Speech of
Mar Roxas
at the National Unity Party’s 2nd Annual National Convention
Sofitel Philippine Plaza, Pasay City
[September 28, 2015]

Madamo gid na salamat sa akon kaupud nga aswang, [tawanan] Congressman Fred Gugma Castro. [Palakpakan] Thank you for your very enthusiastic introduction.

Alam mo, Cong. Fred, hindi ko alam na kung pag-akyat dito, gagamitin ko ang hagdanan or magle-levitate na lang ako para mapatunayan talaga na may mga aswang doon sa atin sa Capiz. [Tawanan] Pero para hindi mabigla ‘yung ating mga bisita ay minarapat na lakarin na lang ang pag-akyat dito sa entablado. Thank you very much, Cong. Fred, for your kind and gracious and enthusiastic introduction. Palakpakan po natin, Cong. Fred Castro. [Palakpakan]

Chairman Robby Puno, who was here earlier, palakpakan—ay, there you are; Governor Eddie Bong Plaza, ang ating Vice Chairman; [Palakpakan]Governor Abet Garcia, presidente ng NUP; [Palakpakan] Cong. Pidi Barzaga, Vice President for External Affairs; [Palakpakan] Cong. Karlo Nograles, Vice President for Internal Affairs; and of course, ang pinakamahalaga, ang tresurero ng ating partido,  Cong. Anton Lagdameo, palakpakan din po natin. [Palakpakan]

To all the other officers and members of the Central Committee, members of the House of Representatives; governors; mayors; vice mayors; barangay officials; councilors; party-list representatives present; friends, ladies and gentlemen:

Magandang-magandang hapon po sa inyong lahat at maraming-maraming salamat sa imbitasyon po ninyo ngayong hapong ito.

Alam n’yo po, para sa atin na sanay tumayo sa entablado, may karanasan na magbigay talumpati, parati nating tinitimbang o tinitignan kung nakumbinsi na ba natin ang mga nakikinig sa atin. Kaya laking tuwa ko po na makita na punong-puno ang ating hall ngayong hapong ito dahil ibig sabihin, hindi pa po kayo nakukumbinsi ng mga naunang nagsalita sa akin. [Hiyawan at palakpakan]

Okay ba ‘yun? [Mga tao: Okay!] Kasi kung kumbinsido na, e di umalis na, di ba? Tama?  E lahat naman tayo nakaranas na iilan na lang ang natitira sa entablado at saka sa audience, at tatanungin natin, “Naku! Kokonti na lang! Kailangan pa bang kumbinsihin ‘to?” E sasabihin, “Of course kumbinsihin mo!” Hanggang sa dulo, ang tatanungin ay, “Eh baka naman ito ‘yung may-ari ng sound system, hindi na kailangang kumbinsihin, inaantay na lang na matapos.”

So natutuwa ako na nandito pa rin kayo at sa kahit anong paraan ay pinapahiwatig ninyo, pinaparamdam ninyo na “ano kaya ang sasabihin ni Mar at baka doon kami makumbinsi sa kung saan kami papanig sa darating na halalan?” Maraming-maraming salamat sa inyong paanyaya. [Palakpakan]

Nagpapasalamat din ako dahil talaga namang class na class itong inyong kumbensyon. Talaga namang ‘yung mga ibang partido, kasama na ‘yung amin, ay hindi po ganito ka-class. Kaya talagang ito ang aming ipapangarap sa susunod naming kumbensyon.

Maraming salamat, talaga namang ang NUP nagpapakita na talagang masigasig at talagang maganda ang takbo ng partido.

