Speech of
Mar Roxas
at the Liga ng mga Barangay General Assembly
Marriot Hotel, Pasay City
[September 29, 2015]

 

Maupo po tayong lahat.

Magandang-magandang umaga po sa inyong lahat. Maayong aga sa atong mga kasimanwang Ilonggo. Maayong buntag sa mga Bisaya. [Palakpakan] Maimbag na umaga sa mga Ilokano. Dios marhay na banggi or aldaw sa mga Bikolano. Ayun sila. At lalong-lalo na doon sa mga pinakamalayong sulok nitong bulwagang ito, magandang-magandang umaga po sa inyong lahat. Good morning! [Palakpakan]

Talaga namang nakaka-impress. First time ko po na pumasok dito at first time ko rin na makita itong hall na ito, na ganoon pala kalaki ito, na wala nang iba na makakapagpapuno nito kung hindi ang Liga ng mga Barangay. Congratulations po sa Liga ng mga Barangay. [Palakpakan]

Sa president, ang ating pangulo, Ed Abesamis, palakpakan po natin si Kuya Ed. [palakpakan] Mabuti ka pa Ed, presidente ka na. [Tawanan] Balang araw ay mapantayan din kita. [Palakpakan at hiyawan]

Sa ating Secretary General na talagang napakasipag, Jun Zuniga, palakpakan po natin. [Palakpakan]

Siguro ngayon ay talagang pumuputi ang buhok nito at nalalagas kung papaano babayaran… Ang dami nito. Ang ating National Treasurer, si Lally Tayag, palakpakan din po natin. [Palakpakan]

One, two, three, four, five, six, seven, eight, nine, ten—sampu sa bawat lamesa. One, two, three, four, five, six, seven—sitenta ang bawat row. One, two, three, four, five, six, seven, eight, nine—siguro ano to, tatlumpu, tatlumpu. Thirty times seven, 210, times ten—2,100. Siguro meron pang nakatayo dito—3,000 barangay captains and officials dito sa bulwagang ito. [Palakpakan]

Grabe, talagang ngayon lang ako nakakita nito. Very, very impressive. Palakpakan po natin ang pamunuan ng Liga Ng Mga Barangay sa ating bansa. [Palakpakan]

Magkano ba ang bawat isa nito? [Tawanan] Ang registration fee dito, kasi hindi ko alam kung ano diyan sa likuran ha, pero dito sa presidential table, dalawang tinapay na pandesal lang ang nasa platito rito. [Tawanan] Iyan lang ang nakikita rito, e sana naman ay ensaymada naman diyan sa likuran. [Tawanan]

Sa ating mga kasama sa pamunuan sa Liga ng mga Barangay, Gerard Ramiro, Vice President for Mindanao, palakpakan po natin. [Palakpakan] Alam n’yo po, ‘yung mga taga-Mindanao, lumipad pa iyan patungo rito. At medyo malayo iyan kahit pa may advance ticketing ay mahal-mahal din iyan. Hindi sila tulad ng mga taga-Capiz na kahit lipad ang pinag-uusapan, [tawanan] sa amin, libre eh. Basta gabi. [Tawanan] Hindi kami puwede sa umaga. Gabi lang kami lumilipad. Kaya para sa amin, libre, para sa mga taga-Mindanao ay medyo malayo. Mga sampung libo, one-way, di ba, Gerard? Kaya palakpakan natin ang mga taga-Mindanao! Malaking bagay, malaking biyahe para sa kanila ito. [Palakpakan]

Ang ating pangulo for Region II, Benedict Chai, palakpakan din po. [Palakpakan] Pangulo for Region IV-B, Abelardo Pangilinan, palakpakan din po. [Palakpakan] Sa mga Bikolano, for Region V, Nelson Mariana, palakpakan din po. [Palakpakan] Region VII, si Tining Martinez, palakpakan din po. [Palakpakan] Region X, Romy Romualdo, palakpakan din po. [Palakpakan] And sa CAR, Michael Lauanan, palakpakan din po. [Palakpakan]

Medyo madami ‘to, kung tatlong libo ang babatiin kong mga kapitan dito, baka maubos ang oras natin. At sa lahat po ng bumubuo ng LMP, magandang-magandang umaga at maraming-maraming maraming salamat sa inyong imbitasyon na makasama dito sa talagang first-ever na nakita ko, talagang nakaka-impress, na komperensiya ng Liga Ng Mga Barangay sa ating buong bansa. Maraming salamat po sa inyong lahat. [Palakpakan]

Nagpapasalamat po ako dahil kung tatlo, siguro tatlo o apat na linggo bago lumipas ay SILG pa rin ho ako, pero ngayon ay ordinaryong mamamayan. Kaya nagpapasalamat ako na hindi po ninyo ako nakalimutan, at noong naimbitahan po ninyo ako noon, hanggang sa ngayon, imbitado pa rin ho ako at welcome pa rin ho ako dito sa samahan ng mga Liga ng mga Barangay. [Palakpakan]

