SPEECH OF
MAR ROXAS

AT THE CSO FORUM ON LIVELIHOOD
DULAG, LEYTE

[January 22, 2016]

Binabati ko po ang isa sa pinakamahusay, pinakamasipag, pinakaepektibo na gobernador sa ating bansa. Nakita ko ang kanyang dedikasyon, naramdaman ko ang kanyang malasakit para sa inyo. Noong dumating ‘yung Yolanda, magkasama kami, tatlong linggo, hindi ako umuwi sa Manila. Sa paggawa ko ng aking trabaho, araw-araw, nagmi-meeting kami, nagtatrabaho kami, ginagawa ko ang lahat. Nakita ko siya, ginagawa niya ang lahat para matugunan ang inyong mga pangangailangan. Ang inyong gobernador, Governor Mic Petilla. [Palakpakan]

Gov. Mic, malaking karangalan para sa akin na ikaw, isang hinahangaan ko, ang nagpakilala sa akin sa inyong mga kababayan. Maraming salamat! palakpakan natin, Governor Mic Petilla. [Palakpakan]

Binabati din po natin ang isa sa pinakamataas na opisyal sa Kamara de Representante—hindi pangkaraniwan ‘yan, hindi basta basta yan, halos 300 ang mga kongresista sa Kamara, siya, pinili nila, bilang deputy speaker ng Kamara de Representante, ang inyong kinatawan, Manong Serging Apostol. Palakpakan po natin. [Palakpakan]

Of course, ang inyong masipag, ang inyong dedikado, at ang aking ka-textmate, isa sa mga pinakamasipag, pinakamakulit, araw-araw may text, linggo-linggo may follow up sa inyong mga pangangailangan, Mayor Boy Sia-que, Tito Boy. Palakpakan natin siya. [Palakpakan]

At of course, ‘yung magpapatuloy ng kanyang uri ng serbisyo, Joy Que, Attorney Joy Que. Palakpakan po natin. [Palakpakan] And Edwin Labanta, ang kanyang ka-tandem sa pagka bise mayor, palakpakan din po natin. [Palakpakan]

Binabati din po natin, of course, ang ating pangulo ng Dulag CSO Federation, Boyboy Cadayong, palakpakan po; [palakpakan] ang ating ABC, si Jig Cadayong [?], palakpakan din po [palakpakan]; at binabati ko din at pinapasalamatan ang ating nagbigay ng testimonya dito tungkol sa BUB, Bottom Up Budgeting, si Roland Lora, palakpakan po natin. [Palakpakan]

Sa lahat ng pamunuan ng mga CSOs na nandito, sa ating mahal na mga kababayan, sa inyong lahat po:

Magandang-magandang hapon sa inyong lahat. Maraming-maraming salamat sa inyong pagtanggap sa akin ngayong hapong ito. Mabuhay kayong lahat! [Palakpakan]

Tinanong ko kay Manong Serging Apostol, sabi ko, “Alam mo Manong Serging, napakainit ng pagtanggap sa akin dito, gusto ko silang batiin sa Waray-waray, kahit hindi ako waray-waray.” Ilonggo ako e, kung sa amon pa: Maayong hapon sa inyo tanan, pero hindi iyan Waray-waray. Sabi niya sakin, ito ang sabihin mo: Maupay nakulug to sa inyo na tanan.[Palakpakan] Tama ba ‘yun?

Sabi ko, “Gusto ko sabihin, maraming salamat sa inyong mainit na pagtanggap sa akin.” Sabi niya, “Damu na salamat ang inyo pakisingasi na pagkalaya sa akin.” [Palakpakan]

Natutuwa ako na makasama kayong lahat sa araw na ito. Nalilipay ako na makaupod kayo lahat. [Palakpakan] Okay ba? [Mga tao: Okay!] At sa dulo, sabi ko, sana pagbalik ko ditto, magkita muli tayo. Sabi niya sa akin, sabihin mo ito, [Speaks in Waray] [Filipino translation: Madaming magagandang babae dito] [Tawanan at palakpakan] Tama? [Tama!] Tama ba? [Tama!] [Tawanan] Damo? [Damo!] Damo. Tama. Tama? [Tama!] Mahusay ang aking teacher, Manong Sering Apostol, palakpakan po natin. [Palakpakan]

Sa among mga Ilonggo madamo—madami.

