Speech (and Q&A) Of
Mar Roxas
at the Kompre Event in Nueva Ecija
Cabanatuan City, Nueva Ecija
[September 22, 2015]

Maraming-maraming salamat kay Ginang Irma Cecillo [?]  sa iyong napakakumpletong pagpapakilala sa atin. Palakpakan po natin ang ating convenor, si Ma’am Irma Cecillo. [Palakpakan]

Binabati rin po natin ang ating dalawang nagbigay ng testimonials: Tatay Romulo Alejandro sa Office of Senor Citizen Affairs ng Quezon, bayan ng  Quezon. Magandang umaga po sa inyo. And of course sa, mula sa Kabalikat Civicom na talagang kabahagi ng pagiging lingkod-bayan, si Alex Driz, na nagbigay din ng kanyang testimonial. Sa lahat po ng mga grupo na andito ngayon. May Kompre, may Akbayan, may Tau Gamma, Tropang Marangal, Kiwanis, Soroptimist, Knights of Columbus, Yes to Mar,  at sa inyong lahat po, sa ating mga kababayan:

Magandang-magandang umaga po at mabuhay po kayong lahat. [Palakpakan]

Alam n’yo po ay na-touch talaga ako sa pagpapakilala sa atin ni Ma’am Cecillo kung saan kilala, tanyag, ang kanyang pamilya sa pag-aalay ng kanilang mga gawain para sa kapapakanan ng ating bansa. Kaya malaking karangalan ito para sa akin na kayo po ang nagpakilala sa akin. Thank you very much for that. [Palakpakan]

Alam n’yo po ay nakikita ko po kayong lahat dito. Nadinig po natin ang dalawang testimonials at marahil mayroon pang ibang testimonials na ginanap bago pa ako dumating dito, At doon lang po sa listahan ng mga grupo na bumubuo nitong pagpulong na ito ay palagay ko nasa tama naman o hindi  ako malayo sa katotohanan kung sabihin ko po na medyo kumbinsido na po kayo, ‘di ho ba? [Palakpakan]

In fact, naaalala ko mayroong isang kuwento. Alam n’yo kami po, sanay na tumayo sa entablado at saka magbigay ng mensahe, parati naming naaalala itong kuwentong ito na kung saan mayroong pagpupulong tulad nito. Eh medyo na-late ako, so marami pang nakapilang magsasalita bago ‘yung turno ko. So noong simula, punong-puno ang bulwagan tulad nito—punong-puno. Nagsalita yung isa, dalawa, medyo ‘yung kalahati umalis na. Nagsalita ‘yung isa o dalawa o tatlo pa, kalahati muli na naiiwan ay umalis na. So tinanong ko sa organizers. Sabi ko, “Baka maubusan ho tayo.” Sabi ng organizer, “‘Wag ka mag-alala. Kumbinsido na iyong mga iyong mga nauna; nakumbinsi na iyon. Saka, itong mga natitira rito, ito ‘yung mga kailangan pang kumbisihin.” [Tawanan] “Huwag kang umalis. Huwag kang mawlan ng loob.”

So hanggang natapos na lahat ng magsasalita na turno ko na. Noong dumating na ang turno ko, sa 20 mesa, na tulad nito na punong-puno ng tao, iisang mesa na lang ang natitira. [Tawanan] Iisang mesa nalang. Lima ang nakaupo. Sabi ng tagapagpakilala, sabi niya, “‘Yan, sige, Mar! Turno mo na ito. Kumbinsido na lahat ng 19 na lamesa. Itong panghuli kailangan mong kumbinsihin ito. So, sige nandito na rin lang naman tayo. Kumbinsihin natin! Nagbigay tayo ng mensahe, ng istatistika, may presentasyon. Sa mga matapos ang mga lima, pitong minuto, iyong dalawa, mag-asawa—lima na lang natitira, ‘di ba? Iyong dalawa, tumayo at umalis. Kumaway naman. Kumaway naman din naman ako. [Tawanan] Sabi ng MC, “Okay na. Nakumbinsi mo na rin sila.” [Tawanan]  Tatlo na lang.

So sige,Tatlo. Limang minuto muli. ‘Yung isa tumayo, umalis. Kumaway din. Aba! Very polite. Eh ‘di nagkawayan kami. Isa, dalawa na lang [ang] kailangan kumbinsihin. Nang matapos ang 15 minuto na pagbibigay ng mensahe, pagbibigay ng istatistika, programa de gobyerno, plataporma, ganoon; naisip ko na natungin na lang sila kung ano ang problema. Hindi ba sila nakukumbinsi?

