Speech of  DILG Secretary Mar Roxas
at the Gathering of Leaders
Greenhills, San Juan City
August 4, 2015

[Mga pagbati]

Noong Biyernes, magkasama tayo, personal, sa Club Filipino, o sa radio, at sa TV. Naramdaman natin ang matinding enerhiya doon. Magandang simula ito, at umaasa tayo na habang nakakabuo tayo ng momentum, dadami din ang magtatangkang sirain ang tiwala natin sa isa’t isa.

Nakita na ninyo kung paano pinagana ng iba ang makinarya nila kahapon—kung paano lilitaw ang mga paratang, ang pamumulitika, ang pagbabatuhan ng putik. Simula pa lang din ito, at inaasahan nating titindi pa lalo ito sa mga susunod na buwan.

Nagpapasalamat ako sa ating mga pamunuan ng liga at saka sa mga kahanay na mga liga sa pagkakataong ito na makaharap kayo ngayong hapon. Of course, ang nag-organize ng liga, pero napakarami pong mga kasama sa Kamara de Representante—palakpakan po natin ang ating mga kinatawan.  Nandito po ang Majority Leader, walang iba po kundi… Bago ko ipakilala, totoo ito: my first and oldest friend in the political world, Boyet Gonzalez. Palakpakan po natin.

Nagpapasalamat po ako sa inyong lahat sa pagkakataong ito, na makausap kayo nang masinsinan bilang kasama, kaibigan, at kapatid sa pagiging lingkod-bayan. Sa araw na ito, namamanhikan po ako sa inyo.

Mahalaga sa akin na pagsagupa natin sa laban na ito na magkasama tayo, hindi lang dahil sabi ni PNoy, hindi lang dahil magkapartido tayo, pero dahil totoong naniniwala kayong magkahanay ang mga paniniwala natin—na totoong type din ninyo na ako. ‘Yung mga mahuhusay manligaw, ‘yan ang pumapalakpak.

Hindi magiging madali ang laban natin. Alam ko, may mga alinlangan ang ilan sa atin. Gusto kong pag-usapan nang diretsahan ang mga alinlangang ito, dahil kung hindi, baka maging marupok ang paninindigan at tiwala natin sa isa’t isa.

Mga kapatid, brother to brother: Suplado daw ako. That’s okay. You can smile. Elitista, at minsan nagmamagaling, o malakas masyado ang dating. Nanghihingi ako ng paumanhin kung nabigyan ko kayo ng dahilan para isipin ito. Umaasa ako na sa mga susunod na buwan, makikilala ninyo ako nang higit, na kung paano ako kakilala ng mga madadalas kong kasama. Ang puso ko po ay bukas, ang puso ko po ay malinis, at sinsero at nais ko po na magkasama po tayo sa pagtahak sa Daang Matuwid na ito.

Ang totoo po, hindi naman malayo ang mga pinanggagalingan natin. Dumaan  ako sa Kamara at sa Senado. Natuto ako sa mentorship ng mga nauna sa atin, at tinawag din akong “bata” ng mga beterano. In fact, napakarami po, at hindi ko na maisa-isa, na noong pumasok ako sa Kongreso, pumasok ako doon ng midterm elections po noon, nagsimula na ang Kongreso—isipin po ninyo na parang pumasok sa isang paaralan, lahat ng mga bata ay may upuan na, alam na nila ‘yung mga locker nila, alam na nila kung ano ang patakaran. Pumasok po ako doon bilang baguhan dahil special elections. Namatay po ang aking kapatid at nagkaroon ng halalan, at talagang kakamot-kamot ako ng ulo doon—hindi ko alam kung ano ang mga sistema.

Subalit, napakarami po, marami po ang mga beterano na nandito. Ang iba po [ay] ang mga ama ng mga mas batang lingkod-bayan na nandito. Tinawag ako, “Bata, halika dito. Hindi mo ako kilala, pero kilala ako ng ama mong yumao na. Gusto kitang turuan, gusto kitang gabayan, at gusto ko maging maayos ang inyong panunungkulan.” Ako po ay benepisyado ng napakarami pong mga beteranong mambabatas at lingkod-bayan na gumabay po sa akin. Palagay ko, madami din po sa inyo ganoon ang naging karanasan, kaya narating ninyo ang mga tagumpay na kinalalagyan po ninyo sa araw na ito.

Marami sa mga pinakamasasayang alaala ko, at ilan sa mga proudest moments, ay noong ako’y, tulad ninyo, isang lingkod-bayan at mambabatas. Bunga nitong   pagsasama natin, nakabisita na rin po ako sa inyong mga tahanan, na kung saan ay ipinakita ninyo po sa akin, pinaramdam ninyo sa akin ang pagiging bukas-palad ninyo, at ang inyong mainit na pagtanggap sa akin. Maraming maraming salamat po sa inyong malasakit at pakikisama.

Bukod dito, tiyak ko, hindi rin naman nalalayo ang mga pangarap natin. Para sa sarili, gusto nating mag-iwan ng magandang pangalan. Gusto natin na ang mga anak natin, taas-noong masasabing naglingkod sa gobyerno ang magulang nila.

