Pinarangalan ng pambato ng Daang Matuwid na si Mar Roxas ang mga opisyal ng mga barangay bilang mga “bayani” ng Daang Matuwid dahilan sa pagiging “frontliner” nila sa paghahatid ng serbisyo sa kanilang mga kababayan.

“Kilalang-kilala ko po at pinapahalagahan ko po na kayo talaga ang mga frontliner ng ating pamahalaan. Nandiyan po kayo, hindi n’yo sila tinatalikuran. ‘Yan po ang ugali ng isang bayani,” wika niya sa humigit 3,000 na delegado na dumalo sa naganap na General Assembly ng Liga ng mga Barangay ng Pilipinas sa Marriott Grand Ballroom nitong Martes (Sept. 29).

Para kay Roxas, ang mga opisyales ng barangay ang unang saksi sa epekto ng mga programa ng gobyerno tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Bottom-Up Budgeting (BuB), at PhilHealth.

Ibinida rin ni Roxas ang mahusay na pagganap ng mga barangay sa programang Ugnayan ng Barangay at Simabahan (UBAS), kung saan sila ang nangungunang tagapagbantay sa pag-usad ng mga proyekto ng pamahalaan.

“Kayo mismo ang makakapagsabi na malayo na ang narating natin at malayo na ang pinagkaiba. Malayo na ang pagbabago na natatamasa natin sa kasalukuyan,” aniya.

Muli ring ipinahayag ni Roxas ang kanyang plataporma na ipagpatuloy, palawakin, at patibayin ang mga nasimulang programa at pagbabago sa administrasyon ni Pangulong Aquino.

“Lahat ng Pilipino nagkaroon ng pantay-pantay na laban para makatanggap ng tulong mula sa kanilang pamahalaan. Iyan ang tatak ng Daang Matuwid,” ani Roxas.

Nagpasalamat din ang dating kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) dahil kinikilala pa rin hanggang ngayon sa mga barangay ang kanyang mga nagawa sa ahensya, bagaman nagbitiw na siya sa gabinete upang maghanda sa darating na halalan.

Tiniyak din ni Roxas na magiging malinis at tapat ang darating na halalan upang protektahan ang interes at kinabukasan ng milyon-milyong Pilipino.

“Ipaglalaban ko ang tapat at malinis na halalan,” ani Roxas.

Inaasahan rin ng dating kalihim na higit na mapapaigting ang laban sa kahirapan kung ipagpapatuloy ng mga opisyal ang Daang Matuwid sa bawat barangay ng bansa.

“Hindi matatapos ang laban habang mayroon pang pamilya na naghihikaos sa ating bansa,”  pahayag ni Roxas.

“Magsama-sama po tayo. Magtulong-tulong po tayo,” aniya. “Patibayin natin, palakasin natin, ituloy natin at palawakin natin ang Daang Matuwid!”