Sabi ko, “Mawalang-galang na po. Nadinig niyo naman po lahat ng tagapagsalita dito. Laninlimang minuto na ako dito na nagbibigay ng istatistika, presentasyon. Ano ho ba ang dahilan na hindi pa kayo kumbinsido?” Sabi ng isa, “Aba’y matagal na akong kumbinsido! Iyan ang dahilan kung bakit pinahiram ko ‘yung sound system dito na ginagamit mo.” [Tawanan] “Inaantay ko lang na matapos ka.” [Tawanan]

So kumbinsido na rin pala siya. ‘Yung katabi niya na lalaki din. Sabi ko, “Sir, kayo naman po, bakit hindi pa kayo nakukumbinse?” “Ay, talagang kumbinsido na ako! Ako ‘yung driver niya.” [Tawanan] “Hindi ako makaalis hanggang matapos ka. Liligpitin namin ang sound system.”

So iyon lang. Naalala ko iyong kuwento na iyon dahil, ayan may sombrero na “Yes to Mar,” “Huwag Magnakaw.” ‘Yung iba’t ibang mga samahan dito ay medyo kasama na natin sa Daang Matuwid na tinatahak natin ngayon. Totoo, hindi? Kumbinsido na ba? [Palakpakan]

Kaya palagay ko malaking aksaya sa panahon n’yo na kukumbinsihin ko pa kayo lalo. Kaya kung mamarapatin po ninyo na gamitin natin itong pagkakataon na ito para magkaroon ng mas malawak na dialogo. Imbis na kumbinsihin ko pa kayo lalo—eh kumbinsido na kayo eh. Tama? [Mga tao: Tama!]

So, kung okay sa inyo, mamimili lang ako ng tatlo, apat, na tatanungin lang natin. Okay na tayo sa Daang Matuwid. Okay na tayo. Pero sana, eto pa, kung anuman iyon. Okay? Okay ba ‘yon? [Mga tao: Opo!] Kasi sa totoo lang, wala naman nagsasabi—hindi si PNoy, hindi ako—walang nagsasabi na perfect na, na nasa paraiso na tayo. Ang sinasabi natin ay malayo na ang narating natin. Marami na ang natulungan. Marami na ang nakaranas ng pagkalinga, pag-aruga ng pamahalaan. Pero kailangan pang ituloy ito. Tama? [Mga tao: Tama!]

Kasi, pagdating sa halalan, madalas ang sinisigaw sa entablado, “Palitan! Baguhin!” Tama? [Mga tao: Tama!] Tayo, ang paninindigan natin ay maayos ang takbo natin. Hindi pa natin nararating ang ating nais na marating, pero, marami na tayong napagtagumpayan. Malayo na ang narating natin kumpara 2009-2010 noong tayong unang nagsimula sa tuwid na daan. Tama? [Mga tao: Tama!]

Okay, so ‘yan ang basehan para lamang magkaroon tayo ng konting dialogo ay okay lang ang narating natin—halimbawa kayo, tulad ng mga testimonials ni Tatay Romulo at ng ating kaibigan mula sa Kabalikat Civicom, puwede n’yo ring ikuwento, at kung may nais pa kayong baka nakaligtaan ninyo. Di ba? O kung pagpapalawakin natin ang Daang Matuwid, isama natin ito. Tama? [Mga tao: Tama!]

O ‘yung lamesang iyon, iyong pangatlo nito. One, two, three. Pwede ho ba… Sa pagandahan ng bigote ay champion na. [Tawanan]

Q: Ah maraming salamat po sa nabanggit ng ating kagalang-galang na pangulo ng ating bayan, bansa, at ang nagawa niya sa ating pamahalaan. Malaking bagay po lalo na po sa mga senior citizen na katulad ko. Nagpapasalamat po ako ng maraming-marami sa kanya. At ngayon pong umaga, ninanais ko po na lahat tayo ay magkaisa na piliin at iboto ang dapat, manguna sa ating pamahalaan, sa ating bayan, sa ating buhay. Kaya maraming-maraming salamat po sa inyong lahat, sa pakiiisa para sa tagumpay ng ating pangulo. Magandang umaga po sa inyo. [Palakpakan]

Roxas: Tatay Boy Lopez, maraming salamat. Mukhang pati ako boboto na rin eh. [Tawanan] Kinumbinsi niya tayo eh. So, dito naman sa mga nakaberde. Oh, sinong tatayo diyan na magsasabi na malayo na ang narating natin ay maganda kung dagdagan natin ng atensyon dito. Ayan! “I’m alive, competent, responsible senior citizen.” Maganda ‘yung sinabi ni Tatay Romulo.

Q: Magandang umaga po sa ating lahat. Bilang kinatawan po kami sa Quezon, sa senior citizen, nandito po kami para po sa pakikiisa sa ating panauhin, na ika nga noong ako’y bata pa, naririnig ko na at kilalang kilala na natin si Mar Roxas. Di ba noong araw meron kayong, sir, mayroon po tayong Mr. Palengke? Siya po ang aking naging idolo noong mga panahon na ‘yun. Kaya kilalang-kilala ko po. Kaya masasabi ko lang po, tayo pong lahat, magkaisa po tayo para sa ating si Mar Roxas para po maging pangulo po natin para po sa Daang Matuwid. Maraming-maraming salamat po.[Palakpakan]

Roxas: Thank you, Kuya Ace Valdez! Palakpakan po natin. [Palakpakan]

Oh, dito naman po, dito naman po, dito sa hanay dito, may nais po bang… eto, ‘yung nakaasul.