Mga kaibigan, mga kasama sa pagiging lingkod-bayan, mga kasama ng NUP: Hindi ito ang unang pagkakataon na tayo ay nagkita, nagsama. In fact, noong mga nakaraang linggo at buwan ay nag-usap din tayo. At siguro, doon ako magsisimula sa aking pagbibigay mensahe ngayong hapong ito. Noong okasyon na ‘yun na pinuntahan ng inyong mga congressional leaders, gubernatorial leaders, and other senior public officials, nabanggit ko ‘yung pagbibigay respeto. At diyan masasabi ang isa sa mga tatak ng Daang Matuwid na kinalalagyan nating lahat ngayong mga panahon na ito. Pagbibigay respeto sa bawat partido na kung saan kayo mismo, kayo mismo makakapagsabi na hindi  inargabyado, hindi napagpilian, hindi ni-raid, hindi sa kahit anong paraan pinerwisyo ang NUP nitong limang taon na pamumuno ni Pangulong PNoy. [Palakpakan]

Masasabi po na sa lahat ng bagay kung pag-uusapan po ang BUB, lahat po ng bayan sa buong Pilipinas, siyento porsyento, 1,490 municipalities; lahat po ng siyudad sa Pilipinas, 140 cities—lahat po pantay-pantay nagkaroon ng BUB project na hindi tinanong [kung] ano ba tsaleko na suot ng political leadership sa lugar na ‘yon. Hindi tinanong nanalo ba o natalo si Mar o si Noynoy sa lugar na iyan. Hindi tinanong kung saan sila papanig o pumapanig o kumikiling sa darating na halalan. Pantay-pantay po ang pagtingin sa lahat ng bayan. Pantay-pantay at may respeto ang pagtingin sa lahat ng partido at sa lahat ng pamunuan sa ating buong bansa. ‘Yan po ang tatak ng Daang Matuwid. [Palakpakan]

Noong tayo po ay nagsimula… and by the way, when I say “tayo,” hindi po ito pamumulitika lang o matatamis na salita lang. Tingin po namin talaga na tayo lahat ang bumubuo ng tagumpay na natatamasa at nakikita natin sa mga panahon na ito. Noong tayo po nagsimula noong 2009, ‘yung kabuuang budget for capital outlay ng ating bansa was approximately P170 billion. Itong taon na ito, ang budget na ipinasa kasama ang NUP congressmen, P580 billion. In short, times three. [Palakpakan] At ‘yan po, kayo mismo, lalong-lalo  na ‘yung ating mga kababayan, mga kasamahan na nanggagaling sa probinsya, kayo mismo makakapagsabi na nakikita po ninyo, nararanasan po ninyo, nadadama po ninyo ang epekto nitong mga capital outlay na ito sa ating buong bansa, na hindi tinatanong kung sino ba at ano ang partido na umiiral sa lugar na iyon.

Noong tayo po ay nagsimula nong 2009 hanggang sa 2010, ang bilang po ng mga nakikinabang sa 4Ps ay 800,000 lamang. At kung titignan ang trajectory ng bilang na idagdag, siguro sa loob ng anim na taon, ang projection ay dodoble na po ito. Ngayon po, itong taon na ito, 4.5 milyong pamilya na po, in other words, times five mahigit ang kabilang sa 4Ps. At ‘yan po, hindi tinatanong kung ano ang kanilang tsaleko, ano ang kanilang partido, sino ang nanalo, o sino ang natalo sa kanilang lugar. Mahirap sila, may anak sila na nasa paaralan, pasok sila sa mga batayang prinsipyo na bumubuo ng 4Ps program, lahat nitong mga kababayan natin na ito ay naging kabahagi ng 4Ps program. At kasama kayo, kasama ang NUP sa paghuhubog nitong programang ito. Maraming salamat sa tulong ng NUP. [Palakapakan]

Dumako naman po tayo ngayon sa PhilHealth. Dati-rati, iilan lang ang nakakasama o nagbebenepisyo sa PhilHealth. Ang NUP, sumama at tumulong sa pagpasa ng ating reforming of the sin taxes na kung saan nabigyan ng pera ang Department of Health, nabigyan ng pera ang PhilHealth, at ngayon ang suma total na ginagastos ng PhilHealth bilang sa pagtugon, bilang sa pagtustos ng mga pangangailangan ng mga nasa ospital, ng mga nangangailangan ng health care ay humigit kumulang P75 bilyong na po sa isang taon. Kasama kayo sa paggawa nitong benepisyo na ito. Maraming salamat sa PhilHealth at maraming salamat sa NUP na bumoto para sa programang ito.

