Speech of
DILG Secretary Mar Roxas
at the Gathering of Friends
Cebu Coliseum, Cebu City
August 24, 2015

Unang-una po, nais kong magpasalamat sa inyong lahat, lalung-lalo na sa mga nagmula pa sa malalayong lugar. Bilang isang taga-Visayas, alam ko na hindi madali magbiyahe [nang] inter-island kaya maraming salamat po sa oras na pinagkaloob po ninyo sa atin, at sa Daang Matuwid ngayong hapon na ito. Thank you very much. [Palakpakan]

Nakakataba ng pusong makita kayong lahat ngayong hapong ito.

Sabi nila mahina ang Daang Matuwid, pero dito nakikita na marami tayo sa Daang Matuwid, matatag tayo sa Daang Matuwid, at malakas tayo sa Daang Matuwid. [Palakpakan]

Ang ating Pangulo, noong 2009 hanggang 2010 na kampanya, madalas niyang sabihin maaari na muling mangarap sa ating bansa. Noong huling SONA.

Noong huling SONA, sabi ng ating mahal na Pangulo: Simula pa lang ito. Dalawa ang aking nakikitang ibig sabihin nito. Una, siyempre ang tinutukoy ni PNoy na malawakang pagbabago sa ating lipunan. ‘Yung mga bagay na pinapangarap lang natin dati, kung di pa natin naabot, nasimulan na nating abutin. Ang panawagan nga sa atin: Ituloy ang paghakbang para maipagpatuloy, mapalawak, at maging permanente ang pagbabago.

Sa Club Filipino, ilang linggo nang nakalipas, pormal kong tinanggap ang hamon na ipagpatuloy ang Daang Matuwid. Para sa akin, ‘yon ang ikalawang ibig sabihin ng simula pa lang ito. Alam nating habang gumugulong ang momentum natin, magiging doble kayod ang mga kalaban natin para sirain ang tiwala natin sa isa’t isa.

Wala naman silang ibang magagawa. Hanggang ngayon, nandiyan ang mga alegasyon at mga kaso sa katiwalian. Dahil butas-butas na nga ang kanilang bangka, ang game plan nila ay itaob ang bangka natin—pare-pareho na lang tayong lulubog.

‘Yun ang pagkakaiba natin sa kanila. We are fighting the good fight. Ang ipinaglalaban natin, hindi ang ating mga sarili kundi ang kinabukasan ng ating bayan. Kaya hindi lang tayo ang may pangarap nito. Pangarap ito ng bawat magulang na nagpapatulo ng pawis at luha para maitawid ang pag-aaral ng kanilang anak. Pangarap ito ng mga kabataang nag-aaral nang mabuti para balang araw ay makatulong sa kanilang pamilya at sa kanilang komunidad. Pangarap ito ng bawat manggagawang nasa ibang bansa, na nangangarap ng magandang hanapbuhay dito sa Pilipinas para di na nila kailangang maging malayo sa kanilang mga mahal sa buhay. Pangarap ito ng bawat propesyunal na ginagawa ang makakaya para makapag-ambag sa ating nation building. Pangarap ito ng bawat maralitang sawang-sawa na sa mga paambon lang na biyaya habang wala namang nagbabago sa kanilang kalagayan. In short, pangarap ng taumbayan ang Daang Matuwid. Dahil dito sila nabibigyan ng pag-asa at kakayahang maisakatuparan ang kanilang mga pangarap.  [Palakpakan]

Ladies and gentlemen, matatag at dakila ang sinasakyan nating bangka.

Humaharap ako sa inyong lahat ngayon kasi gusto ko kayong imbitahang makisagwan sa biyaheng ito. Gaano ba kalayo ang kayang marating ng iisang taong may iisang bangka at iisang sagwan? Kung pagsasama-samahin natin ang ating lakas, walang dudang mararating natin ang mas maunlad at mas masaganang Pilipinas. [Palakpakan]

Sa mga darating na buwan, hindi madali ang mga haharapin nating pagsubok, kaya importante sa akin na matibay ang ating samahan. Hindi lang dahil sinabi ni PNoy, o dahil magkakilala tayo, o di kaya naman dahil magkasama tayo noong nakaraang mga halalan, kundi  totoong naniniwala kayong magkahanay ang mga paniniwala natin.