Para sa mga nasasakupan natin at sa kapwa natin Pilipino, gusto natin ng pagkakataon ng mas maayos at may dignidad na buhay, ng mabilis, at makabuluhang serbisyo. Gusto natin ng karangalan para sa Pilipinas.

Kahit ano pa ang sabihin ng mga kalaban natin, alam ko, nakikita ninyo, naranasan ninyo, nararanasan ninyo, nagsisimula na ang katuparan ng mga pangarap na ito: sa magagandang programa, sa mga nalilikhang oportunidad para sa mga nasasakupan ninyo, sa mga tulay at kalsada at iba pang imprastruktura sa mga lugar ninyo.

Marami sa inyo, nakabiyahe na rin sa ibang bansa. Iba na rin ang tingin ng buong mundo sa Pilipinas. Hinahangaan na nila tayo. Hindi ito pantasya—mga totoong tagumpay itong pinagtulungan natin itong mga nakaraang taon.

Gagamitin ko na rin ang mga salita ni PNoy: Simula pa lang ito. Sino ba naman ang gugustuhing tumalikod tayo sa maaari pa nating makamtan?

Marami sa inyo, matagal na sa serbisyo. You’ve seen it all. You know who the fakes are, you know who the charlatans are, who the snake oil salesmen are. Kilala din ninyo ang pagkatao makita lang ninyo o madinig ninyo. Pero, di ba, itong nakikita natin ngayon, sa kaloob-looban natin, alam natin: It’s the real thing. Hindi pa pinapanganak ang karamihan sa atin nang huling umabot sa ganitong punto ang Pilipinas—na kaunting tulak na lang, kaunting tawid na lang, talagang maaabot na natin ang mga pinakamatayog nating pangarap.

Noong 2009, kasama ko na rin ang marami sa inyo. Nagtrabaho tayo para ipanalo si PNoy, at para rin sa sarili kong kandidatura sa pagka-Bise Presidente.

Hindi ako pinalad noon. Ngayon mismo, alam ko, hindi magiging madali ang ating laban. It may be an uphill battle. Mababa pa ang numero natin. Hindi ko rin maaalis ang pagtitimbang at mga kalkulasyon ninyo sa pulitika: Baka si ganito, paburan ako sa susunod; baka si ganyan, masmatulungan ako sa sarili kong mga plano. Idagdag ko na rin ang iniisip ng iba: Baka matalo itong si Mar.

Lahat ito, “baka.” Pero mayroon tayong natitiyak: Nasa tama tayo at tayo’y nakatungtong sa maayos para sa ating bansa.Kaya di hamak na mas matibay ang kumpiyansa ko ngayon; tahimik at panatag ang kalooban ko.

Tinanong ako ng anak ko noong isang araw: Ano ang pakiramdam ko ngayon kumpara sa noong 2009 noong idiniklara din ako ng Liberal Party bilang kandidato sa pagkapangulo. Napaisip ako, at sinagot ko sa kanya: Noong 2009, ambisyon ko lang ‘yun. Feeling ko, ambisyon para mamuno sa ating bansa at ihatid siya sa mas magandang bukas. Tanong niya, eh ngayon? Ngayon, parang mas panatag ang kalooban ko. Kalmado ako. Bakit? Hindi na ito tungkol sa akin. Tungkol ito ay isang misyon, misyon nating lahat na ipagpaloob natin sa ating mga anak, sa ating mga kababayan, ang pinakamaganda, ang pinakamahusay na Pilipinas na magagawa natin para sa kanila.

I have absolutely no doubt: This is a fight worth fighting. Sinabi ko na noong Biyernes: Ibubuhos ko ang lahat para sa Daang Matuwid; wala akong ititira para sa sarili ko.  Sa tulong ninyo—sa tulong ng mga Boss natin—walang kaduda-duda, maipapanalo natin ang Daang Matuwid.

May isang biro nga po, sa hanay nating mga pulitiko. Kapag daw halalan, kahit sarili nating pamilya, kailangan nating lapitan para hingan ng suporta. Kaya po nandito ako sa harap ninyo buong-katapatan, buong pagpapakumbaba akong lumalapit sa inyo at humihingi ng tulong sa inyo.

This is not about me nor PNoy. This is about all of us being a part of something bigger than each and every one of us. This is about a hundred million people counting on us to give them good leadership and a good future. There is no limit. Wala pong limitasyon kung ano ang mararating natin kung magsama ang mga mabubuting leader ng ating bansa at ang ating mga kababayan. ‘Yan po ang isang ipinaglalaban natin.

Kailangan ko po ang tulong ninyo. Ituloy at palawakin natin ang Daang Matuwid. Dalhin natin ang Pilipinas sa dapat nitong kahinatnan: makatarangunan, maunlad, at puno sa oportunidad.

May kasabihan: The most powerful word in the entire dictionary is “together.” Magkasama po tayo. Maayos po ang pinaglalaban natin, at maliwanag ang ating bukas.

Maraming salamat. Magandang hapon. Mabuhay ang sambayanang Pilipino! Mabuhay ang Pilipinas!