Ambush interview with Mar Roxas
at the COOP-NATCCO event
Lapu-Lapu City, Cebu
[December 16, 2015]

Q: Sir, unahin na po natin ‘yung dito sa COOP-NATCCO. Sir, meron pong mga efforts ngayon na tanggalin ang tax exemption sa kanila. Ire-review daw po ang Cooperative Code of the Philippines. So if ever po, ano po ba ang ano natin dito?

MAR ROXAS: Itong mga ibinigay na tulong sa mga kooperatiba ay nasa batas ‘yan dahil nais natin na umusbong ang sektor ng kooperatiba sa ating bansa. Kabahagi ‘yan ng ating kultura, kabahagi yan ng ating kasaysayan. Ang cooperative movement ay isa sa mga pinakamahalaga, pinakamalaki, at pinakaimportanteng hanay ng ating lipunan at ng ating ekonomiya. Kaya dapat lamang ‘yung mga nangangailangan ng tulong ay patuloy na natutulungan.

Q: Ano pa yung mga lugar na pupuntahan ninyo?

MAR: Dito? Ah may pagpupulong kami kay… I think sa 2nd district. May pagpupulong din kami sa mga barangay leaders, sa kanilang development, kay Cong. Quisumbing at sa kanyang distrito.

Q: Sir, reaction naman doon sa statement naman ni Davao City Mayor Duterte tungkol sa…

MAR: Sige. Tapusin na natin lahat ng Duterte questions para minsanan na lang. Sige. Go ahead. [Laughs]

Q: ‘Yung sa sinabi niya kagabi, pinaka-latest, parang ayaw na niyang patulan at magpapadala na lang siya ng pari sa bahay ninyo.

MAR: Alam ninyo, ang baril ay hindi solusyon sa kahit anong problema.

Iwan na natin siguro ang usapin tungkol sa pamamaril, sa sampalan, sa karahasan. Malinaw, hindi ko uurungan si Mayor Duterte sa kahit anong hamunan. Malinaw na hindi ako takot sa kanya at haharapin ko siya.

Subalit, ang pinag-uusapan dito ay ang buhay ng 100 milyong Pilipino. Ang pinag-uusapan dito ay ang liderato ng ating bansa. Ang leader ng ating bansa, dapat ehemplo sa ating mga kabataan. Lider ng ating bansa, dapat may pagpapahalaga sa buhay ng tao. Lider ng ating bansa dapat may respeto sa mga kababaihan. Lider ng ating bansa, dapat ginagabayan, sa salita at sa gawa, ng batas at wala nang iba. Rule of law ang mananaig sa lahat ng bagay. Ang lider ng ating bansa ay dapat maging tagapagsulong ng magagandang asal na nasa ating kultura at sa ating pagkatao bilang isang bansa.

Kaya, lahat itong mga usapin na ito balewala ito. Itong mga barilan, suntukan—hindi ito importante sa buhay ng bawat mamamayang Pilipino. Kaya isyu ang pag-usapan natin. Saan ba natin dadalhin ang bansa natin ang dapat na napag-uusapan at hindi kung may problema tayo dito, baril, may problema tayo doon, baril ang solusyon.

Q: Willing naman pod aw siyang makipag-ayos sa ’yo. Pero ‘yun nga raw, kayo daw po dapat mag-apologize dahil kayo naman daw ang nauna.

MAR: Alam n’yo, hindi po ako ang nagsabi ng kasinungalingan.

Sinabi niya, hindi raw ako nag-graduate. Alam mo sa totoo lang, hindi naman importante sa akin kung ano ang paningin niya kung nag-graduate ako o hindi. Eh nasa record naman. Nasa internet, nasa alumni book, nasa record mismo ng eskwelahan na nag-graduate ako. Hindi naman ito pataasan lang ng yabang o kung anuman, hindi ba.

Mayor Digong, let’s level up. Our people deserve better. Itong tapunan, itong putikan, itong kasinungalingan ay walang lugar sa ating political discourse. Ano bang plano mo, anong plano naming; Anong nagawa mo, anong nagawa naming—‘yun at ‘yun naman lang ang dapat na napag-uusapan dito para makapagpasya nang tama ang ating mga kababayan.

Q: So latagan na lang ng plataporma’t programa, sir?

MAR: ‘Yun naman ang aming ginagawa. Tulad nga ng nasabi ko rito, nakita n’yo rito, ‘yung aming plataporma na inclusive, kasama ang ating mga kooperatiba dahil sila rin ang talagang nakatutok sa mga sitio, barangay, bayan, lalong-lalo na ‘yung mga nasa laylayan, ‘yung mahihirap, ‘yung isolated. Ang kanilang means na nakakapag-oorganisa sila ay sa pamamagitan ng kooperatiba. Kaya napakahalaga sa aming plataporma ang paglago, ang pagpapalakas ng cooperative movement.