At lalong nagpapasalamat ho ako sa inyong lahat sa pakikisama, sa pakikitungo, sa pakikiisa, at pagkakaisa na ipinakita po ninyong lahat habang ako po ay nanungkulan bilang SILG. Kilalang-kilala ko po at pinapahalagahan ko po na kayo talaga ang mga frontliner ng ating pamahalaan. Walang tagumpay, wala pong tagumpay ang pamahalaang national kung hindi rin po matagumpay ang ating mga kabarangay. Mabuhay ho kayong lahat. [Palakpakan]

Lahat ng problema, kayo ang unang hantungan. Kahit pa away mag-asawa, kayo ang pinupuntahan, ‘di ho ba? Kung sa panahon ng sakuna, panahon ng pangangailangan, kung maulan masyado at bumabaha, kung matuyo masyado at nage-El Niño, kung may—sa Ilonggo […], kung may nanganganak, kung ano ang pangangailangan; si kapitan at ang mga kagawad, mga tanod, ang buong barangay structure ang siyang pinupuntahan, tinutulungan, at talagang inaasahan ng tulong ng ating mga kababayan. At masasabi ko pong, masasabi ko po, na hindi po kayo nagkulang. Nandiyan po kayo. Hindi n’yo sila tinatalikuran. Iyan po ang ugali ng isang bayani. Mabuhay po kayong lahat na siyang nagsisilbi sa ating mga kababayan! [Palakpakan]

At ‘yan po ang paksa na nais kong tunghayan ngayong umagang ito. Hindi po mahaba ang ating pagbibigay mensahe—’yung pagbibigay serbisyo. Kayo po ang makakapagsabi na kung iisipin natin kung saan tayo nagmula five years ago, kung iisipin natin at maaalala natin ‘yung environment ng pangungurakot, ng kasinungalingan, ng panglilito, panglilinlang, at ikumpara natin sa ngayon, palagay ko, kayo mismo ang makakapagsabi na malayo na ang narating natin at malayo na ang pinagkaiba, malayo na ang pagbabago na natatamasa natin sa kasalukuyan. Kayo mismo ang makakapagsabi dahil kayo ang nakakakita, kayo ang nakakaranas, kayo ang nakakadama ng mga pagbabago na natatamasa natin sa ngayon.

Bigyan ko po kayo ng isang halimbawa. May isang batang-bata, si Lisley Abella. Si Lisley po ay nasa kolehiyo ngayon. Kawawang-kawawa po itong pamilyang ito. Siya po ay isang matalinong mag-aaral na kinailangan tumigil sa kanyang pag-aaral. Ang kanyang nanay ay isang tindera— wala pa ngang pwesto sa palengke, nasa kalye lang. Ang kanyang ama ay gumagawa ng hollow blocks, niluluto sa init ng araw. Kung minsan may trabaho, kung minsan wala. Ang pag-aaral ni Lisley ay pabugso-bugso. Kung minsan nakakapasok siya, kung minsan hindi. Hanggang sa dumating ang isang programang tinulungan siyang makapag-aral.

Hanggang dumating ang programa natin na 4Ps. Sa pamamagitan ng 4Ps, si Lisley at ang kaniyang pamilya ay nabigyan ng isang konkretong paraan na makikita nilang maka-graduate si Lisley at ang kanyang mga kapatid. Anong nangyari kay Lisley? Si Lisley nag-graduate sa Dumaguete City High School, valedictorian. At ngayon, tinanggap siya bilang iskolar sa Siliman University. […] ‘Yan ang istorya ni Lisley. At ‘yan din ang istorya ng apat at kalahating milyong pamilya, apat at kalahating milyong pamilya, sa ating bansa na kung saan ang bawat isa na mga pamilya na ‘yan ngayon nabibigyan ng konkretong paraan—hindi sa laway, hindi sa tarpaulin, hindi sa photo opp—pero konkretong paraan na makikita nilang makakapag-graduate ang kanilang mga anak. Kaya kung sinasabi natin na ang edukasyon ang tulay sa mas magandang buhay, ‘yang 4Ps na ‘yan, ‘yang paraan na ‘yan na makapag-graduate ang ating mga kabataan, ‘yan ang nagpapatotoo sa pangarap ng bawat pamilya at yan ang bunga na ginagawa ng ating sambayanan noong tayo po ay tumahak sa Daang Matuwid. Mabuhay po kayong lahat! [Palakpakan]

Hindi po lingid sa kaalaman ninyo. Sigurado ako na bawat isa sa inyo ay nakakakilala ng isang pamilyang tulad ng pamilya ni Lisley. Pamilya na ngayo’y nagkaroon na ng pag-asa. Kung dati-rati, galing sa pangungurakot, galing sa maling pamumulitika, ‘yung baluktot na pamumulitika, ‘yung transactional na sinasabi, kung dahil doon nawalan na tayo ng pag-asa; ngayon, ang bawat isang pamilya na ‘yan na nasa 4Ps ay nagkakaroon na ng pag-asa at nagiging hawak-kamay na nila ang kanilang kapalaran.

