Speech of
Mar Roxas
at the Disaster Capability Assessment for Barangays
San Fernando City, Pampanga
[December 18, 2015]

Isang malakas na “amen” si Board Member Rosby Henson, amen! [Palakpakan] Noong pinataas ninyo ‘yung kamay nila Board, e ang akala ko susunod na ‘yung panyo na eh, ‘yung itataas na at iwawagayway. Pero talaga namang nagpapasalamat tayo sa pagpapakilala ni Board Member Rosby. Talagang ni-research talaga ‘yung ating angkan at sabi nga si Secretary Leila de Lima ay talaga naman the best introduction na nabigay, natanggap niya sa buong panahon. Palakpakan po natin, Board Member Rosby Henson. [Palakpakan]

Salamat po, Rosby.

Sa ating ginagalang, isa sa pinakamahusay na punong lalawigan sa ating bansa, kung napag-uusapan ‘yung “inclusive growth,” ibig sabihin, ‘yung walang iwanan, walang maiiwanan, ay napakaganda ng halimbawa dito sa Pampanga, na kung saan nakita natin ‘yung todo-bigay na serbisyo, nakita natin ‘yung pagpaparami at pagpapapondo ng mga ospital at rural and district health units, na hindi lang gusali, may laman na mga equipment, na kung saan nakita natin ‘yung sige-sige na paggawa ng mga kalye at iba pang imprastraktura. At sa kabila nitong lahat, sa kabila nitong progreso at pagpapagawa nitong lahat, maipagmamalaki ng Pampaga na walang utang ang Pampanga at meron pang isang bilyong pisong surplus ang Pampanga. [Palakpakan]

Salubungin natin ng maganda at mainit–alam ko namang mahal na mahal niyo s’ya, pero bilang pagkilala sa mahusay na pamamahala, Governor Lilia “Nanay” Pineda. Palakpakan po natin. [Palakpakan]

Ma’am, ni-research ko rin kayo ha. [Tawanan] Alam ko na walang utang ‘yung Pampanga. ‘Yung ibang mga lalawigan, baon sa utang, pero kayo, sige-sige ang progreso, walang utang, may surplus pa. Ibig sabihin, kung ano ang pangangailangan, may pagkukunan. Talagang handang-handa dahil nasa disaster capability assessment session tayo. Sakali, hindi naman natin inaasahan, pero sakali na may bigla na pangangailangan ay hindi kailangan umutang dahil may surplus ang Pampanga. Palakpakan po natin ang Pampanga. [Palakpakan]

Of course, ang ating mga kinatawan sa Kamara de Representante, dalawa sila sa pinakaaktibo sa buong Kamara. Humigit-kumulang 300 ang mga congressman doon, pero itong dalawa, talaga namang masasabi ko sa inyo, very active at nirerespeto, inaantay ang kanilang mga pagpasya sa lahat ng mga pinag-uusapan sa Kamara de Representante–unang-una po, Manong Oca Rodriguez; palakpakan po natin [palakpakan] Congressman Yeng Guiao, palakpakan din po natin; [palakpakan] ang ating mga members of the provincial board, palakpakan po natin sila. [palakpakan]

Binabati ko rin po ang dalawa sa pinakaepektibo na kabahagi ng gabinete ni Pangulong PNoy. Iba ang kanilang–iba’t iba ang kanilang larangan at tungkulin, pero parehas silang epektibo, na kung saan ay napanghahawakan ang mga patunay ng kaginhawaan na naihahatid nila sa ating bansa.

Una po, ang batang-bata, makisig, energetic, dynamic na dating namumuno ng TESDA, ang susunod na senador ng ating bansa, Secretary Joel Villanueva. [Palakpakan]

Ito lang ang dapat nating tandaan sa kay Sec. Joel: Kung dati, ‘pag ika’y nakatanggap ng isang training sa TESDA, 50/50 lang, humigit kumulang 50/50 lang, ang tsansa mo na makahanap ka ng trabaho within three months of graduation. Ibig sabihin, nag-aral ka na, natuto ka na, tinuruan ka na ng kung ano na mga TESDA skills, pero 50/50 pa lang ang tsansa na makakahanap ka ng trabaho. Sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Joel, ‘pag ika’y nakatanggap ng training mula sa TESDA dahil pinahusay niya, pinaganda niya ang mga training ng TESDA, handang-handa ang mga graduate ng TESDA, humigit-kumulang nasa 80 porsyento ang pagbigay ng trabaho sa mga graduate ng TESDA. [Palakpakan]

Tama? Di ba, 80 plus, di ba? Kaya kitang-kita, hindi nababasa sa diyaryo, hindi, hindi maingay, quiet worker, pero ang bawat isa ng daang libo, ng mga milyon na kababayan natin, lalong-lalo na ang mga kabataan na nakakatanggap ng trabaho ay dahil sa training nila mula sa TESDA. Palakpakan po natin, Secretary Joel Villanueva.