Natutuwa akong makita ngayong hapong ito na nandito kayo, nagsasama-sama dahil dito sa mga mukha ninyo, sa mga ngiti ninyo, sa mga mata ninyo, kitang-kita ko, damang-dama ko, na maganda ang pag-asa, na bumabangon na, na nakakaraos na ang Dulag mula sa Yolanda. Congratulations sa inyong lahat! [Palakpakan]

Ang kagandahan nito ay na ang trabaho ay mula sa inyo. Kahit ano pa ang gawin ng gobyerno, kung wala kayo, hindi natin mararating ito. Kayo ang pundasyon ng pagbangon, kayo ang pundasyon ng pag-asa, kayo ang pundasyon ng ating magandang bukas. Mabuhay kayong lahat!

Meron akong gustong ikuwento sa inyo tungkol sa isa sa inyong mga kababayan, dito sa Leyte. Siya ay 16 na taong gulang na tao. Ang pangalan niya, Jerome Tolibas. Pang-11 siya, pinakabunso sa 11 na mga magkakapatid. Ang kanyang ama, karpintero. Ang kanyang ina, housewife, walang trabaho—inaatupag, inaasikaso ang 11 na magkakapatid.

Araw-araw, damang-dama nila ang hirap. Naghihikahos sila. Madalas, kulang ang pera. Hindi sila nakakakain tatlong beses sa isang araw.

Si Jerome, dahil siya ang pinakabunso, parating nahuhuli sa pagbigay ng pera mula sa magulang. Madalas, wala siyang almusal. Malayo ang kanyang nilalakad, kilometro mahigit, at wala siyang pambili ng lapis, papel, at iba pang mga gamit sa paaralan. Alam n’yo ba ang kuwentong ito? Naranasan n’yo ba itong hirap ng pamilyang Tulmas [?]? Marahil kilala n’yo itong istorya na nito dahil malapit ito sa kasaysayan sa istorya ng pamilya n’yo. Tama?

Halos nawalan na ng pag-asa si Jerome. Hanggang dumating ang Daang Matuwid at ang ating 4Ps program. Dahil sa Daang Matuwid, natulungan ang pamilya Tolibas, nakapagpatuloy sa pag-aaral ni Jerome. [Palakpakan] Nakapag-graduate si Jerome, at hindi lang nag-graduate si Jerome, siya ang nag-graduate na class valedictorian sa Kiling National High School.

Kayo ang gumawa nito. Lahat tayo sa ating pagsisikap, sa ating pagsunod sa Daang Matuwid ay katulong ni Jerome sa kanyang tagumpay, at lahat din tayo katulong ng tagumpay ng apat at kalahating milyong pamilya tulad ng pamilya Tolibas sa tagumpay nila na makapag-graduate sila ng kanilang mga anak. Palakpakan po natin ang 4Ps. [Palakpakan]

Alam po ba ninyo ang 4Ps? Taas ang kamay ng mga may alam ng 4PS. Ayan! Ang 4Ps, dedepensahan namin, itataguyod natin, hindi tayo papayag na mawawala ang 4Ps, palalawakin natin ang 4Ps, [palakpakan] itutuloy natin ang 4PS, sisiguraduhin natin na maga-graduate ang inyong mga anak. Mabuhay kayong lahat! [Palakpakan]

‘Yan ang storya ng pamilya Tolibas, at ‘yan ang storya ng bawat isa sa inyo. Dito sa Burauen, 2,755 ang pamilya tulad ng pamilya Tolibas. Sa Tacloban, 14,132. Sa kabuuan ng Leyte, 125,431 na pamilya tulad ng pamilya ni Jerome. Ang bawat isa sa mga pamilya na ‘yan. Kahit gaano pa kahirap ang buhay, kahit gaano ang hirap na nararanasan nila, nabibigyan ng pag-asa—pag-asa dahil makakasiguro sila na makakapag-graduate ang kanilang anak. Na darating sila sa isang araw, papasok sa isang gym tulad ng ganito, makikita aakyat sa entablado ang kanilang mga anak, at makakapag-graduate bilang pagsiguro na hindi natin ipapamana sa ating mga anak ang kahirapan na naranasan natin sa ngayon. Mabuhay kayong lahat! [Palakpakan]