Q: Ako si Macky [?] po ang bagong chairman ng Nueva Ecija. At ako po ay bahagi ng Empowerment, Emancipatory for People Empowerment, ang NGO po na tumutulong sa implementasyon ng CARP. Bale po sa dito po sa amin sa Nueva Ecija, ang problema po, na bibigay ko sa inyo, para po pag-upo n’yo eh maisasama sa mga programang dapat maipatupad. Alam po natin na ang Fort Magsasaysay ay military reservation area na may kabuuang 77,000 hectares, na alam naman po natin na ang kabuuang ‘yan ay hindi kayang bantayan at gamitin lahat ng military. So, sa panahong ito, sa ngayon eh marami po ang areas na hindi nila nagagamit na ginagamit ng ordinaryong tao. Ginagamit ng mga magsasaka, tinataniman at ginagawang hanapbuhay. Subalit nang naupo ang isang… syempre kasi madalas po nagbabago ang mga tao sa mga position, mga commander officer. Nang may pumalit, may masigasig na ang motto kasi po ng Fort Magsaysay ay […] ibig sabihin, alam nila kasama ‘yan sa Proclamation. Ayun ay Fort Magsasaysay, gusto nila lahat ng area kanila. Pero hindi naman nila kayang gampanan lahat. Hindi naman nila kayang tamnan. Hindi naman nila kayang gamitin. Ba’t hindi hayaan sa taumbayan, na alam naman natin ang mga tao ay seasonal lang kung kumita. Kasi, tag-ulan, wala naman pong irrigation ‘yung kabundukan, puwede ka namang magtanim tuwing tag-ulan. Sa panahon na ‘to ay pwedeng makinabang ang taumbayan na makapagtanim ng kamote, mga gulay, para makabawas sa mga suliranin natin. Sa pagkain, di mo na bibilin; kukunin mo na lang. So ngayon po, may problema doon na sa ngayon eh pilit na pinapaalis ‘yung mga taong nandoon na sa area na matagal na. Gusto nila, lisanin nila dahil kailangan na raw po. Pero kami po di kami naniniwalang kailangan. Sa lawak po ng Fort Magsaysay, 77 [thousand] hectares, hindi po nila kayang ubusin ‘yung lupain na ‘yan.

Ang amin po sana, alam po namin may proseso, idinulog na po namin sa iba’t ibang ahensiya, Nireklamo na nga po namin sa Ombudsman. Nireklamo na po namin sa CHR. Kaya lang pagkaharap na sa dialogo, ang mga pinuno eh iba ang sinasabi. Puro, “yes mam, yes sir. Sige po, papasukin po namin sila.” Pero pag natapos na ang dialogo, ‘pag wala na ang CHR, ‘pag wala na ang Ombudsman, babalik na ‘yung tao sa bukid para makapaggawa, eh hindi na naman nila papapasukin. Pahihirapan na naman nila. Kaya itong panahon na tag-ulan na ito, hindi po nakapagsaka yung mga tao. So ang amin lang po sana eh panahon ng eleksyon. I-relax naman nang konti. Di ba pwedeng kalabitin natin si Gazmin? Sabi ‘yan ang eridero eh. Hindi naman masasamang tao ‘yang mga nandiyan eh. ‘Yan eh mga kababayan mo na gusto lang mamuhay ng pansamantala. Makakuwan sa pagkain nila—makalibre nang kaunti.  Eh ba’t naman eh pipigilan pa? Eh hindi naman nila kayang ubusin yang lupain diyan. So, ang amin lang po eh baka puwedeng pagsabihan yan ating 7th Infantry Division dito po sa Fort Magsaysay, eh relax po, eh eleksyon 2016 eh. Magbabawas ng tao sila. Tayo nagdadagdag, di naman nagbabawas. Eh pagsabihan po natin. Good morning. [Palakpakan]

Roxas: Macky. Maraming salamat, Sir Maki. Connected? Oh yes, ma’am?

