagsabi: sa ating pamumuno, walang pinili, lahat pantay-pantay. Hindi dinala sa pamumulitika, hindi tinanong kung ano ang chaleko, sino ang nanalo, sino ang kandidato, ano ang partido. Ang ating serbisyo ay pinarating natin sa lahat ng 1,490 mga bayan sa ating bansa. [Palakpakan]

‘Yan ang nangyari sa BUB. Iyan ang nangyari sa police patrol jeep, at ‘yan ang nangyayari ngayon sa darating na panahon sa liderato ni Secretary Mel Sarmiento sa lahat ng mga programa na pinapatupad natin sa DILG. Lahat ng ating mga mayor, itinuring nating mga kapatid, mga anak, at ‘yan din ang marka ng ating liderato nitong nakaraang tatlong taon na ito. Maraming-maraming salamat sa inyong kooperasyon. [Palakpakan]

Hindi sikreto, hindi lingid sa kaalaman ninyo na ako po ay tumatakbo sa pagkapangulo. Noong nakaraan po, sa ibang mga bayan, ginawa po ninyo akong number 1. Sa ibang mga bayan naman, naging number two ako. Baka naman sa pagkakataong ito, doon sa naging number 2 ako ay ma-promote na rin po tayo sa number 1 winner sa inyong mga pamayanan. [Palakpakan]

Lehitimo. Tama lamang na itanong ninyo na, “Okay, nakilala namin si Mar. Nakita namin siya. Naranasan namin ang kanyang liderato. Mar, saan mo kaming dadalhin? Saan mo dadalhin ang local government units? Saan mo dadalhin ang aming komunidad sakaling ika’y tulungan namin sakali na ikaw na nga ang magwawagi?”

Simple lang po ang aking sagot: Sa konkretong paraan na nararanasan na po ninyo, eto na po ang isa sa pinakaimportante, pinakasentrong programa sa ating ipagpapatupad. ‘Yung tinatawag kong “BUB Pa More” or “BUB Plus Plus.” [Palakpakan]

Ang bilang ng Pilipino ngayon, 100 million na tao. Nakita ko, pinag-aralan ko, kinalkula ko, hinanap ko ang pera sa budget, at nakita ko na, nasagot ko na itong lahat. One hundred million people times P1,000 is equal to P100 billion. ‘Yang halagang ‘yan, kukunin natin sa budget ‘yang P100 billion na ‘yan, at ipapamahagi natin ‘yan sa BUB process sa lahat ng bayan sa ating bansa. [Palakpakan]

Tatanungin ninyo, ano ang halaga na dadating sa bayan namin? Kasi itong nakaraang taon, P15 milyong sa bawat bayan. Ang suma-total noon is about P22 billion lamang. P15 million times 1,400 roughly was about P22 billion.

Sa ating “BUB Pa More,” simple lang po ito. Ngayon mismo, malalaman na ninyo kung ano ang progreso na darating sa inyo. Tandaan po natin; kalkulahin po natin. Ang bawat isa sa inyo dito ay makakasama po dito. Bilangin po natin, ilan ang tao na nakatira—hindi botante ha, population. Ano ang populasyon ng ating bayan? Kung ano man ‘yung bilang, halimbawa, 40,000, 30,000 na tao—tao ha, hindi [lang] botante. Kung ano man ang bilang ng tao dito, times P1,000. ‘Yan ang halaga na darating na BUB sa inyong pamayanan. [Palakpakan]

Halimbawa, si Dado Pallasigue, ngayong tumatakbo bilang—magga-graduate na eh—tumatakbo sa ibang posisyon. Ang kanyang bayan ng Isulan, ano ang bilang ng tao? 93,000 ang tao. So, sa Isulan, Sultan Kudarat, 93,000 ang tao, times 1,000 pesos—P93 million ang dadating sa Isulan sa ating BUB Pa More. [Palakpakan]

Simpleng-simple ang kalkulasyon: P93 million sa unang taon, P93 million sa pangalawang taon, ganoon din sa pangatlo, pang-apat, pang-lima, pang-anim na taon. So, ibig sabihin, P93 [million] times six years ng ating panunungkulan—P540 million, higit sa kalahating bilyong piso ang dadating sa bayan ng Isulan. [Palakpakan]

Ano ang kahalagahan nito? Ang kahalagahan nito ay hindi na mauubos ang inyong oras sa kakasulat ng resolusyon. Hindi na mauubos ang inyong oras sa kakabalik-balik sa Manila, sa kaka-follow-up ng papeles, dahil nasigurado natin ‘yung funding sa inyong mga projects, sa inyong mga priorities. Makakasiguro kayo ngayon na ang inyong planning, three years, 6 years, dahil alam ninyo kung saan magmumula ang pera, alam ninyo kung ano ang halaga ng pera, at itong perang ito ay dagdag ito sa IRA. Hindi gagalawin ang IRA. Dagdag ito sa IRA at dagdag ito sa lahat ng iba pang imprastruktura na gagawin ng National Government. [Palakpakan]

Itong programang ito ay makakasiguro na lahat ng 1,490 na bayan sa ating bansa ay makakatanggap ng minimum level of development. Doon sa mga bayan na below 15,000 na tao, below 15,000—halimbawa, may bayan na 9,000 lamang ang tao, 9,000 times P1,000, P9 million lang, masyadong maliit. Kaya magkakaroon tayo ng minimum na P15 million. Kung ano ang BUB ngayon, ‘yan din ang tatanggapin ng mga maliliit na bayan. [Palakpakan]

So, simple po ang drawing. Hindi kumplikado at hindi ito ‘wish ko lang.’ Hindi ito abrakadabra at sana, suntok sa buwan, pangako sa lupa, mula lupa hanggang langit na mga pangako. Nagawa na natin ito sa BUB. Kayo mismo ang mga testigo, ang mga patunay. Ang ginagawa lang natin ngayon ay pinapalaki natin ang halaga para mas malaking bahagi ng inyong development, mas malaking bahagi ng inyong kaunlaran, ay magmumula sa mga projects na kayo mismo ang siyang nakaisip, kayo mismo ang siyang nakapag-aral, at kayo mismo ang siyang magpapatupad na pinondohan ng National Government. [Palakpakan]

Bukod sa iba pang mga programa—of course, itutuloy natin ang 4Ps, ang PhilHealth, lahat ng mga ginagawa ngayon sa Daang Matuwid. Kaya ang programa natin, ang sigaw natin ay “ituloy.” Kayo, nakaranas na kayo, nitong nakaraang anim na taon. Nakita ninyo, nadama ninyo ‘yung progreso, yung kaunlaran, na narating natin. Malayo na ang narating natin, pero alam ko, kung magpatuloy po tayo sa ating samahan, nasisiguro ko na mas malayo pa ang mararating natin. Makikita natin na talagang kayo ang mga nasa frontlines. Kayo na ang unang tinatakbuhan ng ating mga kababayan, ngayon, magkakaroon ng siguradong pagkukunan ng pondo para makapagpatupad ng inyong mga priorities. ‘Yan ang makikita ninyo sakaling manalo si Mar Roxas. [Palakpakan]

Tulad nang nakita ninyo sa advertisement: hindi masyadong mahaba, hindi kumplikado, walang drama, trabaho lang. Konkreto, malinaw, at makikita ang patutunguhan kung saan tayo dadalhin. [Palakpakan]

Maraming salamat! Magandang umaga! God bless you all. [Palakpakan]

##