Dalhin naman po natin sa larangan ng kalusugan. Dati-rati, bungi-bungi, kulang-kulang hindi pantay-pantay ang tulong na nagmumula sa PhilHealth. Marahil kayo mismo—mga kapitan, mga barangay officials—pinupuntahan, iniiyakan ng inyong mga kababayan. “Kap, nagkasakit, wala kaming pantustos, puwede bang makasama sa PhilHealth?” Tama? [Mga tao: Tama!] Eh kung si kap ‘di kasundo ni mayor, papaano na? Tama? O kaya si kap di kasundo ni Congressman o ni Governor, ano mangyayari sa kababayan natin. Kawawa naman.

Ano ang programa natin ngayon? Nilahat natin ang Philhealth. ‘Yung tinatawag na point of care. Rehistrado man o hindi, pumasok sa government hospital o sa government health facility, automatic Philhealth ang sasagot sa kanilang gastusin hanggang sila ay gumaling mula sa kanilang karamdaman. [Palakpakan]

Walang pinili. Hindi tinanong kung ano ang tsaleko na suot ng tao. Hindi tinanong kung sino ang binoto. Hindi tinanong kung sino ang nanalo sa barangay o sa bayan na [pinagmulan] ng pasyente. Lahat ng Pilipino nagkaroon ng pantay-pantay na laban para makatanggap ng tulong mula sa kanilang pamahalaan. Iyan ang tatak ng Daang Matuwid. Maraming salamat sa inyong lahat. [Palakpakan]

Nadinig natin ngayon sa BUB—I’m sure narining na ninyo ang BUB, Bottom-up Budgeting. Tama? Bottom-up Budgeting, ganoon din po. Lahat ng bayan, 1490 na bayan sa ating buong bansa, pantay-pantay, walang pinili, walang inuna, walang hinuli, walang naiwanan. Pantay-pantay. Lahat sila ay mayroong 12 hanggang 15 milyong pisong programa’t projects na popondohan ng national government. Para makasiguro tayo na kahit ano pa ang tsaleko ni mayor, kahit ano pa ang partido ni Congressman, kahit ano pa ang pulitika local sa lugar na iyon—lahat ng bayan sa ating buong bansa ay nagkaroon ng minimum level of development na dagdag doon sa IRA noong unang pinondohan ng national government. Pantay-pantay, walang pinili, walang tigil-tigil; lahat ng Pilipino pantay sa Daang Matuwid. Maraming salamat sa inyo tulong. [Palakpakan]

At malaki ang tinulong ng Liga ng Barangay sa BUB project na iyan. I’m sure alam na alam ninyo ‘yong project UBAS, hindi ho ba? Tama? Ugnayan ng Barangay at Simbahan. Ang ginawa natin ay gumawa tayo ng partnership. Si Cardinal Tagle ang kausap namin ni Presidente Aquino, at kung saan ‘yung buong simbahan magiging partner ng mga barangay officials para masiguro na lahat itong mga projects na ito, una, ay dumadating, nagagawa ng tama, mabilis, matibay, at sa tamang halaga. Kaya napakalaki po, kasama ang simbahan sa pagbantay. Malaking halaga po ito P22 bilyong itong BUB na ito na ipinimahagi sa lahat ng bayan sa ating buong bansa, at kayo, kayo ang nagbabantay niyang P22 bilyong na iyan ay ginagastos sa tama. Maraming maraming salamat sa ating mga barangay officials. [Palakpakan]

Kaya mga kasama sa Liga ng mga Barangay, iyan po ang aking mungkahi. Mungkahi sa inyo, at imbitasyon na rin ngayong umagang ito. Kayo mismo makakapagsabi. Kayo mismo nakaranas na, nakakita na o nakadinig na ng mga konkretong halimbawa ng tagumpay, ng katas o bunga ng Daang Matuwid. Marami na ang narating natin. Alam ko na alam ninyong lahat na mas malayo pa mararating natin dahil hindi pa po tapos ang laban. At hindi matatapos ang laban habang mayroon pang mahirap na pamilya na naghihikahos sa ating bansa.

Magsama-sama po tayo. Magtulong-tulong po tayo. Patibayin natin. Palakasin natin. Ituloy natin at palawakin natin ang Daang Matuwid. Maraming-maraming salamat. [Palakpakan]

Mabuhay ang Liga ng mga Barangay! At sa inyong lahat po, maraming-maraming-maraming salamat sa inyong pagtangkilik, sa mainit ninyong pagtanggap, at pati na rin sa inyong mga welcome noong ako po ay DILG, nag-iikot po ako, napakaganda po, napakatamis ng inyong pagtanggap sa akin. Maraming-maraming salamat po sa inyong hospitalidad at inyong pinakitang kagandahan. Hindi ko po ito makakalimutan. Maraming salamat. Magandang umaga sa ating lahat. [Palakpakan]

______________________________________________