Q: Magandang umaga po sa kanilang lahat lalong lalo na po sa ating guest na ngayon ko lang nakita ng personal. Napakagwapo pala. [Hiyawan] Ako nga pala po si Vicky representing the Soroptimist International Cabanatuan, and at the same time, I’m also representing the Rice Millers Association of the Nueva Ecija. Pagdating po kay Boss Mar, wala po akong masabi. Siyempre po tayong lahat iniisip natin, sana po ganoon na rin na lahat tayo isipin natin ang kinabukasan ng Pilipinas: Sinong iboboto natin? ‘Wag po natin padalusdalos, pag-aralan nating mabuti. Napakaimportante po ng isang pinuno sa isang bansa. ‘Wag po tayo dun sa kung sino po ang sikat, o kanino siya galing. Tignan po natin ang walang bahid ang kanyang pagkatao. [Palakpakan] Ako po personally pinag-aaralan ko, may edad na rin ako, kung sino ang iboboto ko, hindi ‘yung ano lang, ‘yung hindi po siya na-link sa corruption. ‘Yun ang first ano po natin dapat, corruption. [Palakpakan] Matigil na ang corruption sa Pilipinas. ‘Yan po si Boss Mar. Wala pa kong naririnig. Kung ano-ano lang. Pero pagdating sa corruption, wala akong marinig tungkol sa kanya. Oras na po. Isa nga po diyan: Oras Na, Roxas Na! [Mga tao: Oras na! Roxas na!]

Pero meron din po akong gustong ihabilin sa ating future President of 2016. Bilang isa pong miller—dito po kasi sa Nueva Ecija ang amin pong pangunahing hanapbuhay is pagsasaka, rice milling, ngayon po, napapansin ko po ano na parami nang parami ang pagdating ng imported rice sa Pilipinas. Sinasabi po natin na by year 2016, tatanggalin ang sinasabing rice restriction. Magkakaroon na ng tinatawag natin na parang free enterprise kasama na ang bigas. Ngayon po, kaming mga miller dito, unti-unti nagkakaramdam na ng pagbabago, ang pagdating ng bigas, hindi lang ng NFA—okay lang po ang NFA, magbigay siya ng bigas sa atin ng murang halaga, pero po pagdating sa commercial rice o ang nag-i-import ay sinasabi nila na private; parami nang parami po, Mr. Future President. Bilang isa pong miller ng Nueva Ecija, papaano naman po kaya kami magkakaroon ng proteksyon na tama na, sobra na. Dahil hindi na lang din po ako bibili kung ako po ‘yung miller. Bibili ako ng palay, itatago ko para sa tinatawag nila na panahong wala nang ani. Pero hindi na naman po pala siya mabibili dahil dadagsa pala, kasi sasabihin po nila darating na ang panahon ang bigas ay para na rin po siyang damit, free na pumasok kahit sa ating bansa. Gaya ng ASEAN, part tayo ng ASEAN, paano po kaya ang proteksyon natin para po sa magpapalay, mga magsasakang Pilipino? [Palakpakan]

Roxas: Okay. Maganda di ba? Dalawa. Baka makalimutan ko na ang mga sinabi ni Macky at ni Vicky. Eh kung sagutin ko muna ito. Tapos, magpatuloy tayo. Ha? Anong oras ba tayo? Thirty minutes, ano? Okay. O sige.

So iiklian ko lang.

Kay Sir Macky, in principle, wala akong nakikitang mali sa sinabi mo, in principle. ‘Yun lamang, hindi ko po masasagot dahil hindi ko po alam kung ano ang plano o ano ang nasa isip ng ating Armed Forces.

‘Yung pagbabantay sa kanilang kampo, palagay ko, ginagawa lang ng kung sinong nandoon ang kanyang trabaho dahil siya naman ang mapupuna kung hindi niya sundin ang mga patakaran. Pero doon naman po sa kung hindi naman ginagamit, bakit hindi ipagamit sa iba, ay okay din ako doon. Di ba?

In fact, isa ‘yan sa tinatawag ko na “common sense.” Sentido kumon. Di ba? Common sense approach sa pamamahala. In fact, isa—baka isipin ninyong katawa-tawa ito. Hindi po. Seryoso ito, dahil sa daming beses na nakita ko itong mga halimbawang ito na parang it does not make sense. May mga ginagawa ang pamahalaan na it does not make sense, tulad po ng sinabi po ninyo na may lupain, pag-aari ng pamahalaan, hindi naman ginagamit, eh pansamantala, ipagamit muna sa iba, sa mga nais na magsaka nito. ‘Yun ang common sense eh. Di ba? Pero bakit hindi pinapagamit, ay aalamin natin.

Pero ang mas malawak na sagot dito ay isa ito sa nais kong tukuyin talaga, ‘yung common sense approach sa pamamahala. Alam nating may mga reglamento. Alam nating may mga patakaran. Pero marahil, itong mga reglamento o patakaran na ito ay isinulat sa ibang panahon na hindi na ang umiiral sa ngayon. Kailangang review-hin ito o baguhin ito o walain ito dahil hindi na nga angkop sa kasalukuyang kalagayan sa ngayon.

So maaasahan po ninyo na tatanungin po natin si Secretary Gazmin. Hindi naman basta-bastang kakalabitin, ganyan. May tungkulin din naman po ang tao, pero tatanungin po natin, merong ganitong lupain, hindi naman po nagagamit, o kung may plano man ang military, sakaling magsimula na, e di isosoli naman dahil  hindi naman ililipat ang titulo diyan sa lupa na iyan. Bigyan lang ng pagkakataon, lalo na ‘yung mga nangangailangan, mga mahihirap, na magsaka or gamitin itong mga lupain na ito habang hindi pa naman po nagagamit.