Ang isa ring kahaligi ng Daang Matuwid, ni Pangulong PNoy, sa kanyang gabinete. Dating Secretary of Justice, ang susunod din na magiging Senador, karapat-dapat sa ating Senado, Secretary Leila de Lima. [palakpakan]

Hindi po totoo. Hindi po totoo na ang pinaka-favorite song ni Secretary Leila de Lima ay “Careless Whisper.” [Tawanan] Hindi totoo iyon. Ang kanyang favorite song ay “Betcha By Golly Wow.” [Tawanan] Ayan. At kung–ano ba Leila, may dala ba tayong CD or–ay, wala. Okay. [Tawanan]

Alam n’yo, itong si Secretary Leila de Lima, kung makikita natin sa TV Patrol, makikita natin sa news, talagang tough guy, di ba? So sasabihin, “Aba, ang tapang nito!” Pero ilagay natin sa konteksto. Matapang siya laban sa mga tiwali. Matapang siya laban sa mga abusado. Matapang siya laban sa mga iligal at pangungurakot na nangyayari sa ating bansa. Maaasahan, para sa katarungan, para sa ating kaunlaran, Secretary, Senador Leila de Lima. [palakpakan]

And of course, sa inyong lahat po, ang ating mga barangay officials na bumubuo ng ating Disaster Risk Reduction and Management Council, sa ating mga kasama, sa PDRRMC, sa Municipal and City Disaster Risk Reduction Management Councils, mga minamahal na kababayan, magandang-magandang umaga po sa inyong lahat at maraming salamat sa inyong paanyaya. [palakpakan]

Kung kanina, nakita ninyo, nagbubulungan kami ni Governor Nanay Lilia, ang dahilan ay tinatanong ko sa kanya. Sabi ko, “Gov, papaano ko sasabihin ‘yung ‘magandang umaga’ sa inyong mga kababayan?” Sabi niya, “Sabihin mo ito: Maya paaba ke kongan.” [Palakpakan] Tama ba iyon? Mahusay ang titser ko ha. [Tawanan] Pagka tama ang nasabi ko, mahusay ang titser ko. Pagka mali, kamalian ko iyon. [Tawanan] Sabi ko, “Eh yung nagpapasalamat ako? Maraming salamat sa inyong lahat?” Sabi niya, “Sabihin mo ito: Dakal kong salamat ke kongan.’ [palakpakan] So ginanahan ako eh. Sabi ko, “Aba, okay ito ha!” So sabi ko, “Nanay Lilia, papaano ko sasabihin na talagang napakainit ng inyong pagtanggap sa akin, damang-dama ko at nais kong pabalik-balik ako dito, parati ako dito sa Pampanga?” Mahaba iyon ha. Sabi niya, “Sabihin mo ito: Dakal mangdalagu at masanting tening Pampanga.” [Hiyawan at palakpakan]] Tama? So pabalik-balik tayo dito! So mahusay ang titser natin!

Natutuwa po ako para sa inyong lahat na medyo hindi mabigat ang pagsalanta ng bagyong nakaraan dito sa inyo. At malaking bahagi nito ay ang inyong paghahanda na na-minimize natin ‘yung epekto nito. Palakpakan po natin ang ating mga disaster risk reduction activities. [Palakpakan]

Ganoon pa man, may mga kababayan tayo sa Nueva Ecija, sa Pangasinan, sa iba pang mga lugar, na talaga namang tinamaan–doon din sa Bicolandia. Kaya hangang hanga ako kay Sec. Leila. Talagang magmula pa sa Bicol, nandoon siya, inaatupag niya ‘yung kanyang mga kababayan doon na nasalanta ng bagyo sa Sorsogon, sa Albay, at hanggang sa Northern Samar, at ngayon ay dito naman kasama ninyo, sumusubaybay din sa epekto ng bagyo. Kaya bagaman medyo magaan ang epekto dito sa atin, ipagdasal natin at alalahanin natin na may mga kababayan tayo na nasalanta ay talagang natamaan at kung anong tulong ang maibibigay natin ay sana magtulong-tulong tayo para hindi naman ganun kabigat ang epekto sa kanila. Palakpakan po natin ang kagandahang loob ng mga Pampango. [Palakpakan]