Nabanggit ko po itong tatlong programa bilang mga halimbawa kung papaano magka-partner ang Liberal Party, ang Daang Matuwid, at kung ano ang pagtingin namin sa inyo bilang aming mga partners sa paghubog, sa pagbalangkas, ng kinatatayuan natin sa panahong ito. Lahat ito ay hindi naman nangyari na basta-basta na lang. May kasabihan: The future just doesn’t happen by itself. Ang magandang bukas ay hindi basta-bastang nangyayari na lang; ang magandang bukas ay pinagtratrabahuhan, ang magandang bukas ay pinagsasakripisyuhan, ang magandang bukas ay pinagtutulungtulungan ng sambayanan na naniniwala na itong magandang bukas na ito ay siyang karapat-dapat para sa atin dahil itong bukas na ito ay naglalaman ng ating mga pangarap. Mga pangarap ng 100 milyong Pilipino—100 milyong Pilipino na nagnanais lamang na mamuhay na may dangal, na kung kumayod sila, aasenso sila. Na kapag may nangyaring masama sa kanila o kapag may nakita silang nangyaring masama, mapaparusahan at mapapanagot ang mga nagkasala. Na kung may pinangarap sila para sa kanilang mga anak, sa kanilang mga salinlahi ay mayroong paraan na makakamit nila ito para sa sarili. Paraan na makatarungan, paraan na malinaw, at paraan na kung saan hawak nila ang kanilang kapalaran. ‘Yan po ang ating pinatutunguhan. ‘Yan po ang Daang Matuwid na siyang kinabilangan po ninyo nitong nakaraang anim na taon. ‘Yan po ang paraan kung paano natin mararating ang magandang bukas na lahat tayo, lahat sa atin, ay nagnanais na ihatid sa ating mga kababayan.

Kaya malakas ang loob ko po na tumayo dito sa harapan po ninyo at sabihin at magbigay ng buong respeto sa inyong partido, sa inyong samahan, at hingin, parang sa pamamanhikan—hingin ang inyong matamis na OO sa pagpapatuloy ng Daang Matuwid sa darating na 2016. [Palakpakan]

Hindi po magiging madali itong laban natin na ito. Pero alam ko po, panatag ang kalooban ko na nasa puso ng bawat isa sa inyo, lahat tayo na tumayo sa isang entablado tulad nito, tumayo sa harap ng isang mikropono at humarap sa ating mga kababayan. Lahat tayo nagsabi, may magandang bukas na gusto kong ihatid sa inyo. Lahat tayo may sinseridad noong sinabi natin ‘yan.

This is not just about power. This is not just about ego. This is not just about kung sino ang hari-hari sa aming lugar This is also about our dream and our hope na alam ko na nasa puso ng bawat isang lingcod-bayan dito sa kombensyon ninyong ito. Ang ating pangarap na may saysay ang ating pagsisilbi; na maiwan natin sa mas magandang kalagayan kaysa nadatnan ang ating mga komunidad. Na matapos ang ating panahon sa panunungkulan, masasabi ng mga kababayan natin, “Maganda naman ang pagserbisyo ng tao na ‘yan. Guminhawa ang aming buhay, nagkaroon ng mas mataas na antas ang pagsisimula ng aming mga anak kumpara sa kung saan kami nagsimula.”

Alam ko na iyan ang nilalaman ng inyong mga kalooban, na ang inyong pagsilbi ay hindi maging  paglipas lang ng panahon. Na tatlong termino, tapos maghahanap ng ibang tutuntungan na naman. Alam ko na sa loob ninyong lahat, nais ninyong maging makabuluhan, na maging kapaki-pakinabang, na nakatulong kayo sa inyong mga kababayan.

Kaya pakiusap po naming: Sama-sama, tulong-tulong po tayo. Ipagpatuloy natin ang ating magandang nasimulan na. Ipagpatuloy po natin ang Daang Matuwid na kinabahaginan po ninyo nitong nakaraang limang taon. Patibayin natin ito, palawakin natin ito, at maging kaginha-ginhawa ang ating pagserbisyo sa ating mga kababayan.

Maraming-maraming salamat po at magandang hapon sa inyong lahat! [Palakpakan]