In fact, doon po sa amin sa Visayas, may malaking kampo. (Nawala dito ‘yung aide ko.) Nakalimutan ko lang ‘yung pangalan. Parang division din ito doon sa may Panay Island, sakop ng Aklan, ng Antique, at saka Capiz. So may malaking kampo din doon na meron ding mga sundalo, sundalo ito sila, na sinabi, “Gamitin natin ito. Dito tayo magtanim ng mga punongkahoy para sa reforestation.” Tapos, mahogany ata ‘yung kanilang tinanim doon. Sa loob ng sampung taon, parang puwedeng anihin. Parang pagsasaka na rin, pero ito, punongkahoy. Every ten years, kung ilang ektarya iyan, isang ektarya, kumbaga ten hectares yan, itong taon na ito, aanihin itong ektarya na ito; tatamnan ulit. Susunod na taon, ‘yung susunod na ektarya. Susunod na taon, ‘yung pangatlong ektarya, tatamnan din naman po. So matapos ‘yung sampung taon, balik sila dito sa unang ektarya, tumubo na naman ulit ‘yung unang inani nila. So parang may ganoong sistema doon eh. Ibig sabihin, may mga karanasan na o may mga halimbawa na na ‘yung mga military camps, nagamit for productive purposes ng komunidad. So palagay ko ang kinakailangan lang ay kaunting pakikipag-ugnayan at palinawagan. Kung hindi puwede dahil firing range, diyan dumadaan ang mga bala, aba’y hindi naman natin gusto na mapanganib ‘yung sitwasyon sa mga magsasaka. Kung talagang wala naman pong gamit, bakit naman hindi, di ba? So medyo common sense lang ang approach at sang-ayon tayo diyan.

Kung pwede mong ibigay ‘yung detalye, kasi sa laki, sa lawak ng lupain—anong barangay ito, anong lugar, anong coordinates—para malaman, saan ba itong lugar na ito. Kay Sir Macky ‘yan.

Kay Ma’am Vicky naman: Well, dalawa ho ang issue dito. Ipapaliwanag lang natin. Dalawa ho ang issue. Pamilyar ako ‘yung tungkol sa umiiral na El Niño ngayon. Kaya merong balita po na mag-aangkat ng palay at bigas ang pamahalaan natin dahil sa kasalukuyang El Niño, ‘yung crop ngayon na aanihin sa Nobyembre hanggang Disyembre, okay yan, kasi natanim na ‘yan. ‘Yung pinapangambahan natin ay ‘yung itatanim pa lang—Enero, Pebrero. Inaasahan kasi na maulan sa Enero, Pebrero. Kung sa Pantabangan man, kung mapuno man ‘yung Pantabangan, magbubukas sila, so ang irigasyon, dadaloy. Pero kung El Niño at walang tubig, hindi makakapagtanim ng Enero, Pebrero. So kukulangin ang palay sa Marso, Abril, na siyang panahon ng pag-ani, kung anuman ang itinanim ng Enero, Pebrero.

So ito ay ayon sa PAGASA. Sinabi ng PAGASA, may El Niño ngayon, may mapa, may nag-present noong nasa gabinete pa ako. Sa totoo lang, buong Pilipinas ay nasa mapa. Nandiyan lahat ng mga probinsiya, nilagyan ng kulay, from yellow to orange to red ng PAGASA kung saan ‘yung mga tagtuyot na lugar pagdating sa kasagsagan ng El Niño. Malalaking bahagi ng ating rice-growing region ang maaapektuhan ng El Niño. So pinaaral ng Pangulo ito sa NFA, sa Department of Agriculture, sa Presidential Adviser on Food Security, at saka sa PAGASA, sa DOST. Pinaaral niya. Pwede ba tayong mag-cloud seeding, na paramihin na ‘yung tubig sa mga dams,  sa irrigation dams? Ang sagot ay puwede tayong mag-cloud seeding, pero hindi natin makontrol ‘yung ihip ng hangin. Eh kailangan eksakto ‘yung buhos ng ulan doon sa dam. E kung lumihis lang iyan nang konti, wala rin, hindi rin maiipon.

So pinaaral ito, anyway, may atas ang Pangulo na pag-aralan din na kung kinakailangan, habang maaga pa ay mag-angkat na ng palay at bigas para masiguro natin ‘yung kakainin natin, not now, not Christmas, but next year. Kasi kung hindi tayo makapagtanim ng Enero, Pebrero, anong aanihin natin Marso, Abril?