Napag-uusapan dito ang disaster and risk reduction. Tama po iyon. Sa bawat taon, mahigit 25 ang mga bagyo na dumadating dito sa atin. Kaya dapat lamang na naghahanda tayo para sa kung anuman ang epekto na dadalhin nitong mga bagyong ito. Twenty five storms taon-taon. Ang iba, umaakyat patungong Japan, ang iba, nalulusaw, ang iba talaga namang lumalakas, rumaragasa at tinatamaan tayo. Kayo, mga opisyal ng mga barangay, kayo ang mga nasa frontlines. Kayo ang mga inaasahan ng ating mga kababayan. Kayo ang mga sinasandalan. How you go, goes our communities. Kaya unang-una, maraming-maraming salamat sa pagtatayo sa frontlines sa ating mga komunidad sa pagiging Disaster Risk Reduction Management Agent ng ating bansa. [Palakpakan]

Kung ang iba ay nagsisilong sa evacuation center, kung ang iba ay lumilikas, kayong mga opisyal, patungo sa disaster. Kayo ang nagsisiguro. Kayo ang mga Last Man Out at Last Woman Standing para masiguro na nalalagay sa maayos at nailalayo sa kapahamakan ang ating mga kababayan. Maraming salamat sa tapang. Maraming salamat sa commitment. Maraming salamat sa pag-asikaso at pag-aruga sa ating mga kababayan. Mabuhay po kayong lahat. [Palakpakan]

Itong mga disaster ng kalamidad, napagpaplanuhan natin ito, napaghahandaan natin ito. Kaya ‘yung iba pang mga disaster: ‘yung disaster ng gutom, ‘yung disaster ng kawalang pag-asa, ‘yung disaster ng pangungurakot ay dapat mapaghandaan din natin, iwaksi natin, at asikasuhin natin. Natutuwa nga ako na kabahagi ng pamahalaang panlungsod at pamahalaang panlalawigan, pamahalaang bayan ang mga kapitan dito sa Pampanga para […audio cut]

… ‘Yung airport. Ang airport po doon sa Manila nagrereklamo po sila. Masikip na masikip. Para sa Daang Matuwid, para kay Mar Roxas, ang airport ay ilipat dito sa Clark para dito na ang magiging ating international airport. [Palakpakan]

Malinaw na malinaw ito. Hindi ko po kayo pinupulitika. Simpleng-simple lang po ito. Ang NAIA 440 hectares lamang. Ganoon lang ang limitasyon ng NAIA. Ang runway sa NAIA, dalawa nga, pero ‘yung dalawang runway, magkasalungat, ganyan. So kung ginagamit ito, siyempre hindi mo naman magagamit ito, magnabanggaan. ‘Pag gagamitin mo naman ito, hindi mo magagamit ito, magbabanggaan. Kaya kahit pa dalawa ‘yan, one at a time lang ginagamit ‘yan. ‘Yung runway sa Clark, dalawa din pero parallel. Hindi magkasalungat. Sabay-sabay maaaring gamitin. Kaya kung ano man ang traffic sa eroplano, kung gaano man karami ang mga turista na mapaparating natin sa ating bansa, magiging mas maginhawa, mas maaliwalas ang kanilang paglalakbay kung sa Clark ang ating magiging international airport. [Palakpakan]

Nabanggit ko kanina, NAIA 440 hecatares. Clark Airport, 2000 hectares. So hindi tayo magkukulang sa espasyo. Hindi tayo magkukulang sa expansion. Hindi tayo magkukulang sa kung ano man ang mga pangangailangan. Kaya kung ang pag-uusapan ay development ng bansa, kung pag-uusapan yung transpormasyon ng ating bansa–sa Clark dapat ilipat ang ating airport sa lalong madaling panahon. [Palakpakan]

Well, hindi mangyayari ito sa isang iglap lang. Hindi ito basta-bastang nangyayari. Di ba? Bago maisakatuparan ‘yan, mahalaga na gumawa muna tayo ng fast train, ‘yung tren na mabilis. Dahil hindi naman pwede na lahat ng mga pasahero na patungo sa airport at paalis ng airport ay diyan dadaan sa NLEX. Eh magtatrapik ang NLEX. Ang mga turista ay hindi na pupunta sa atin. Kaya bago mangyayari yan, gagawa tayo ng airport, gagawa tayo ng tren, papalaparin natin ‘yung highway para planado. Hindi yung bara-bara. Hindi ‘yung patsamba, tapos ‘pag nagawa na natin ay ang daming mali pala.

