Speech of DILG Secretary Mar Roxas

At the PNP Flagraising Ceremony, 3 August 2015

To the commander of the troop: Tikas pahinga, please.

Director General, Chief PNP Ric Marquez; DCO Deputy Director-General Bogs Garbo; CDS Deputy Director-General Danny Constantino; Directors of the Command Group; members of the Directorial Staff; to the men and women of the PNP uniformed and non-uniformed; mga kagalang-galang na kinatawan ng Camara de Representante, papakilala ko po sa inyo sila dahil sila po ang nagboluntaryo na bantayan ang inyong budget kahit wala na po ako kasama ninyo. Babantayan nila ang inyong budget.

Congressman Bolet Banal ng Quezon City; Congressman Alfred Vargas ng Quezon City rin; Congressman Boyblue Abaya ng Cavite; Congressman AA Advincula ng 3rd District of Cavite; Congressman Barry Guttierez ng Akbayan; Congressman Dan Fernandez ng Laguna; Congressman Kit Belmonte ng Quezon City rin; Congresswoman Carol Lopez ng Sarangani, Mindanao; Awardees ng Medalya ng Pambihirang Paglilingkod at Medalya ng Sugatang Magiting, Medalya ng Kasanayan awardees; friends, ladies, and gentlemen:

Magandang umaga po sa ating lahat.

Unang beses na nagsama tayo sa isang flag raising ay dalawang taon sampung buwan mahigit na ang nakalipas. Kasusumpa ko lang bilang SILG. Marahil nasa isip ninyo, “Sino ito? Anong uring liderato ang dadalhin nito dito sa amin?”

Aaminin ko sa inyo, puno rin ng pag-aalinglangan ang kaisipan at kalooban ko. “Naku, pulis, ibang mundo ito!” Walang akong karanasan dito, at di ko mabura sa aking isip yung “pulis patola” na bansag sa hanay ng PNP.

Wala ito sa mga plano ko—biglaang nangyari ang pagtatalaga sa akin dito. Sa akin iniatas ni Pangulong Aquino ang pamumuno ng DILG, matapos pumanaw ang kaibigan at kasangga nating si Secretary Jesse Robredo. Sabi niya, kailangan ka doon sa frontlines, at ang frontlines ay ang nasa DILG.

Isang pagharap sa tungkulin, at sagradong obligasyon—atas ni PNoy; dito ako kailangan, kaya dito ako pumunta. Alam ko na pamilyar sa inyo ang pakiramdam na ito: Kapag may pangangailangan, kapag may order, walang tanung-tanong, walang kiyeme, walang drama, diretso kayo sa pagtupad ng ating mga tungkulin.

Ganyan ang buhay ng pulis. Kung saan ka kakailanganin, doon ang punta mo. Sa bawat araw, pagsuot mo pa lang ng uniporme, target ka na kaagad. Kagaya ng marami sa mga kapatid natin sa pagiging lingkod-bayan, kailangan nating harapin ang mapanganib at sakripisyo—dahil trabaho natin ito. Dahil may mga bagay na mas malaki sa sarili nating mga pangamba. Ang ating mga kababayan, ang ating mga kasama sa puwersa, at higit sa lahat, ito mismong bandila na tinitingala natin ngayon—iyan ang ipinaglalaban natin.

Sa maraming pagkakataon, ganitong flagraising ang simula ng araw natin. Minsan, masaya dahil may anibersaryo, may mga bagong graduate, o kaya may mga na-promote o bibigyang-parangal dahil sa mahusay na pagtupad ng tungkulin. Minsan naman, naghahanda tayo para protektahan ang Santo Papa. May mga araw na kailangang sumagupa sa mga kriminal at terorista; may mga pagkakataong tinatawag tayo upang sumaklolo sa mga nasalanta ng bagyo at lindol. At may panahong nagluluksa tayo dahil may mga kasama tayong nag-alay ng kanilang buhay. Ang pinakahuling linya ng ating kinakantang Lupang Hinirang: Ang mamatay ng dahil sa ‘yo. Diyan nakabalot at diyan nakapaloob ang pinaka-essence ng ating pagseserbisyo.

Sa lahat ng ito, naging magkabalikat tayo—nakita ko kung paano kayo rumesponde, kung papaano nag-step up, kung papaano ninyong inaako ang responsibiladad. Karangalan kong maglingkod ng kasama kayo. I am proud to have been with you and to have served with you.

Ilang taon na nating ipinaglalabang iangat ang dangal ng PNP: Mula sa nagawa natin para ibaba ang krimen, sa pagtaas ng morale dala ng mga bagong kagamitan, sa paglutas sa mga high-profile na kaso, at sa nabanggit kong pagbantay kay Pope Francis. Kapag sinabi nating pulis ngayon, di hamak na mas marami ang mag-iisip na “Pulis Panalo” kaysa “Pulis Patola.” Narinig na siguro ninyo ang laging sinasabi ni PNoy: Kahit saan tayo madestino, dapat nating iwan ito ng mas mabuting kalagayan kaysa sa dinatnan natin. Sa sukatang ito, sa tingin ko, walang-duda ang tagumpay ninyo.

Ngayong araw, naghahalo ang lungkot, saya, karangalan, at marami pang ibang emosyon. Mga kasama: Gagamitin kong pagkakataon na ito, itong flagraising na ito, upang magpaalam muna sa inyong lahat.

Kahit marami pa tayong mga plano at marami pang inilalatag na pagbabago, dapat ko munang ipaubaya sa iba ang pamumuno sa inyo. Noong Biyernes, tinawag ako ng Pangulo at ng ating mga boss na ituloy ang Daang Matuwid sa mas malawak na larangan.

Malungkot ako dahil feel ko naging close ako sa inyo, at feel ko rin na rumisponde naman kayo sa pamamagitan ng mahusay at tapat na pagserbisyo. Pero kumpiyansa ako: Ipagpapatuloy ninyo ang pagpapakita ng tapang, talino at dedikasyon para sa ating mga kababayan.

Sa bawat miyembro ng PNP: Salamat sa ipinakita ninyong tiwala sa aking pamumuno. Kahit ang iba sa inyo nakukulitan tuwing Miyerkules sa ating mga meeting. Nakiisa kayo, at ngayon, talagang napakalayo na ng ating narating tungo sa pagkakaroon ng isang PNP na prupesyunal at may sapat na lakas para tuparin ang kanyang tungkulin. Isang PNP na hindi bara-bara o patsamba. Isang PNP na hindi pakanya-kanya. Isang PNP na hindi pansamantala lang, pang-photo-op lang na gawain. Kundi isang PNP na tapat na naglilingkod at kusang nagtatanggol sa ating mga kababayan. To serve and to protect.

Sa ating kapulisan: Take pride in what you are. Iyang tsapa at uniporme ninyo, mga paalala ito kung ano ang kaya nating maabot bilang hanay ng pamahalaan at bilang bansa. Tuloy lang kayo sa mabuti ninyong gawain. Ipinapangako ko sa inyo, kahit saan man ako mapadpad, gagawin ko ang lahat para masiguro na magpapatuloy ang pag-angat ng PNP.

Ladies and gentlemen of the PNP, God protect you and keep you in his embrace. It has been my pleasure and a great, great honor to serve with you. I give you my snappy salute.

Maraming maraming salamat po. Carry on. Thank you very much.