Itong mga paniniwalang ito, mas malaki sa interes ng kahit sinong indibiduwal. Itinuttuloy natin ang laban ng mga magulang ni PNoy; laban para igalang ang kanilang sakripisyo at alaala. Ito ang dahilan kung bakit umuwi si Ninoy kahit gaano kadelikado ang sitwasyon; ito ang dahilan kung bakit tinanggap ni Tita Cory ang tawag ng EDSA, kahit gaano pa kalakas ang kalaban.

Laban ito ng lahat ng lahat ng ating mga magulang at ninuno na nagsakripisyo para maiahon ang ating mga pamilya, komunidad, at bayan, nang sa ganoon, maiiwan nila sa mas maayos na kalagayan kaysa nadatnan.

Laban ito ng aking ama, na nakita kong kumapit sa prinsipyo at hinarap ang kanyang kapalaran nang may dignidad, sa panahon ng diktadurya.

Laban ito para sa mga pangarap ng isandaang milyong Pilipino—mga pangarap na bumibigkis sa atin bilang bansa. Sabi ko nga, “Who are we if not our dreams?”

Sino ba naman ang hindi nangangarap ng buhay na maginhawa at may dignidad? Na kapag nagutom ka, may isusubo ka. Kapag nagsikap ka, aasenso ka.

Kapag may gusto ka, may ipinangarap ka, hindi mo kailangang ibenta ang dangal mo, dahil may trabaho ka, dahil may naipon ka, at dahil may risonableng paraan para makamit ito. Kapag naglakad ka sa kalye, hindi mo kailagang mangamba. Kapag nagkasakit, o tinamaan ng sakuna, may darating na suporta. Kapag may maling nangyari sa iyo, makakaasa ka sa sistemang may hustisya; makukulong ang mga nagkasala. Sino ba naman ang hindi nangarap na hawakan ang sariling kapalaran?

Huwag din nating kalimutan: Bihirang dumating ang pagkakataong ganito. Palubog na ang mga bangka ng taong matagal na nagsamantala sa mga kapwa nila Pilipino. Nasimulan na ni PNoy ang transpormasyon, at ang mamamayan naman, uhaw sa pamumunong magpapatuloy ng pagbabago.

Walang nagsabing magiging madali ang laban para ituloy ang Daang Matuwid. But let me paraphrase PNoy here: ang mga bagay na mahalaga, kailangang pagsikapan, pagtrabahuhan, at ipaglaban. Tandaan natin: The future is not something that just happens. Ang magandang kinabukasan, hindi basta-bastang dumarating na lang. It entails hard work and sacrifice. It entails hoping and fighting for those hopes.

Let me repeat: Gusto kong ituloy at palawakin ang Daang Matuwid. Gusto kong dalhin ang Pilipinas sa dapat nitong kahinatnan: makatarangunan, maunlad, at puno ng oportunidad. Ito ang pangarap natin at ayaw kong manatiling pangarap lang ito—kailangan ko, at hinihingi ko po ang inyong tulong at lakas para maitawid ito sa realidad. [Palakpakan]

Sa laban na ito—Mr. President, sa ating mga kasama sa Daang

Matuwid, sa ating local government officials, sa ating mga kababayan—sa laban na ito, ibubuhos ko ang lahat, wala akong ititira para sa sarili. Lahat ibibigay natin para sa Daang Matuwid. [Palakpakan]

Ipaglaban natin ang magandang bukas ng ating mga kababayan. Ipaglaban natin ang ating mahal na bayan. Ipaglaban natin ang Daang Matuwid.

Maraming salamat. Magandang hapon. Mabuhay ang sambayanang Pilipino!