Q: Pero, sir, friendship over na po ba talaga? Matalik po kayong magkaibigan mula pa noong kongreso…

MAR: Magkaibigan. Ako pa nga ang nagsasabi, tinuring ko siyang kaibigan. Kaibigan ang tawag ko sa kanya. Pero lahat ng samahan, lahat ng pagkakaibigan, ay nagsisimula sa katotohanan.

Siya ang nagbigay ng mga katagang hindi totoo eh. Eh bakit ako ang dapat na magsabi na…

Pero hindi naman iyon ang issue eh. Ibabalik ko lang. Hindi ito issue na parang telenovela na hidwaan sa pagitan ng dalawang tao. This is not about you, Digong. This is not about me. This is about the lives of our people. Saan ba natin dadalhin ang ating bansa? Ano ba ang ating pangarap at ano ang pamamaraan na gagamitin natin para maisakatuparan ang ating plano para sa ating bansa at ang mga pangarap n gating mga kababayan? Tungkol ito sa bawat pamilyang Pilipino at ang kanilang pangarap na makaahon sila, na guminhawa ang kanilang buhay, na magkaroon sila ng pag-asa, na makagraduate ang kanilang anak, na kapag sila’y magkasakit eh may masasandalan silang gobyerno na tutulong sa kanila, na kapag may nakita silang karahasan o kung may nangyaring karahasan sa kanila ay may pulis na sasagot at sasalo sa kanila at iimbestigahan at aarestuhin at fafilan [file] ng kaso. This is about our nation. This is not about two individuals.

Q: Are you willing to go on a one-on-one debate with Mayor Digong, sir?

MAR: Tulad ng  nasabi ko, hindi ko aatrasan si Mayor Duterte sa kahit anong bagay.

Q: On top […] sabi ni Mayor na kahit handshake na lang daw, eh ok na daw. Are you amenable to this?

MAR: Wala naman akong… di naman ako nakipag-away eh so obviously… di ba?

Q: Sir, your comment na lang. Sinabi po ni President FVR na ang susunod na presidente ay dapat daw po modelo at hindi nga daw po niya nagugustuhan ang mga nangyayaring batuhan sa inyo.

MAR: Mabuti sinang-ayunan niya ang sinabi ko. Ang ating lider ay dapat, halimbawa, ehemplo para sa ating kabataan, may respeto sa ating kababaihan, may pagpapahalaga sa buhay ng tao, na ang batas ang nanaig sa lahat ng gawa at salita.

Q: Sir, sabi ni Mayor Digong that you started it daw noong sinabi n’yong ang peace and order sa Davao is just a myth.

MAR: Alam n’yo, ‘yan ang statistika eh. Nais niya maging pangulo. Eh kung binigyan siya ng NEDA ng statistics na di niya gusto, babarilin ba niya ang NEDA? ‘Yan ang katotohanan eh. Lahat ng solusyon, ang lahat ng tamang kilos, ay nagsisimula sa tama at wastong pag-assess ng kalagayan. ‘Yan ang kalagayan sa kanila. ‘Yan ang bilang ng krimen sa Davao eh. PNP mismo ang nagbibilang niyan based on the blotter. Naka-audit ang blotter. Siya mismo ang pumili ng Chief of Police ng Davao City. Siya ang RPOC chair. So bakit niya kukwestyunin bigla ang istatistika na binibigay ng PNP. Kung mali ang PNP, e di baguhin natin. Palitan natin, di ho ba? Pero ‘yan, nakuha ko ‘yan sa PNP report eh.

Hindi ito ‘yung mananaig si Mar, mananaig si Digong. Ano ba ang datos? Ano ba ang facts? Kasi batay sa facts, doon tayo makakakilos nang tama.

Kung iniisip natin na wala palang krimen, pero talagang nangyayari, e hindi natin matutugunan ang pangangailangan ng mga kababayan natin. Ganoon din sa kahirapan. Kung sasabihin natin na walang kahirapan sa ating bansa eh talaga namang may kahirapan—eh papaano natin lulutasin itong problemang ito kung hindi natin titignan ‘yun datos.

Everybody is entitled to their own opinion. But there are only one set of facts. ‘Yung facts, ‘yan ang katotohanan. Kung anuman ang opinion mo sa katotohanan, inyo ‘yon.. Pero kung ano ang katotohanan, ‘yun at ‘yun din lang ‘yun.