Kung maaalala natin, 2007 ata, 2008, pumatak sa P50-55 ang kilong bigas. Di ba, 50? Fifty-eight pesos ang kilong bigas. So binabalanse ng pamahalaan ang interes ng mga millers at saka ng mga farmers, pero may interes din yung mga [consumers], na ‘yung suweldo nila, hindi naman ‘yan tataas kung nagmahal ang bigas eh. So binabalanse natin ang lahat. At diyan, palagay ko, makikita ang kahalagahan ng tamang pagpili. Dahil hindi naman natin mai-spelling ngayon lahat ng problema na haharapin ng ating bansa. Kaya pagkatao, ‘yung kakayahan na magtimbang at makita [at] mag-analyze kung ano ba talaga ang problema, at saka yung may kakayahan  na gamitin ang lahat ng kasangkapan sa pamahalaan sa lahat ng kombinasyon para ang interes ng mga producers, magsasaka, millers, at saka ‘yung interes ng mga consumers, ‘yung mga kumakain ng pagkain, ay mabalanse. Kasi kailangan nating balansehin ito.

Halimbawa, masayang-masaya ang mga consumers, bagsak ang presyo ng bigas, e lugi naman ang mga magsasaka at mga millers, hindi rin pwede dahil hindi na sila magtatanim, at talagang kukulangin ang bigas na kakainin natin. Di ba, yung sa food security natin? Kung mali naman ang pagbalanse, tuwang-tuwa ang mga magsasaka, tuwang-tuwa ang mga millers, mga traders, pero hindi naman kaya bilhin ng mga pangkaraniwang tao dahil sobrang mahal ang presyo ng bigas. So binabalanse natin ito.

In fact, naalala ko, noong ako’y DTI, noong una po ninyo akong nakilala, Mr. Palengke. Noong una po ninyo po akong nakilala, Mr. Palengke, trabaho ko ‘yun eh, naalala ko, ‘yung bigas na binebenta ng NFA noong kapanahunang ‘yon, pumapatak sa P16-18 ang kilo. Naalala n’yo ‘yun? Ayon. Tapos ‘yung commercial—maganda-ganda na ito, maputi na ito—‘yung commercial, nasa P23-25. Di ba? Naalala n’yo ‘yun?

Ngayon, ‘yung commercial ay nasa P43 na eh. ‘Yung binebenta ng NFA, nasa P22-25. Sa NFA? Twenty-seven? Depende sa sa quality. Ang punto nito ay tumaas na naman na. So medyo kumikita ang ating mga magsasaka, kumikita din naman ang ating mga nasa production side, mahalaga naman na sisiguraduhin natin ‘yung ating food security. Kasi kung walang—hindi naman puwedeng mag-noodles na lang tayo nang noodles, di ba? So ‘yun po, binabalanse po ang mga interes ng lahat.

Ngayon, ‘yan po siguro ang dahilan kung bakit nadinig ninyo na mag-aangkat o papasok ang bigas dito, kasi may mga plano naman talaga ang pamahalaan na siguraduhin yung food security ng ating bansa. So may estatistika, halimbawa, na 52 hanggang 55 porsyento ng mga kababayan natin ay naninirahan na sa urban, sa mga siyudad. Ibig sabihin, wala nang mga lupain iyan sa pagsasaka. ‘Yan ang mga nasa call center, sa siyudad, saka hindi na umaasa sa pagsasaka iyan sa kanilang kakainin.

So 48 hanggang 45 porsyento ng ating mga kababayan ay nasa rural. More or less, kalahati ng mga Pilipino ay nasa rural, kalahati ay nasa siyudad, nasa urban. So ibig sabihin, talagang kailangan nang balansehin iyan. Kasi ‘yung mga nasa rural, ang pinaghahanapbuhayan nila, ang pinagkakakitaan nila ay ‘yung pagsasaka: palay, mais, niyog, kung ano man, o pangingisda. Rural eh. ‘Yung kalahati naman, pinagkakakitaan nila ay ‘yung trabaho nila sa urban. So kailangan talaga na binabalanse iyan, na hindi mapagsamantalahan ang ating mga magsasaka, ang ating mga traders and millers, pero hindi din naman po dapat mapagsamantalahan ang ating mga konsumidor. So ganoon po iyon, balanse-balanse. Ayun po.

So there were, I think, two or three here—maybe quickly, we can get to it. Tapos, we have to… Inaantay po kami sa Talavera eh, so we have to…

 Q: Good morning po, Secretary. My name is Shey [?]. Aside from representing Tau Gamma Phi po. I’m also an advocate—child-rape survivor po ako. Child-rape survivor po ako and advocate. [Roxas: I’m sorry.] It’s okay po.

Nag-release na po ako ng book about my story. But now, i’m advocating po, sana po magkaroon ng sexual abuse prevention education. Ano po siya, ang nila-lobby ko po kasi ay ‘yung parang kay Erin Merryn sa States. Age-appropriate po siya na sexual abuse prevention education para sa mga children po, para sa mga schools. Because in reality po, when i came out in 2013, marami po ang lumapit sa akin. Some of them have been friends with me since I was seven, and they told me that they were rape victims too. So marami po kami. And most of us are just afraid to come out because of the slow justice system, because of the culture of victim-blaming and shaming in the Philippines—’yung kapag ikaw ang na-rape, ikaw pa ‘yung tatanungin, “Ano ba ‘yung suot mo? Bakit nandoon ka pa sa ganoong oras ng gabi?” ‘Yung para bang nilagay mo ‘yung sarili mo sa panganib, ganoon.  