‘Yan ang Daang Matuwid. Kanina, nadinig din natin ang storya ni Roland [?] ang ating patunay na ang BUB, Bottom Up Budgeting. Na kung saan sinisiguro natin na walang maiiwanan sa serbisyo ng gobyerno. Lahat ng bayan nabibigyan ng project. Tulad ng pinakita ni Roland [?] sa kanilang bayan.

‘Pag nagpatuloy ang BUB, hindi lang ang bawat bayan magkakaroon ng BUB, bawat barangay magkakaroon ng BUB. Sisiguraduhin natin na lahat ng inyong mga barangay ay magkakaroon din ng mga project para sa inyong kaunlaran. [Palakpakan]

Ito ang pundasyon ng Daang Matuwid na nasasabi na pinapahalagahan natin ang tao. Ang tao at ang pamilya ay nasa sentro ng ating mga programa. Na walang tagumpay ang ating bansa kung hindi din matagumpay ang inyong mga pamilya. Ano ang mararating ng bansa natin kung hindi din kayo kasama sa tagumpay? Kaya sinisiguro natin na ang inyong mga anak ay makakapag-graduate. Sinisiguro natin na ang inyong mga barangay, ang inyong mga bayan, ay magiging maunlad. Para ‘pag kayo ang kumayod, makakasiguro tayo na aasenso kayo. Mabuhay kayong lahat!

May naalala tuloy akong isang kuwento. Kwento tungkol sa isang sabungan, […] Papaano mo alam na ang isang tao ay nalilito sa loob ng sabungan? Sagot: ‘pag siya ay nagdala ng pato. Papaano niyo alam na may mas malilito pa sa loob ng sabungan? Kung merong tumaya sa pato. At panghuli, papaano n’yo alam kung merong sindikato sa loob ng sabungan? Sagot: ‘pag nanalo ‘yung pato. [Tawanan]

Bakit mahirap tayo? Dahil napakatagal na parang sabungan na may sindikato ang pamamalakad ng ating bansa? Baluktot, tiwali, ninanakaw ang ating pera. Nakita ninyo nitong nakaraang limang taon kung ano ang naihatid ng tapat, ng matuwid, ng maayos na pamamahala. Nagkaroon tayo ng 4Ps, nagkaroon ng PhilHealth, nagkaroon tayo ng BUB, nagkaroon tayo ng napakaraming mga imprastraktura, mga farm-to-market roads, mga irrigasyon, mga tulay, mga kalye na semento. ‘Yan ang dahilan kung bakit nararanasan natin unti-unti ang kaunlaran sa ating bansa.

Hindi ko sinasabi na perpekto na. Ang sinasabi ko, malayo na ang narating natin. Marami na ang napagtagumpayan natin at alam ko, ‘pag sama-sama tayo, kung may kulang pa, pupunuan natin. Kung merong mali pa, itatama natin. Dahil itutuloy natin ang Daang Matuwid, itutuloy natin ang ating kaunlaran, itutuloy natin ang patungo sa maayos at maunlad na pamumuhay.

Maraming-maraming salamat sa inyong lahat. [Palakpakan]

Ang pagpapatuloy ng ating tinatahak ngayon ay nasa sa kamay n’yo. Kayo ang aking lahat. Kayo ang ipinaglalaban namin sa pagpapatuloy ng Daang Matuwid. Kayo ang dahilan kung bakit itataguyod natin ito, ipaglalaban natin ito, at papalawakin natin ang Daang Matuwid.

Mabuhay kayo! Maraming-maraming salamat! Ituloy ang Daang Matuwid! [Palakpakan]