Napakahalaga na hindi natin ilagay sa alanganin ‘yung mga trabaho, ‘yung mga turista, ‘yung mga hanapbuhay na nagmumula sa mga manlalakbay na dumadating dito sa atin. Pero, basta tayo magkasama, basta tayo ay pursigido, mangyayari at mangyayari na ang susunod na airport natin, na international airport natin, na main airport natin ay dito gagawin sa Clark. [Palakpakan]

Napag-usapan natin ang Clark. Napag-usapan natin ang tren. Napag-usapan natin ang NLEX. Papaano natin sisiguraduhin naman na ang bawat bayan, ang bawat barangay, dito sa Pampanga ay hindi maiiwanan sa progreso? May sagot diyan ang ating pangkat na Daang Matuwid. Ang sagot natin diyan ay kabahagi ng ating plataporma na tawag po namin ay “Walang Iwanan Fund.” Walang Iwanan Fund. Simpleng simple lang po ito. Simpleng-simple. Halimbawa, kanina may nabanggit dito, ‘yung bayan ng Sto. Tomas. San yung mga taga-Sto. Tomas? Isa sa pinakamahirap na bayan sa Pampanga ang Sto. Tomas. Hindi ho ba? Tama. Fourth Class Municipality. Thirty eight ang residente sa Sto. Tomas. Tama? Okay. Bago ako magpatuloy, ang bawat bayan dito, isipin ninyo muna: Ilan ang taong residente–hindi botante ha. Ilang tao ang residente sa aming bayan? Isipin po natin ‘yan. Kasi ganito, madali lang pong aritmetik eh. Kung ano ang bilang ng taong residente, halimbawa sa bayan ng Sto Tomas, 38,000 ang tao, times 1000, equals 38 million. Tama? ‘Yan ang maaasahan ng Sto. Tomas sa development fund mula sa Daang Matuwid na pamamahala. [Palakpakan]

Simpleng-simple lang po ‘yon. Halimbawa, bayan ng Minalin. San ‘yung mga taga-Minalin? Ayan. 44,000 ang tao. 44,000 times 1,000 is 44 million. ‘Yan ang maasahan ng Minalin. San Simon nasaan ‘yung mga taga-San Simon? Ayan! 48,000 ang tao, times 1,000 pesos, is 48 million pesos. Ibig sabihin kung iisipin natin ha, ilan ba ang Pilipino sa buong mundo? 100 million. Tama? Isang daang milyon na ang mga Pilipino sa buong mundo. Isang daang milyong tao times 1000 pesos is 100 billion pesos. Yan ang halaga na itatabi natin at ipapamahagi natin sa bawat bayan, sa bawat lalawigan, sa ating buong bansa para makasisiguro tayo na walang maiiwanang lugar sa buong Pilipinas. [Palakpakan]

Simpleng-simple lang po. Kung ano ang bilang ng tao, times 1000 pesos, ‘yun ang maaasahan ninyo. Hindi kinakailangan na humalik sa singsing ng kahit sino. Hindi kinakailangan na sumipsip sa kahit sino. Hindi kinakailangan na magpadala ng pagkain sa kahit sino para magpakilala, magparamdam. Hindi kinakailangan na imbitahin pa or pumunta pa or sumulat pa ng resolusyon. SImpleng-simple po. Eto ang halaga para sa inyong bayan, mga kababayan natin doon sa bayan na ‘yun ang magsasabi kung ano ang prayoridad at kung ano ang paggagastusan nitong pera na ito. Bawat lugar may kanyang solusyon sa kanilang mga pangangailangan. ‘Yan ang Walang Iwanan Fund sa ilalim ng Daang Matuwid. [Palakpakan]