Roxas:  Pero ‘yung sa child.  Iba yon, iba ‘yon sa child.

Q:  But I was a child.  And I was a child when I was raped, I was only seven.  I was raped from seven until I was twelve.  So, batang-bata po ako.  But yeah, I’m advocating for that po. And hindi lang po kasi mga babae ang nare-rape, pati mga batang lalaki.  And as per my research, there are two victims every hour now in the Philippines. One or two po, child, woman, lalaki na puwede maging victim all over the Philippines.  So, ‘yun po ang nila-lobby ko at saka po swift justice system and kung pwede po sana sa mga kagaya ko, affordable mental health care because we need it, we’re very, very traumatized and we will live with it for the rest of our lives.  

‘Yon lang po, salamat po, Secretary.

Roxas:  Salamat, Shey.  [Palakpakan] Shey, thank you very much for sharing.  Sa totoo lang I don’t know much about this area.  I would be happy to put you together with Sec. Dinky at saka with Brother Armin or their representatives para makabuo tayo ng isang kompletong programa para matugunan nga itong mga bagay na ito. Lalong-lalo na ‘yung sa mga kabataan, kung sila, walang kalaban-laban eh.  ‘Yan ang dahilan kung bakit nandyan tayo, mga nakakatanda, mga magulang, pamahalaan, para bantayan ‘yung mga walang laban sa buhay.

So, si Thea [Reyes], nakataas ang kamay ni Thea. Itaas mo ang kamay mo. Pakibigay mo sa kanya ‘yung email mo and then we can… Kunin mo yung email niya.

Yes sir, and then last question then I have to go. Thank you.

Q:  Magandang tanghali po sa inyo, President Roxas.

Ako po’y si Doktor Agno na naging pangulo ng Central Luzon Polytechnic College at naging pangulo rin nang isang pamatasan dito sa Nueva Ecija, naupo ring minsan bilang board of director ng NFA.

Ako po ay nagpapasalamat sa inyo dahil kamakailan lang napatunayan ko kayo ay tunay na action man.  Maraming-marami pong salamat sa inyong tulong.  [Palakpakan]  Ang aking pong gustong ipabatid sa inyo ay yung problema ng state of higher education in this country.  Tulad po ninyo, ako’y nag aral din po sa Amerika at nakita ko ang mga pamantasan doon at mga kolehiyo ay sources of new ideas and new processes.

‘Yung pong ating state colleges and universities, dapat po sila ang magbigay ng ehemplo kung paano makatulong sa bansa. Ang problema po, ‘yung mandato ng isang university, which is formation of new ideas and new processes, hindi po nangyayari iyon. Kaya pinag-aralan ng marami at ang nakita nila ay kulang sa pondo. Kulang sa ayuda. Kung kayo po ay—at nakikita ko naman kayo’y magiging pangulo ng ating bansa [palakpakan]—at kaya ko po isinuot ireng lumang t-shirt, ito po ay suwerte ni PNoy dahil noong ako po ay member ng Yellow Army, ito po ang aming dala-dala kahit saan kami pumunta. Gusto po sanang bigyan n’yo ng priority ‘yung proper funding of state colleges and universities para magampanan nila ‘yung mandatong tumulong sa pag unlad ng ating bayan. ‘Yun lang po at maraming-maraming salamat po President Roxas. [Palakpakan]

Roxas: Thank you. Thank you po. Tama po yon. Maraming-maraming salamat po at ang sa madaling salita: Opo.  Opo, subalit nais kong ilagay ito sa tamang konteksto. ‘Yung ginawa ho natin sa Daang Matuwid, ay ginawa ho natin—kung sa Bisaya pa, “istip by istip,” [tawanan] or sa English, step by step, sa bisaya, istip by istip. [Tawanan]  Kasi hindi naman po pwedeng lahatin sabay-sabay. Limitado po ang pondo natin. Malaki, napalaki natin ang pondo natin dahil tinanggal natin, binawasan natin ‘yung katiwalian sa pamamahala.  Subalit ay meron pa rin, kaya kinakailangan na puksain natin yan at ituloy natin ang laban sa kurapsyon. [Palakpakan]  Ganoon pa man, dito sa step by step, anong ginawa natin sa larangan ng edukasyon? Nag-focus tayo doon sa elementary. Doon tayo nagsimula eh. Kasi kung mag-focus ho tayo sa college, sa state university and colleges,  ‘pag doon tayo nag-focus dadating ang mga graduate, hindi sila handa. Kaya kahit pagandahin mo ‘yung status o ‘yung level o yung standards ng state universities and colleges, kung hindi naman tama ang paghanda ng mga kabataan, dadating sila doon, ay kulang ang kaalaman nila para ma-absorb ‘yung mga lessons, di ba. Kaya ang sinimulan ho natin ay dito sa elementary.

Una, ginawa nating K to 12. ‘Yung K-12, nakapakahalaga po niyan. May kontrobersiya po diyan, pero tayo sinabi natin mahirap man ito, ito yung tama. Bakit? Sa buong mundo, tatatlong bansa na lang ang 10 taon ang basic education. Isa tayo doon. All other countries are already in 12 years of basic education. Tayo 10 taon: six years of elementary, four years of high school, that’s 10. Kaya 10 years lang ang basic natin. Kaya tinatanong, nagsimula nang magtanong yung ibang mga bansa, itong diploma ninyo, oo, may diploma siya, naka-graduate sa college, pero sampung taon lang ang kanyang pag-absorb ng mga lessons of basic education. Alam niya kaya lahat ng dapat niyang alam? Dahil kami sa bansa namin, 12 taon na tinuturuan ang bata bago siya makapasok sa college. Eh sa inyo 10 taon lang.

Kaya doon po, minarapat ng bansa natin na itama sa world standard na 12 years of basic education, kaya nagkaroon tayo ng K-12. So isa yun, nangailangan ng malaking pera ‘yun. Dagdag na classrooms, dagdag na teachers, dagdag na chairs, desks, books, etc. Pero inuna natin ‘yun at nakompleto natin ‘yun.

By the way, I’ll give you a statistic. By the time PNoy steps down next year, 180,000 classrooms ang naipapatayo natin nitong nakaraan anim na taon, 180,000 classrooms. More classrooms than six years of Tita Cory, six years of Ramos, three years of Erap, and nine years of GMA.  More classrooms in the last six years than all the Presidents since EDSA put together. Ganoon kalaki ‘yung ating investments sa education, sa basic education, na sinarhan natin ‘yung gap, classroom-shortage gap. And by the way, ang bawat classroom na ‘yan, kumpleto sa upuan, kumpleto sa libro at saka sa work materials, kumpleto sa chalk, sa blackboard, etc.. May banyo pa ‘yung mga classrooms. So, diyan po tayo nagsimula.

Ngayon, so na set-up na natin ‘yung elementary including high school, kasi kasama diyan ‘yung mga classrooms para sa high school, then we go next step. Pasok na tayo doon sa state universities and colleges.

Kaya ‘yan po ang ating panawagan, na nandito na tayo. Malayo na ang narating natin. Kaya kailangan lang na ituloy natin ‘yung Daang Matuwid na kinalalagyan natin ngayon kasi mararating natin. ‘Yung mga dating hindi pa natin napapangarap dahil napakalayo, napakalabo, parang hindi natin makikita, ay narating natin. At, ‘yung mga dating napakalayo, abot-tingin lamang, ngayon nagiging abot-kamay na. Kaya ‘yan po ang panawagan natin sa lahat tayo na naniniwala sa Daang Matuwid.

By the way, maraming-maraming salamat sa ating emcee. Sabi niya, “Roxas na, Mar Roxas na…” Maraming salamat, pero sa totoo lang po, this is not about Mar Roxas. Di ba? ‘Yung pangalan lang ni Mar Roxas ang inyong isha-shade sa balota, pero talaga ang ipinaglalaban natin, ‘yung Daang Matuwid. ‘Yung programa natin sa 4Ps—4Ps po, P65 billion, four and a half million families na ngayon may konkretong paraan na makikita nilang magga-graduate si Ate, si Kuya, si Junior, ‘yung kanilang mga anak dahil hindi lang sa laway, hindi lang sa salita; dinaan natin, ginawan natin ng programa, tumototoo tayo sa ating mga kababayan na nagbigay sa atin ng tiwala nila.

‘Yung pagboto, ‘yung pagsanib, ‘yung pagsama sa ating causa, kinikilala po namin ‘yan bilang pagbibigay ng tiwala. Hindi lang ito sigaw na “Roxas!” oh ano—hindi po. Tinatanggap ho namin ‘yan bilang sagradong obligasyon: obligasyon na kilalanin at pahalagahan ang mga pangarap na kasama nitong pagbibigay tiwala na ito. Pangarap ng bawat pamilya na mamuhay ng may dangal, may kaginhawaan, at meron konkretong nakikita na gaganda ang buhay para sa kanilang mga anak. Na ang kanilang mga anak ay makakapagsimula sa mas maayos at mas magandang antas kaysa sa nasimulan ng mga magulang. Na hindi maipamamana ang kahirapan sa mga anak. Iyan po ang ating ipinaglalaban.

At sa ngalan po ninyong lahat, ipaglalaban natin ito. [Palakpakan] Hindi natin aatrasan ito at isusulong natin ang Daang Matuwid.

Maraming-maraming salamat po. Magandang tanghali. Mabuhay po ang sambayanang Pilipino. Thank you very much.