By the way, baka makalimutan ninyo. Taun-taon ho ito ha, hindi one time. So balik po tayo doon sa Sto. Tomas: 38,000 ang tao. Isipin po natin. Ano ang magagastusan ng 38 million sa Sto. Tomas sa taong ito: ‘Yung mga walang kuryente, hindi pa napakabitan, makakabili na ng mga transformer, pole, at wire. ‘Yung mga hindi pa nakokonekta sa NAWASA, sa tubig, pwedeng pagawaan ng water system. ‘Yung mga nangangailangan ng farm to market roads o rural health units o barangay health stations, maipapatayo natin–sa taong ito. Eh next year, may 38 million ulit. Sa susunod na taon, may 38 million ulit. Sa susunod na taon, may 38 million ulit. Ibig sabihin, sa anim na taon na pag-upo ng Daang Matuwid sa susunod na pamahalaan, taon-taon, ‘yan ang maasahan ng bawat bayan para walang maiiwanan sa progreso ng ating bansa. [Palakpakan]

Simpleng-simple lang po ito. Hindi po ito pamumulitika. Hindi po ito panunuhol. Itong perang ito ay nasa budget natin. [‘Yun] lamang, iba-iba ang ruta para maabot ang pera para sa development ng ating mga pamayanan. Ang ginagawa lang po natin, dahil Daang Matuwid – hindi baluktot, hindi paikot-ikot. Ang ginagawa natin ay dinidiretso natin para sa mas mabilis, mas maayos, mas orderly na pamamaraan na ang development ay maiparating natin sa bawat bayan hindi lang sa Pampanga pero sa bawat bayan ng buong bansa. Mabuhay ang Walang Iwanan Fund! [Palakpakan]

Kaya ito ho ang larawan. Kung itinatanong ninyo kung saan kayo dadalhin ng Daang Matuwid. Simple lamang ho. Dadalhin ang ating mga pamayanan, dadalhin ang ating mga komunidad tungo sa kaunlaran. Kung merong project, parang bibingka ito. Panahon ng Pasko ngayon, maraming bibingka. ‘Yung apoy, ‘yung init sa taas: yan ang airport na napag-usapan natin, ‘yan ang railway na napag-usapan natin, yan ang mga national government programs na napag-uusapan. Pero tulad ng bibingka, meron ding init, may apoy din mula sa baba. ‘Yan ‘yung Walang Iwanan Fund na kayo mismo ang gagastos sa inyong mga pamayanan para masiguro nga na maganda nga ang pagluto ng “pambansang bibingka” na siyang pagsasalu-saluhan natin. [Palakpakan]

Klaro, direkta, at diretso. Hindi paligoy-ligoy. Hindi paikot-ikot at hindi aksaya sa panahon. Ang aming pakay sa Daang Matuwid, ang ating pakay sa Daang Matuwid ay mapagpatuloy natin ‘yung progreso na natatamasa na natin. Malayo na ang narating natin.

Dito, ibalik ko lang sa disaster: Kung  sa disaster dati, bago tayo makapagbilang kung ilan ang biktima bago tayo makapagpalikas bago tayo makapagbigay ng relief goods: araw, linggo, buwan. Ngayon, prepositioned na. Ngayon, mabilis ang pagkilos. Ngayon, ‘pag nagkasakit ka, may PHILHEALTH sa sasagot sa inyong mga gastos. Dati, kung kukulangin ka sa pera ay kawawa si Ate, si Junior, kawawa ang mga anak dahil hindi na makapagpatuloy sa pag-aaral. Nawawalan na ng pag-asa. Ngayon may 4Ps tayo na kung saan nabibigyan ng tulong ang mga pamilya para patuloy na makakapag-aral sila ng kanilang mga anak.

Hindi ko sinasabing narating na natin ang paradiso. Ang sinasabi ko, malayo na ang narating natin, marami pa tayong magagandang plano na isasakatuparan, at basta’t tayo nagkasama, basta’t tayoy manatili na nagtitiwala sa isa’t isa, basta’t tayo’y merong pagkakaisa at pakikiisa, itong progreso na natatamasa natin ngayon ay mas mabilis nating mapalawak, mapalayo, hanggang ang kaunlaran at kaginhawaan ay maparating natin sa buong bansa.

Mabuhay ang Pampanga! [Palakpakan] Mabuhay kayo, mga frontliners na tinataya ninyo ang inyong katawan, ang inyong sarili sa pagserbisyo sa ating mga kababayan. Maraming salamat. magandang umaga sa inyong lahat.